Programang "Bigas 29" ng rehimeng Marcos, binatikos ng kababaihang magbubukid

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Amihan National Federation of Peasant Women ang programang Bigas 29 ng Department of Agriculture (DA) na nag-aalok ng ₱29 kada kilo ng bigas para sa piling mga sektor ng lipunan. Ayon sa grupo ng kababaihang magbubukid, malinaw na ipinakikita ng programa ang “kainutilan, kapabayaan at pagiging kontra-mahirap ng gubyernong ito.”

Inianunsyo ng National Food Authority (NFA) Council, sa pamumuno ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, noong Hunyo 18 ang pag-apruba sa naturang programa na sisimulang ipatupad sa darating na Hulyo. Ang lumang bigas ay magmumula sa mga imbakan NFA. Ibebenta ito sa mga tumatanggap ng 4Ps, solo parent, senior citizen, at may kapansanan lamang. Isasali din umano ang mga katutubo sa kalaunan.

“Kung gusto nilang magbenta ng murang bigas, dapat maayos ang kalidad at hindi parang mumo na walang choice (pili) ang mga maralita kundi sumunod sa kagustuhan nila,” ayon kay Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan.

Patutsada naman ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, “ito bang Bigas 29 ay handa nilang [DA Secretary Laurel at Ferdinand Marcos Jr] kainin at ipakain sa kanilang mga pamilya?”

Buong-pagtatanggol naman ang DA sa pagbebenta ng lumang bigas. Anila, “ligtas” naman itong kainin. Ininilako ito bilang bahagi ng programa ng rehimeng Marcos para sa katiyakan sa pagkain at murang bilihin.

Ikinumpara ng grupong Amihan ang Bigas 29 sa dating binasagang “bukbok rice” noong 2018 sa ilalim ng rehimeng Duterte na kahit sira na ay ipinagpipilitang ligtas pang kainin ng maralitang Pilipino.

Luma na nga, lilimitahan pa ng DA nang hanggang 10 kilo lamang kada sambahayan ang pupwedeng bilhin kada buwan dahil target umano nitong suportahan ang aabot sa 6.9 milyong pamilya o 34 milyong Pilipino. Para sa lima-kataong pamilya, wala pang kalahating kilo ng bigas ang maibibigay ng programa.

Ipinagdiinan pa ng DA na kahit kakarampot, ang pamudmod na bigas ay “malaking bagay” na sa karaniwang pamilya.

Target ng ahensya na magsuplay ng 69,000 metriko toneladang bigas. Anito, sakaling magkulang ang bigas ay posibleng mag-angkat para suportahan ang programa.

“Kung nais maging abot kaya ang bigas, nanatili pa rin ang panawagan na palakasin ang lokal na produksyon…hindi aabot na magbebenta sila ng lumang bigas laluna kung may kumprehensibong plano para sa pagbili ng palay sa mga magsasaka at pagbebenta ng abot-kaya at de kalidad na bigas sa mga palengke sa bansa,” ayon kay Soriano.

AB: Programang "Bigas 29" ng rehimeng Marcos, binatikos ng kababaihang magbubukid