Protesta sa FEU, idinaos kontra sa bantang pagsipa sa 3 estudyante

,

Naglunsad ng pagkilos ang mga grupong estudyante noong Nobyembre 4 sa harap ng Far Eastern University sa Morayta Avenue sa Lungsod ng Maynila. Kinundena nila ang panggigipit at napipintong pagsipa sa tatlong estudyanteng kinasuhan ng unibersidad ng “mga akto ng subersyon at insurhensya, tulad ng paglulunsad ng di awtorisadong mga demonstrasyon…”

Ang tinutukoy nitong mga “akto” ay ang paglahok ng naturang mga estudyante sa mga aktibidad para gunitain ang lagim ng batas militar na idinaos noong Setyembre 21.

Nagsuot sila ng itim na tshirt at inengganyo ang kanilang mga kamag-aral na ipaglaban ang kalayaang pang-akademiko.

“Ang kanilang kritikal na pag-iisip at paninindigan sa pulitika ay hindi rason para pagkaitan sila ng karapatan sa edukasyon,” ayon kay JR Cruz, chairperson ng Kabataan Partylist-FEU. Nanawagan siya na repasuhin ang student handbook ng unibersidad at tanggalin ang mga kontra-estudyanteng probisyon na yumuyurak sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Ang tatlong estudyante na nanganganib masipa sa unibersidad ay sina Marie Justine Keswani, Romarie Relator, at Dyan Macerin, lahat kasalukuyang naka-enroll sa kani-kanilang mga kurso.a

AB: Protesta sa FEU, idinaos kontra sa bantang pagsipa sa 3 estudyante