Balita

UP Diliman University Council, nanawagang lusawin ang deklarasyon ng kooperasyon ng UP-AFP

Sa isang pahayag noong Setyembre 25, nanawagan ang University of the Philippines (UP)-Diliman University Council sa administrasyon ng UP System na bawiin nito ang deklarasyon ng kooperasyon sa pagitan ng UP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang konesho ay binubuo ng tsanselor, mga dekano at propesor ng kampus.

Pinirmahan ang naturang kasunduan ni UP President Angelo Jimenez at ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr noong Agosto 8. Ibinukas nito ang UP sa iba’t ibang “inisyatiba,” ng AFP, kabilang ang mga proyektong pananaliksik, programang akademiko, at aktibidad ng pakikisalamuha sa mga komunidad. Layunin nitong gamitin ang mga rekurso at kasanayan ng UP para sa gamit ng AFP.

Nabahala at labis na ikinagulat ng konseho sa pagkabuo ng kasunduan. “Labis kaming nadidismaya na, habang ang komunidad ng UP ay matapang na nagtatanggol sa akademikong kalayaan sa pagkundena sa red-tagging, paggigiit ng UP-DILG ACcord, at pagtatatag ng Committee on Academic Freedom and Human Rights (CAFHR) sa bawat [yunit ng UP], makaisang panig na pumasok si President Jimenez sa isang kasunduan sa AFP nang walang konsultasyon,” anito.

Dagdag ng konseho, kahit ang mismong nagtulak ng kasunduan na mula sa Center for Integrative and Development Studies (CIDS) ay hindi komunsulta sa ibang tagapagtipon ng programa. Ipinabatid lamang ang kasunduan sa mga kasapi ng CIDS nang napirmahan na. “Isinasapanganib ng kasunduan ang ating mga guro, istap, at mga estudyante, gayundin ang ating mga rekurso, espasyo, at magiting na kasaysayan ng aktibismo,” anito.

Isang maling mensahe rin umano ang ipinababatid ng kooperasyon na maaaring magsilbi ang UP bilang “think tank” ng militar at na ang mga layunin ng UP at AFP ay maaaring “estratehikong magtagpo.” Pagdidiin ng pahayag, “ang misyon ng mga institusyon sa edukasyon at ang militar ay pundamental na magkaiba.”

Tulad sa naunang pahayag ng UP Office ng Faculty Regent, UP Office of the Staff Regent, UP Office of the Student Regent, KASAMA sa UP at Defend UP Network, idiniin ng UP Diliman University Council na ang kasunduan ay malaking pagyurak sa akademikong kalayaan.

Kasunod ng pahayag ng konseho ng UP Diliman, kaagad na naglabas ng pagdadahilan at pagtatanggol sa kasunduan ang administrasyon ng UP System. Liban dito, tahasang hindi pinakinggan ni UP President Jimenez ang hinaing ng mga estudyante at komunidad ng UP sa kanilang kumprontasyon noong Setyembre 26 sa UP Manila matapos ang isinagawang pulong ng UP Board of Regents sa Salcedo Hall sa naturang kampus. Nagsagawa rin ng protesta ang mga estudyante habang nagaganap ang pulong.

AB: UP Diliman University Council, nanawagang lusawin ang deklarasyon ng kooperasyon ng UP-AFP