Panunupil sa pahayagang pangkampus sa Cebu, binatikos ng Kabataan Party-list
Nagpahayag ng suporta ang Kabataan Party-list sa Today’s Carolinian (TC), pahayagang pangkampus sa University of San Carlos (USC), sa harap ng ginagawang panunupil ng administrasyon dito. Naghain ang partido, kasama ang Makabayan Bloc, at ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ng isang resolusyon sa House of Representatves noong Enero 23 para kundenahin ang pagpapalayas sa pahayagan sa kanilang upisina.
Sinipa ng administrasyon ng USC ang TC sa upisina nito sa USC-Downtown Campus noong Enero 15. Ayon sa pahayagan, walang dayalogo at biglaan silang pinalayas sa bisa ng isang ipinaskil na “pabatid” noong Enero 17. Nakasaad dito na papalit sa kanila sa paggamit ng upisina ng Alumni Office simula Enero 15.
Noong Agosto 2024 ay ipinasara rin ang upisina nito sa USC-Talamban Campus. Bago nito, tinanggalan ng pondo ang pahayagan noong 2019 kasunod ng kanilang kritikal na paglalathala ng mga balita hinggil sa pagpapataw ng USC ng dagdag-singil sa matrikula. Pinipilit rin ng USC Office of Student Formation and Activities (OSFA) ang TC na magrehistro bilang isang “organisasyon sa paaralan” sa halip na kilalanin bilang isang pahayagang pangkampus.
Sa House Resolution No. 2193 ng Makabayan Bloc, sinabi nitong hindi isang “hiwalay na insidente” ang pagpapalayas sa pahayagan laluna at katulad na mga hakbang panunupil ang kinaharap ng ibang mga organisasyon, konseho at publikasyon sa USC.
Inihayag din sa resolusyon ang mga hamon na kasalukuyang kinahaharap ng mga pahayagan sa bansa tulad ng kawalan ng pondo, espasyo, at pagkitil sa kritikal na pamamahayag. Nanawagan ito sa Commission on Higher Education na imbestigahan ang insidente at tiyakin ang pangangalaga sa karapatan ng mga mamamahayag pangkampus.
Isinusulong ng Makabayan Bloc na palakasin ang proteksyon para sa mga pahayagan sa pamamagitan ng pagpasa ng Campus Press Freedom Bill, na nagtataguyod sa kanilang karapatan at awtonomiya, na ipinanukala ng KPL. Nakatengga ang panukala sa Technical Working Group ng House Committee for Higher and Technical Education.
“Ang suporta ng resolusyon ay nakabalangkas sa mas malawak pang kampanya sa paglaban sa mga burukratiko at mapanupil na mga sistemang ipinapataw ng mga unibersidad,” ayon sa CEGP-Cebu. Dagdag pa ng grupo, ipinapataw ang mga ito para sa ngalan ng komersyalisado at pasistang interes ng mga unibersidad.