Balita

Proyektong Kaliwa Dam, niraratsada ng rehimeng Duterte

, ,

Apat na buwan bago matapos ang upisyal na termino nito, niraratsada ng rehimeng Duterte ang kontruksyon ng ₱12-bilyong proyektong Kaliwa Dam sa kabundukan ng Sierra Madre sa kabila ng mahigpit na tinututulan ng mga minoryang mamamayan sa lugar. Ang proyektong dam ay maglulunod sa mga lugar na saklaw ng mga lupang ninuno ng mga katutubo sa prubinsya ng Quezon at Rizal.

Mula Enero 24 hanggang 29, naglunsad ng dalawang asembliya ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal para tipunin ang mahigit 100 lider ng mga katutubong Dumagat/Remontado para ipitin sila na pumirma sa memorandum of agreement para sa naturang proyekto.

Matagal nang tinututulan ng mga apektadong katutubong komunidad ang Kaliwa Dam. Tumatanggi silang magbigay ng free, prior and informed consent (FPIC o dokumento ng kusang pagsang-ayon). Nakasaad mismo sa ilalim ng rekasyunaryong batas na maaari lamang simulan ang mga proyektong pang-imprastruktura sa mga lupang ninuno kung nakakuha na ang proyekto ng FPIC mula sa mga katutubo.

Ayon kay Conchita Calzado, isa sa mga lider na dumalo sa pagtitipon, hindi nakalahok ang lahat ng apektadong mga katutubo at pili lamang ang pinadalo sa pagtitipon. Dagdag pa niya, maging ang mga dumalo ay hindi binigyan ng oportunidad para makapagsalita. “Talagang kinokontrol nila kung sino lang ang magsasalita,” puna niya.

Binatikos din ng STOP Kaliwa Dam Network ang mapanlinlang na maniobra ng rehimen para papirmahin ang mga lider sa naturang MOA. Anito, nakasaad sa imbitasyon para sa aktibidad na bahagi lamang ng adyenda nito ang balidasyon ng MOA at pagbabalangkas ng community royalty development program (CRDP), at hindi ang pagpirma sa MOA. “Pagdating pa lamang (ng mga lider sa pagtitipon), agad nang inihapag ang pagpirma sa MOA, kahit wala pang balidasyon ang MOA at hindi pa nakukumpleto ang CRDP kasama ang mga apektadong komunidad,” paglalahad nito.

Ayon sa grupo, iginigiit ng mga lider na dapat iangkla ang anumang kasunduan sa pagkilala sa karapatan sa lupaing ninuno ng mga katutubong komunidad sa lugar.

Nanawagan naman ang Kalikasan People’s Network for the Environment ng imebstigasyon kaugnay sa “huling-minutong” pagraratsada ng rehimen sa proyekto, na anito’y patunay ng pagiging maka-China at maka-negosyo nito. Hinamon din ng grupo ang mga kandidatong oposisyon at independyente sa darating na halalan na magsalita at mangako na ipatitigil ang “lantarang iligal at pabigat na proyektong Kaliwa Dam” sakaling sa eleksyon. Nanawagan din ang grupo sa mga botante na igiit sa mga lider na galangin ang karapatan ng mga katutubong Dumagat at bigyan ng proteksyon ang Kaliwa Watershed.

Samantala, binatikos din ng ilang lider ang paglulunsad ng pagtitipon sa kabila ng mabilis na pagkalat ng Covid-19 sa mga prubinsya. Anila, isinasapanganib nito ang kalusugan ng mga katutubong komunidad, na kalakha’y hindi pa bakunado, dahil sa posibilidad na mahawa ang mga lider na dumalo sa pagtitipon.

Ang Kaliwa Dam ay isang ₱12-bilyong proyekto sa 37,174 ektaryang lupang ninuno sa Sierra Madre na popondohan gamit ang pautang mula sa China para lumikha ng karagdagang 600 milyong litro ng tubig kada araw para sa Metro Manila. Palalayasin ng proyektong ito ang libu-libong mga katutubong nakatira sa lugar. Pinangangambahan na magreresulta ang proyekto sa pagtindi ng mga pagbaha hindi lamang sa mga apektadong komunidad, kundi pati na rin sa Metro Manila, at pagkawasak ng kagubatan sa Sierra Madre kung saan matatagpuan ang iba’t ibang klase ng hayop at mga halaman na nanganganib nang maubos.

AB: Proyektong Kaliwa Dam, niraratsada ng rehimeng Duterte