Rehimeng Marcos, siningil ng mga maralitang sinalanta ng bagyong Carina

, ,

Magkasunod na piket-protesta ang inilunsad ng mga maralitang-lunsod at grupong maka-kalikasan ngayong araw, Hulyo 29, sa pambansang upisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Metro Manila. Sinisingil nila ang rehimeng Marcos at mga ahensya nito sa kanilang kapabayaan at pananagutan sa mga nasalanta ng bagyong Carina noong nakaraang linggo.

Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), binatikos nila ang kawalang-tugon ng rehimeng Marcos para kaagad na tulungan ang mga komunidad na sinalanta ng pagbaha at malakas na ulan noong nakaraang lingo. Ibinahagi ng mga taga-Barangay Tatalon sa Quezon City ang karanasan nila na walang ambulansya o reskyu na dumating sa kanilang komunidad. Isa sa mga biktima ng kapabayaan na ito ang isang babaeng namatay dahil sa atake sa puso.

Binatikos naman ni Ka Inday Bagasbas, lider ng Kadamay-Sityo San Roque, ang Ayala Corporation na sinisisi ng mga residente sa pagbahang dinadanas ng kanilang komunidad tuwing umuulan. Aniya, mula nang isinagasa ng Ayala Corporation ang mga proyektong “pangkaunlaran” nito at giniba ang ilang bahagi ng Sityo San Roque, pamalagian na silang nakararanas ng pagbaha. Pumapatong pa umano sa hirap na dinadanas nila ang kawalan ng tulong ng anumang ahensya ng gubyerno.

Sa harap ng mga ito, iginiit ng Kadamay ang kaagad na pagbibigay ng DSWD ng ayuda sa panahon ng “emergency” na halagang ₱10,000 para makaagapay sa mga maralita. Pagdidiin ng grupo, marami pang apektado ng nagdaang bagyo ang hindi pa makabangon. Naghatid din ng isang sulat ang grupo sa upisina ng DSWD kaugnay nito.

“Hindi dapat namimili ang DSWD ng binibigyan. Marami sa mga nangangailangan ay hindi kayang pumunta sa upisina ng DSWD dahil nasa evacuation areas pa. Dapat DSWD mismo ang lumapit sa mga apektado,” ayon sa grupo.

Nagpunta rin ang Kadamay at grupong Kalikasan People’s Network for the Environment sa upisina ng DENR. Siningil nila ang ahensya sa patuloy na reklamasyon at pagkasira ng kabundukan na nagbunga ng malawakang pagbaha. “Lubog at washout ang mga gamit sa komunidad at hirap makabangon mula sa sakuna, wala pa ring aksyon ang gubyerno para lusatin ang mga problemang ito,” pahayag ng Kadamay.

Sama-samang isinagaw ng mga grupo: “Marcos Jr, delubyo sa maralita!” Ang buong Metro Manila ay ipinailalim sa “state of calamity” matapos ang pananalasa ng bagyong Carina.

AB: Rehimeng Marcos, siningil ng mga maralitang sinalanta ng bagyong Carina