Balita

San Miguel Corporation, pinananagot sa oil spill sa Manila Bay

,

Bumagsak ang bentahan ng isda sa Bataan nang 58.33% matapos kumalat ang langis mula sa MT Terra Nova, ang lumubog na barkong kinontrata ng Petron Corporation, mula Hulyo 27. Mula ₱120/kada kilo, P50 na lamang naibebenta ng mga mangingisda ang kanilang huli. Maraming konsyumer ang umiiwas bumili ng isda mula sa Bataan, Cavite at Bulacan para makaiwas sa sakit na maaaring dala ng mga kemikal na dala ng oil spill.

“Kahit hindi direktang kontaminado at malayo naman sa tumatagas na barko ang pinanggalingan ng mga huli naming isda, labis-labis kami kung baratin ng mga komersyante kaya higit ang pagbagsak ng aming kinikita,” pahayag ng tagapangulo ng Pamalakaya na si Ronnel Arambulo sa isang interbyu. “Bukod sa mababang presyo ng farm gate price, problema na rin ng mga mangingisda ang pagkawala ng karaniwang nahuhuli naming isda tulad ng bisugo.”

“Dapat papanagutan ng mga upisyal ng gubyerno ang dalawang oil spill sa Manila Bay na umaapekto na ngayon sa mga komunidad sa baybay sa Bataan, Bulacan at Cavite,” ayon sa pinag-isang pahayag ng Pamalakaya at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong Agosto 5. Dagdag sa MT Terra Nova na may kargang 1.4 milyong litrong industrial fuel, lumubog din ang MTMTR Jason Bradley na may dalang 55,000 litro ng diesel sa Mariveles, Bataan.

Parehong hindi pa naapula ng Philippine Coast Guard ang dalawang oil spill, sa kabila ng pagmamayabang nitong “madali” lang i-secure ang MT Terra Nova, dahil malapit lamang ito sa baybay at “mababaw” ang pagkalubog nito. Kung hindi maagapan, magiging “pinakamalalang oil spill” ito sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Kailangang managot ang Marina, PCG, ang Portavaga Ship Management na may ari ng MT Terra Nova pati na ang may-ari ng cargo oil na tumatagas na ngayon sa Manila Bay,” ayon kay Danilo Ramos, pinuno ng KMP.

Sinubukan pang itinago sa publiko na ang kargang langis ng MT Terra Nova ay pagmamay-ari ng SL Harbor Bulk Terminal Corporation, isang subsidyaryo ng San Miguel Shipping and Lighterage Corporation. Ang SL Harbor rin ang nagkontrata sa MT Princess Empress, na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro at naging sanhi ng mapaminsalang oil spill noong 2023. Nakapailalim ang Petron sa SMC na pagmamay-ari ng malaking burgesya kumprador na si Ramon Ang. (Hindi kataka-taka na hindi agad ito lumabas sa mga dyaryo, lalo’t si Ang din ang may-ari ng malaking bahagi ng ilang outlet ng midya, kabilang ang Philippine Daily Inquirer at Philippine Star.)

“Malaking kapabayaan ng gubyerno kung bukod sa hindi maaagapan ang pagkalat ng langis, ay walang suportang matatanggap ang mga apektadong mangingisda,” ayon sa Pamalakaya.

AB: San Miguel Corporation, pinananagot sa oil spill sa Manila Bay