Sara Duterte, kinastigo sa kontra-kapayapaang tindig
Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pahayag ni Sara Duterte, bise presidente at kalihim ng kagawaran sa edukasyon, laban sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at pangkatin ni Ferdinand Marcos Jr. Ito ay matapos hindi nakapagtimpi at lantaran niyang pinuno si Marcos Jr sa pagsabing ang pinirmahang Oslo Joint Statement ng GRP kasama ang NDFP ay isang “kasunduan sa demonyo.”
Inilabas ni Duterte ang pahayag na ito noong Disyembre 4, kasabay ng ika-5 anibersrayo ng National Task Force (NTF)-Elcac kung saan umuupo siyang co-vice chairperson.
“Tandaan ninyo—kung sino man ang kumukontra sa peace talks ay kumukontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumukontra sa kapayapaan ay ang tunay na kalaban ng bayan,” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ACT.
Giit niya, hangad ng mga guro ang tunay na kapayapaan sa bayan na nakabatay sa pagkakamit ng panlipunang hustisya. Paliwanag pa ni Quetua, sinusuportahan dapat ang mga hakbang para sa pagkakamit ng hustisyang bunga ng pagresolba sa mga dahilan ng armadong tunggalian sa bansa gaya ng talamak na inhustisya at patuloy na tumitinding kahirapan.
Sa pahayag ni Duterte, mistulang pinangangaralan niya si Marcos sa kawalang-alam nito na “napatunayan na sa kasaysayan na hindi seryoso [ang NDFP] at wala silang sinseridad sa usaping pangkapayapaan…gagamitin nila itong peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan.”
Hinimok niya si Marcos na repasuhin ang naturang kasunduan. Gayundin, binatikos niya ang paglalabas ni Marcos ng Proclamation 403 at 404 na nagbigay ng “amnestiya” sa mga armadong grupo. Imbes na ito umano ang pairalin, mas mainam pa na ipagpatuloy ang balangkas ng NTF-Elcac na pinasimulan ng kanyang amang si Rodrigo nang ito ay pangulo pa.
Kasunod ng naturang pahayag ng bise presidente, nagpakitang-gilas naman ang pinsan ni Marcos at kasalukuyang House Speaker na si Ferdinand Martin Romualdez. Pinagtibay ni Romualdez ang kanyang “buong-pusong” suporta sa desisyon ng kanyang pinsan at kanilang pangkatin na muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan.
Naglabas din ng nagkakaisang pahayag ang mga lider ng iba’t ibang partido bilang suporta sa negosasyong pangkapayapaang isinusulong ng administrasyong Marcos. Anila, “isa itong hakbang tungong pambansang pagkakaisa at mapayapang hinaharap para sa bansa.”
Samantala, tuluy-tuloy ang paggigiit ng mga demokratikong organisasyon na palayain ang mga bilanggong pulitikal at nakapiit na konsultant ng NDFP bilang mahalagang hakbang sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Nagprotesta ang grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban Sa Detensyon at Aresto (SELDA), sa harap ng Department of Justice (DOJ) noong Disyembre 5 para ipanawagan ito sa rehimeng Marcos.
Sa huling tala ng grupong Karapatan, mayroong 795 bilanggong pulitikal sa bansa kung saan 159 ay kababaihan. Sa mga ito, 98 ang may sakit at 78 ang matatanda. Walumput-apat (84) sa kanila ay inaresto at ikinulong sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Iginigiit din ng mga demokratikong organisasyon ang pagtatanggal sa “teroristang designasyon” laban sa NDFP at kay Ka Luis Jalandoni, pagbuwag sa NTF-Elcac at pagbabasura sa Anti-Terorrism Law.