Sibilyang nakaupo sa tabing-kalsada, pinatay ng 31st IB sa pinalabas na engkwentro

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinagbabaril ng mga sundalo ng 31st IB ang sibilyang si Niño Henera habang nakatambay sa tabing-kalsada sa Barangay Trese Martires, Casiguran, Sorsogon noong Hunyo 26 ng alas-10 ng gabi. Pinalalabas ng 31st IB at lokal na pulis ng Casiguran na Pulang mandirigma si Henera at napatay sa isang armadong engkwentro.

Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng walo hanggang 10 putok ng baril bago nakitang nakahandusay ang bangkay ng biktima. Itinanggi nilang isang engkwentro ang naganap at pinasinungalingan na rin ito mismo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon (Celso Minguez Command) sa isang pahayag.

“Taliwas sa inimbentong ulat ng Casiguran MPS at 31st IB, hindi myembro ng NPA o ng rebolusyonaryong organisasyon si Henera,” ayon kay Ka Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB sa prubinsya. Pinatunayan rin mismo ng mga residente na kilala si Henera bilang isang manggagawa sa konstruksyon sa bayan ng Casiguran at sa katunayan ay nakikipag-inuman pa bago ang insidente.

Para pagtakpan ang kanilang krimen, ipinagpipilitan ng 31st IB at pulis na kasapi ng hukbong bayan si Henera at nakuha pa umano sa pinangyarihan ng krimen ang isang .38 rebolber, mga bala, blasting cap, granada at iba pang kagamitang militar. Karaniwang taktika ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtatanim ng mga ebidensya sa lugar ng kanilang krimen.

Samantala, ibinahagi ni Ka Samuel na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang BHB-Sorsogon kaugnay ng krimen ng mga sundalo. Kinundena naman niya ang karuwagan ng AFP at pulis na “umaatake sa walang kalaban-labang mga sibilan sa gawa-gawa nilang mga engkwentro, kaysa harapin ang tunay na kalaban, ang NPA.”

Aniya, ang pagtarget sa mga sibilyan sa gitna ng umiiral na gera sibil sa bansa ay labag sa internasyunal na makataong batas at isang krimen laban sa sangkatauhan. Bahagi rin umano ito ng desperadong tangka na gupuin ang armadong paglaban ng mamamayan.

Hinimok naman ni Ka Samuel ang mga kagawad ng midya na maging mapagmatyag at mapanuri sa mga ulat na pinalalabas ng AFP at PNP, at dinggin ang boses ng mga inaapi at pinagsasamantalahan. Hamon umano sa kanila na alamin at isiwalat ang katotohanan.

AB: Sibilyang nakaupo sa tabing-kalsada, pinatay ng 31st IB sa pinalabas na engkwentro