"Silent protest," idinaos ng mga estudyante sa Ateneo de Manila University
Tahimik na nagmartsa ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa kampus nito bilang protesta at pagkundena sa pagbubukas ng bagong daanan para sa pagpasada ng mga e-jeep sa loob ng unibersidad noong Pebrero 6. Umani ng malawakang pagbatikos mula sa mga estudyante at grupo ng kabataan ang paggawa ng bagong daanan simula Disyembre 2024 dahil sa anila’y kakulangan ng konsultasyon sa mga sektor.
Ang kilos protesta na nilahukan ng ilampung estudyante ay pinangunahan ng League of Filipino Students (LFS)-Katipunan. Nakiisa sa pagkilos ang mga kasapi ng Kabataan Partylist-Katipunan at ang bagong tatag na pampulitikang partido na SINAG-ADMU.
“Muli’t muli, isinaisantabi ng mga proyektong pangkaunlaran ng administrasyon ng Ateneo ang mga nasasakupan nito at hindi nagtatangkang makinig sa mga pangangailangan at kagustuhan ng komunidad ng Ateneo,” ayon sa LFS-Katipunan. Dagdag pa ng grupo, tinanggalan din nito ng espasyong pedestrian o paglalakaran ang mga estudyante at maging lugar kung saan aktibong nakapagtitipon ang mga organisasyon at komunidad.
Anito, ang kawalan ng konsultasyon ng administrasyon ay nangyari din sa maraming nagdaang isyu sa kampus kabilang ang proyektong North Carpark at iba pa. “Nang nagpahayag ng kanilang pagkabahala ang mga estudyante at mga guro, nangako ang administrasyon na isasaalang-alang ang mga ito, ngunit nanatili itong hindi pinakinggan dahil itinayo pa rin ang car park,” ayon sa grupo.
Pahayag pa ng grupo, hindi papayag ang komunidad ng Ateneo sa gayong paglalapastangan ng administrasyon ng isang paaralan na dapat sana ay nagtataguyod ng dekalidad na edukasyon sa bansa. Nakikita rin ng LFS-Katipunan na ang mga patakarang ito ay bahagi ng kabuuang balangkas ng kolonyal, komersyalisado at mapanupil na sistema ng edukasyon sa bansa na sinasalamin sa mga isyu sa kampus tulad ng “masterplan” at ang planong 6% pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa unibersidad.