Sunog at pribatisasyon ng lupa sa Parola, pinaiimbestigahan ng mga maralita
Nanawagan ang Kadamay ng agarang imbestigasyon sa naganap na sunog sa Parola Compound, Delpan, Binondo sa Maynila na sumiklab noong Mayo 23. Tumagal nang mahigit 10 oras ang sunog na nagsimula alas-3 ng hapon ng Mayo 23 at tuluyang napatay ala-una na ng madaling araw kinabukasan. Umaabot sa 7,123 residente (humigit-kumulang 2,134 pamilya) ang nawalan ng tirahan at pansamantalang nakatigil sa mga evacuation center. Karamihan sa kanila ay walang nasalbang gamit.
Ayon sa grupo, hindi malayong may kaugnayan ito sa pagpapalayas ng mga residente upang bigyang-daan ang mga proyektong imprastruktura na balak itayo ng mga pribadong kumpanya, kasabwat ang rehimeng Marcos.
“Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan, isa ang Parola sa pinupuruhan ng pribatisasyon sa huwad na proyektong pangkaunlaran ng gubyerno ni Marcos Jr,” ayon sa Kadamay. “Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, naging sunud-sunod na kaso ng sunog habang lumalawak ang saklaw ng demolisyon sa mga lugar ng maralita.”
Tatamaan ang Parola ng North-South Harbor Bridge Project ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon Jr. Itatayo ng proyektong ito ang isang 2.02-kilometrong tulay na magdudugtong sa Barangay 20 (Parola) sa North Harbor at Barangay 649 (Baseco) sa South Harbor. Inanunsyo ang pagsisimula ng proyekto noong Mayo 22, isang araw bago ang sunog sa Parola. Kaya naman duda ang mga residente na tulak ng proyekto ang sunog para sa “clearing” o pag-aalis sa mga kabahayan upang ibenta sa kumpanya ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay at kabuhayan.
Ang proyektong ito, kasama ng planong itayong Southern Access Link Expressway (SALEX), ay bahagi diumano ng pagdudugtong ng daungan (North at South Harbor) at pagpapaluwag ng trapiko sa Maynila, para sa kapakinabangan ng mga dayuhan at malalaking kumpanya. Ang SALEX na proyekto ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation ay maglalatag ng 4-kilometrong elevated highway o nakaangat na kalsada na magdudugtong sa Skyway Stage 3 sa Manila North Harbor. Nabantog ito kamakailan dahil sa pagpuputol ng daan-daang matandang puno sa Quirino Avenue.
Kasabay nito, binatikos ng Kadamay ang pribatisasyon ng lupa na dapat sana’y nakalaan sa disente, abot-kaya, at pangmasang paninirahan ng mga Pilipino.” Pasakit lamang, anito, ang itinayong mga pabahay ng lokal na gubyerno ni Mayor Isko Moreno. Ang mga proyektong Binondominium 1 at 2, at Tondominium, kasama na ang Port Town Housing Project ni Ferdinand Marcos Jr, ay hindi abot-kaya ng mga residente ng Parola, na karamihan ay nagtatrabaho sa “impormal na sektor” at napakababa o walang regular na sahod at kita.
“Habang umaaray sa taas ng presyo ng mga bilihin (ang mamamayang Pilipino), ginagawa pang malaking negosyo ng ating gubyerno,” ayon sa grupo.
“Hindi sapat ang kakarampot na ayuda lamang,” ayon sa kadamay. “Hindi nito matatakpan ang umaalingasaw na kabulukan ng “proyektong pangkaunlaran” na sa kaibuturan ay huwad at mapaniil. Matagal nang lantad na ginagamit lamang (ni Moreno) ang chapa ng pagiging (laking) mahirap, ngunit notoryus sa pagpapatupad ng programang anti-mahirap. Malinaw ang kailangan ng mga nasunugan — katiyakan sa disente, abot-kaya, at pangmasang paninirahan kung saan sila makapaghahanap-buhay nang marangal at ligtas.”