Suportang pangkabuhayan, iginigiit para sa mga apektado ng oil spill sa Mindoro
Nanawagan ang grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na papanagutin ang kapitalistang may-ari ng MT Princess Empress sa pinsala sa karagatan bunga ng paglubog nito sa dagat at pagtapon ng karga nitong langis.
Naganap ang trahedya ng oil spill noong Pebrero 28 nang nalubog sa dagat na sakop ng Naujan, Oriental Mindoro ang tanker na MT Princess Empress. Karga ng naturang tanker ang 800,000 litro ng krudong pang-industriya.
Hinihingi nilang bigyan ng bayad-pinsala ang mga mangingisda na nawasak ang kabuhayan bunga ng insidente at isabalikat ang gastos sa paglilinis sa eryang apektado ng tumapon na langis.
Tinatayang 18,000 mangingisda ang apektado sa Oriental Mindoro dulot ng oil spill. Umabot na rin ang epekto nito sa karatig na mga baybayin ng kalapit na mga prubinsya.
Sa ulat ng Pamalakaya-Panay, naapektuhan na rin ang mga coastal na barangay sa Antique kung saan 1,200 mangingisda at mga residente ang naapektuhan sa Semirara Island ng bayan ng Caluya.
Panawagan din ng Pamalakaya kagyat na bigyan ng subsidyong pampinansyang at suporta sa kabuhayan ang mga pamilya ng mangingisda na nawalan ng kabuhayan at naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro simula pa noong nakaraang linggo.
“Isang linggo nang apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda sa mga lugar na sinalanta ng oil spill, kabilang ang isla ng Semirara. Kailangan nila ng agaran at pang-araw-araw na panustos para sa kanilang pamilya,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang pangulo ng Pamalakaya.
Giit niya, panawagan ng mga mangingisda sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na sabayang aksyunan ang paglilinis ng kumalat na langis at paghahatid ng ayuda sa mga apektadong mangingisda at pamilya sa tabing dagat.
Paliwanag pa ng Pamalakaya, tiyak sila na magdudulot ito ng pagbagsak ng huli ng mga mangingisda dahil sa posibleng pinsala nito sa mga bahura (coral reefs) at bakawan (mangroves) na nagsisilbing tirahan ng mga isda.
Sa taya ng University of the Philippines Marine Science Institute, aabot sa 36,000 ektaryang coraf reef, 9,900 ektarya ng mangrove at 6,000 ektarya ng seagrass and maaaring maapektuha. Liban dito, dapat din umanong paghandaan ng lokal at pambansang pamahalaan ang posibleng fish kill dulot ng pagkalason ng mga isda at kontaminasyon ng tubig.