Balita

Suspensyon sa jeepney phaseout, hiniling ng Bacolod City council

, ,

Dahil sa tuluy-tuloy na mga pagkilos ng mga grupo ng tsuper at opereytor sa Bacolod City, naglabas ang Sangguniang Panglunsod na maglabas ng isang resolusyon na sumusuporta sa suspensyon sa makadayuhang Public Utility Vehicles Modernization Program (ngayo’y Public Transport Modernization Program o PTMP). Kaugnay ito ng naunang resolusyon ng senado nagtutulak para rito.

Isinaad sa resolusyon ng sanggunian ang paghikayat sa Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pahintulutan ang pagbabalik ng indibidwal na 5-taong prangkisa at pagrerehistro kahit ng mga hindi pumaloob sa konsolidasyon.

Ang hiling na ito ay isa sa mga iniharap ng United Negros Transport Coalition (UNTC) sa konseho ng syudad noong Agosto 28. Sa araw na iyon, pinasok at nagsagawa ng sorpresa at tahimik na rali ang UNTC sa Bacolod City Government Center para kumprontahin ang meyor ng syudad hinggil sa jeepney phaseout. Dahil wala ang meyor noon, hinarap sila ng sanggunian. Bahagi ng UNTC ang mga grupo sa transportasyon na Undoc-Piston, Kabacod Negros Transport Organization (Knetco), at BACOD-Manibela.

“Patunay ito na sa militante at sama-samang pagkilos, kaya nating ipanalo ang laban para mapabasura ang negosyo at makadayuhang modernisasyon,” pahayag ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Noong Setyembre 2-3, nagsagawa ng magkasunod na piket sa harap ng upisina ng LTFRB Region 6 ang UNTC, kasama ang mga grupo ng tsuper sa Panay. Inihatid ng grupo ang resolusyon ng lokal na gubyerno ng Bacolod City sa panrehiyong upisina ng LTFRB.

Tinanggap ito ng ahensya ngunit ayon sa mga tsuper at opereytor, tila hindi positibo ang pagsalubong dito ng LTFRB. Gayunman, natulak silang mangako na irerebyu ang naturang resolusyon.

Sa harap ng tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga tsuper at opereytor, hinikayat ng Piston ang lahat ng mga tsuper, opereytor, at komyuter na maglunsad ng mga kaparehas na aksyon sa mga barangay, city hall, at munisipyo upang pumanig ang mga lokal na gobyerno sa mamamayan.

“Maglunsad tayo ng mga sunud-sunod na piket sa mga lokal na gobyerno upang maglabas sila ng kaparehang resolusyon na nagpapatigil sa [makadayuhang] modernisasyon at nanghihikayat na payagan ang pagrerenew ng ating indibidwal na prangkisa,” anang grupo.

AB: Suspensyon sa jeepney phaseout, hiniling ng Bacolod City council