Balita

Tagumpay ng mga mag-aaral sa Baguio: #AcademicBreakNow!

Tagumpay ang panawagan ng mga mag-aaral at guro ng mga unibersidad sa Baguio City sa kanilang panawagan ng academic break para makapagpahinga sa dami at bigat ng mga rekisito sa paaralan na kailangan nilang isumite.

Sa naganap na dayalogo noong Nobyembre 3 sa pagitan ng mga mag-aaral at guro ng Saint Louis University, University of the Philippines – Baguio (UPB), University of Baguio (UB) at University of Cordilleras (UC) at mga lokal na upisyal ng gubyerno ng Baguio, kinilala ng mga upisyal ang pangangailangan na bawasan ang mga asignasyon ng mga mag-aaral at hinimok ang mga paaralan na magpatupad ng mga aktibidad na makatutulong sa mga estudyante na makarelaks at makaangkop sa stress.

Nagpahayag din ang unyon ng mga guro ng UC na maging sila ay hirap at “stressed” sa online learning na kaayusan.

Napagkaisahan sa dayalogo ang pagpapatupad ng isang linggong academic break sa kanya-kanyang mga unibersidad na nakaayon sa kanilang academic calendar at pagbabawas ng mga requirements sa mga mag-aaral.

Bago nito, nagsindi ng mga kandila bilang protesta ang mga mag-aaral at guro ng Saint Louis University (SLU) noong Nobyembre 1. Mahigit 400 ang dumalo upang ipanawagan sa administrasyon ng SLU na dinggin ang kanilang panawagan na #AcademicBreakNowSLU.

Ayon sa Supreme Student Council ng SLU (SLU-SSC), noon pang maagang bahagi ng 2020 sila nanawagan na bawasan ang presyur sa mga mag-aaral at dami ng mga rekisito na kinakailangan nilang ipasa. Hindi sila pinakinggan ng administrasyon. Ayon sa konseho, labis na nakaapekto sa kalusugan sa pag-iisip ng mga estudyante ang kawalang-pakialam ng administrasyon sa kanilang kalagayan.

Naghain rin ang mga student council ng mga unibersidad sa Baguio City ng liham sa meyor ng Baguio na si Benjamin Magalong, SK federation president na si Levy Lloyd Orcales at Rep. Mark Go, kongresman ng distrito ng Baguio.

Sa kanilang liham inilahad nilang marami nang mag-aaral ang labis na naapektuhan sa nagdaang bagyong Maring, na dumagdag sa stress na idinulot ng patuloy na restriksyon sa pagkilos dahil sa pandemyang Covid-19. Napilitan din silang gumawa ng mga proyekto at asaynment kahit Linggo na dapat araw na ng pahinga.

“Tinatayang may dalawa nang mag-aaral ang nagpakamatay dulot ng presyur sa pag-aaral,” pagbabahagi nila.

Una nilang iminungkahi na magkaroon ng break sa darating na Nobyembre 12 hanggang Nobyembre 17.

AB: Tagumpay ng mga mag-aaral sa Baguio: #AcademicBreakNow!