Taksil sa kilusang maralita at ahente ng NTF-Elcac, inilantad at kinundena ng Kadamay
Inilantad sa publiko ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang modus ng peke at sapilitang pagpapasuko ng National Task Force-Elcac at bayarang ahente nitong si Richard “Justin” Chiong sa hanay ng mga maralitang komunidad. Anang grupo, si Chiong ay isa nang aktibong “instrumento ng panunupil” ng ahensya at “taksil sa Kadamay at sa buong kilusang masa ng maralita” kapalit ng pera at pansariling interes.
Ayon sa grupo, ipinagkanulo ni Chiong ang mga kasamang matagal niyang nakaisa sa mga paglaban, inilantad ang kanilang mga pangalan, at inilagay sa alanganin ang kanilang seguridad. “Sa kanyang pangunguna, ginagamit ang pwersahan at mapanlinlang na pagpapa-surrender bilang taktika upang takutin at patahimikin ang mga maralitang lumalaban para sa kanilang karapatan,” anito.
Ang karaniwang modus ni Chiong at ng NTF-Elcac ay ang pagpapakita ng isang “watchlist” sa tinatarget na indibidwal o pamilya kung saan kabilang ang kanilang mga pangalan, ayon sa grupo. Kasunod nito, ipinapangako ni Chiong ang pagtanggal sa listahan kapalit ng pagsuko at “pagbalik-loob” sa gubyerno. “Ngunit para sa mga tumatanggi, mas matinding intimidasyon at pagbabanta ang kanilang nararanasan, kabilang ang posibilidad ng sapilitang pagdakip,” pahayag ng Kadamay.
Katulad ang taktikang ito ng ginawa sa mga myembro ng Kadamay sa Sityo San Roque, Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City noong 2021. Sa tala ng Kadamay, iligal na isinama sa listahan ng mga surrenderee ang pitong kasapi ng Kadamay-San Roque. “Nang subukan nilang kwestiyunin ito, sinabihan silang mananatili silang red-tagged hangga’t hindi sila pormal na sumusuko,” anang Kadamay.
Paliwanag ng Kadamay, ang tinatawag na “watchlist” ng NTF-Elcac ay hindi lamang isang instrumento ng iligal na pang-aaresto, kundi isang garapalang paraan upang busalan ang lehitimong pakikibaka ng maralita. Giit ng grupo, bahagi ng demokratikong karapatan ng mamamayan ang pag-oorganisa, ang pagsali sa mga pangmasang organisasyon, at ang pakikilahok sa mga kilos-protesta at ang anumang pagtatangka upang pilitin ang maralita na talikuran ang kanilang laban ay isang tahasang paglabag sa kanilang karapatan.
Sa harap nito, hinikayat ng Kadamay ang lahat na agad ipagbigay-alam sa kanilang grupo ang anumang tangkang pag-ugnay ni Chiong, ng mga elemento ng NTF-Elcac, at ng militar sa kanila.
Sa nagdaang mga taon, naitala ang sapilitang pagpapasuko ng NTF-Elcac sa mga maralita at lider-maralita sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Naitala pa ng Kadamay ang ilang mga kaso na pinasusuko nito ang mga indibidwal na pinalalabas na mga kasapi ng Kadamay, kahit hindi, at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Noong Abril 2021, daan-daang mga pinalalabas na kasapi ng Kadamay at mga Pulang mandirigma ang pinasuko ng militar sa San Jose del Monte, Bulacan. Tinawag ito noon ng Kadamay bilang “double-fake surrenderees” dahil hindi sila kasapi ng Kadamay at hindi rin naman sila mga armadong mandirigma ng BHB.
“Hindi naman sila Kadamay. Mukhang hindi rin naman sila NPA. May nakuha bang armas? Panay peke ang pagpapasurrender, walang ebidensya kundi ang mga akusasyon lamang. Ang masahol pa, pinag-aalok pa ang ayuda para sa mga sumusuko. Sinasamantala ang kagutuman ng tao para sa kanilang ‘publicity stunt,’” pahayag noon ni Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay at ngayo’y kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.