Talumpati ng isang utak-gerang kongresista ng US, binulabog

,

Kinumpronta at binulabog ng aktibistang si Marc Rodrego, kasapi ng Malaya Movement USA, habang nagsasalita ang utak-gera at warmonger (manununsol ng gera) na kongresista ng US na si Representative Darrell Issa (R-California) sa kumperensya ng nagtatalakay sa presensyang militar ng US sa South China Sea. Nagtatalumpati noon ang kongresista sa ika-14 na taunang kumperensya ng Center for Strategic and International Studies sa Washington, DC noong Hulyo 11.

Si Issa ay kasapi ng US-Philippine Friendship Caucus at ng US House Foreign Affairs Committee. Itinutulak niya ang isang resolusyon sa Kongreso ng US para bigyan ng dagdag na $500 milyong ayudang militar ang Pilipinas para ibili ng mga “drone at iba pang kagamitang pandigma para sa pagmamanman.”

Idiniin ng aktibistang si Rodrego ang pananagutan ni Issa at ng imperyalistang US sa mga kaso ng pamamaslang at panunupil ng rehimeng Marcos at nagdaang rehimeng Duterte sa mamamayang Pilipino. Panawagan ng Malaya Movement USA na iatras ni Issa ang resolusyon. Ayon sa grupo, gagamitin lamang ang mga drone at kagamitang pandigma na ito sa pagmamanman sa mga aktibistang Pilipino sa Pilipinas at para supilin ang kahit anong paglaban sa panghihimasok ng US sa bansa.

Ang mga aksyon ni Rep. Issa ay may layunin lamang na “ipagtanggol ang interes ng US sa Pilipinas sa kapinsalaan ng buhay ng mamamayang Pilipino.” ayon kay Rodrego. Pumapatay ng mga Pilipino ang imperyalistang US sa pagpondo nito sa mga kriminal sa digma tulad ng rehimeng Marcos at ang militar, pulis at iba pang pwersang panseguridad nito sa Pilipinas, aniya.

Noong Mayo lamang, inilunsad ng mga demokratikong organisasyon ang International People’s Tribunal 2024 sa Brussels, Belgium para tugunan ang mga paratang ng krimen sa digma at paglabag sa interasyunal na makataong batas sa Pilipinas. Ang mga akusado sa tribunal ay sina Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr, dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, Pangulong Joseph R. Biden, at ang Gubyerno ng United States. Hinatulan ng buong tribuna ang mga akusado na maysala sa lahat ng mga paratang ng krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas na siyang nakasaad sa sakdal.

Kinutya naman ni Andrew Much, mula sa Baltimore Committee of the International Coalition for Human Rights in the Philippines (Baltimore-CHRP), si Issa na tinawag niyang hindi kumakatawan sa interes ng mga taga-California at ng mamamayang Amerikano. “Ayaw namin bilang mga Amerikano ang presensya ng tropa ng US sa Pilipinas. Tutol kami sa pang-uupat ng gera ng US sa Pilipinas. Tutol kami na maging militarisado ang West Philippine Sea,” pahayag ni Much.

AB: Talumpati ng isang utak-gerang kongresista ng US, binulabog