Tangkang pagpatay sa isang paralegal sa GenSan, kinundena
Mariing kinundena ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM) ang tangkang pagpatay kay Warren Cahayag, isang paralegal na kabilang sa tagapagtatag ng organisasyon noong 2005.
Malubhang nasugatan si Cahayag nang ilang beses siyang barilin sa Purok Bliss, Barangay Calumpang sa General Santos City noong Hulyo 28, alas 7:30 ng gabi. Nakatayo siya sa harap ng isang tindahan nang dumaan and motorsiklong may lulan na dalawang lalaki at binaril siya ng nakaangkas nang limang beses. Nadala siya sa ospital kung saan nananatili siya hanggang ngayon.
Ayon sa NUPL, ang atake kay Cahayag ay naganap sa gitna ng walang awat na mga atake laban sa mga abugado, aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Anito, layunin ng mga sistematikong atakeng ito ang takutin at patahimikin ang mga lumalaban, at paralisahin ang mga nagsisilbi sa mahihirap.
Noong Hunyo lamang, pinatay din si Ali Macalintal, isang dating tagapagtanggol sa karapatang-tao at nagsilbing paralegal ng NUPL. Bago ang karumal-dumal na krimen, naipaabot pa ni Macalintal sa grupong Karapatan, na dati niyang pinagsilbihan, ang panggigipit sa kanya ng mga ahenteng militar at mga kasabwat nitong nagtraydor sa pambansa-demokratikong kilusan.
Nanawagan ang NUPL para sa agarang pagtigil sa karahasan laban sa nakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng sambayanan. Binatikos nito si Ferdinand Marcos Jr sa kawalan nito ng “komitment sa karapatang-tao, pagkabanal ng buhay at pagtalima sa batas at hustisya.”
Pinuna nito na wala man lamang siyang nabanggit kaugnay sa karapatang-tao sa kanyang ika-4 na state of the nation address, na naganap ilang oras bago tinangkang patayin si Cahayag.