Tinanggal na mga manggagawa sa pagawaan ng icing, muling nagprotesta
Muling nagpiket ang tinanggal na mga manggagawa ng Philippine Gum Paste, Inc. (PGPI) sa harap ng kumpanya sa Cubao, Quezon City noong Setyembre 23 para batikusin ang maneydsment sa hindi pagbibigay ng karampatang separation pay sa kanila. Nagsara noong Agosto 30 ang ilang departamento ng kumpanya, kabilang ang Icing, Gumpaste, Packing, at DIY department sa Quezon City dahil ililipat ang pabrika sa Candelaria, Quezon.
Ayon kay Maegan Mateo, tagapagsalita ng mga tinanggal na manggagawa, pinabayaan sila ng kumpanya at walang ibinigay na makatarungang kabayaran. “Higit kumulang 100 manggagawa ang natanggal sa trabaho na 2-28 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya,” aniya.
Dahil halos isang buwan na mula nang nawalan ng trabaho, may mga manggagawa nang napilitan na pumirma ng “boluntaryong pag-alis” para lang makuha ang kakarampot na 13th month pay at Service Incentive Leave.
Isinara ng PGPI ang kanilang pagawaan sa Quezon City dahil sa paglipat nito sa mas malaking pagawaan sa prubinsya ng Quezon. Ipinagpipilitan ng PGPI na “inalok” nito ang mga manggagawa na lumipat sa bagong pagawaan. Ayon kay Mateo, “walang relocation allowance, stay-in barracks, o anumang subsidiyo para sa transportasyon ang ibinigay ng kumpanya [para sa mga manggagawa.]”
Para sa mga tinanggal, ang laban na ito ay laban ng lahat ng manggagawa na dapat suportahan. Inanyayahan nila ang publiko, mga kasamahan sa industriya, at iba pang sektor na makiisa upang ipanawagan ang makatarungang pagtugon ng PGPI sa karapatan ng kanilang mga manggagawa.
Nagpahayag na ng suporta sa kanila ang pederasyong Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (ANGLO-KMU).
Ang PGPI ay pagawaan ng icing na nagmamanupaktura at nag-eeksport ng “sugar flowers” at iba pang ginagamit para sa mga dekorasyon ng keyk. Pag-aari ito ni George Tan. Nasusuplay ito ng mga dekorasyon ng keyk sa Red Ribbon, Goldilocks, Krispy Kreme at Dairy Queen. Nag-eeksport rin ito at nagsusuplay sa mga kliyente tulad ng kumpanyang Canadian na Give and Go.