Balita

Karapatan ng mga manggagawa sa paglipat ng pabrika ng icing sa Quezon City, iginigiit

,

Iginigiit ngayon ng mga manggagawa ng kumpanyang Philippine Gum Paste Inc (PGPI), pagawaan ng icing (para sa keyk), sa Cubao, Quezon City ang kanilang karapatan matapos balewalain ng maneydsment ang kanilang mga hinaing sa paglilipat ng pagawaan nito sa Candelaria, Quezon. Reklamo nila, sapilitan silang pinalilipat sa bagong pagawaan at kung hindi ay tatanggalin sa trabaho.

Unang ipinabatid sa mga manggagawa ang paglipat ng pagawaan noong Hulyo 29 at pormal namang inianunsyo noong Agosto 2 sa isang asembliya. Sa araw na iyon, nagbabala ang kumpanya na ang sinumang hindi papasok sa bagong pabrika simula Setyembre 2 ay ituturing na AWOL (absent without official leave.)

Ang paglalagay sa katayuang AWOL ay maaaring gamitin sa pagtanggal sa kanila sa trabaho, bawasan ang kanilang mga karapatan at benepisyo, at dungisan ang rekord sa kanilang papeles.

Ayon sa mga manggagawa, walang kahit anong tulong na ibibigay ang kumpanya para makaagapay sa kanila sa lilipatang pagawaan. Walang kahit anong suportang pampinansya, pabahay o karagdagang alawans para sa transportasyon na ibibigay sa kanila. Dahil dito, ang ilang manggagawa ay natutulak na tumanggi sa paglipat.

Sa harap ng patung-patong na paglabag sa karapatan sa paggawa, nagsama-sama ang mga manggagawa at dumulog sa Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (ANGLO-KMU). Tinalakay nila ang posibleng maging mga hakbang ng mga manggagawa kaugnay ng kaso.

Katuwang ang pederasyon, iginiit ng mga manggagawa sa PGPI ang karampatang kabayaran para sa mga hindi lilipat ng pagawaan sa kanilang unang SENA (Single Entry Approach) Negotiating Agreement noong Agosto 14. Matapos ang dalawang linggo, tumanggi ang kapitalista sa inihapag ng mga manggagawa na halaga ng separation pay at kabayaran para sa tagal ng serbisyo.

Noong Agosto 31, hindi na pinayagang makapasok sa pagawaan sa Cubao ang mga manggagawa. Sa tinatayang higit 200 manggagawa ng pagawaan, 30 manggagawa na ang napilitang magresayn sa trabaho habang halos 60 naman ang mga manggagawang ayaw bayaran ng kumpanya sa ipinaglalaban nilang karapatan sa separation pay at iba pa.

Liban pa, mas mababa ang nakatakdang minimum na sahod sa Quezon na bahagi ng Region IV-A. Nakapako ito sa ₱520, malayo sa ₱645 na minimum na sahod sa National Capital Region. Malaki ang matitipid ng kumpanya sa iskema ng paglilipat ng pagawaan.

Ang PGPI ay pagawaan ng icing na nagmamanupaktura at nag-eeksport ng “sugar flowers” at iba pang ginagamit para sa mga dekorasyon ng keyk. Pag-aari ito ni George Tan.

AB: Karapatan ng mga manggagawa sa paglipat ng pabrika ng icing sa Quezon City, iginigiit