Unang anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, sinalubong ng protesta

Magkakasabay na protesta at iba’t ibang aktibidad at pagtitipon ang inilunsad ng mga demokratikong organisasyon noong Pebrero 24 at 25 bilang paggunita sa ika-37 anibersaryo ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Pangunahin sa mga pagtitipong ito ang pagkilos ng mga organisasyon, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabaya (Bayan), sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City kahapon. Ang paggunitang ito sa makasaysayang pag-aalsang nagpatalsik sa diktadurang Marcos ang unang ginanap sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, anak ng diktador.

Libu-libong kabataan, beterano ng pakikibakang anti-Marcos, magsasaka, manggagawa at iba pang sektor ang nagsama-sama sa mga pagkilos. Naglunsad din ng mga pagkilos sa mga syudad ng Cebu, Iloilo, Baguio, Davao at Bacolod.

“Hindi dapat ipagdiwang ang EDSA ng nakabibinging katahimikan. Dapat itong gunitain nang may maalab na paninindigan na makamit ang tunay na kalayaan at demorasya,” pahayag ni Renato Reyes Jr, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Aniya, ang mga aral sa panahon ng EDSA ay nananatiling wasto at balido hanggang ngayon, laluna sa “kolektibong pagharap ng bayan sa ikalawang rehimeng Marcos.”

Nakasama ng Bayan sa naturang protesta ang Movement Against Tyranny, Campaign Against the Restoration of the Marcoses in Malacanang (CARMMA), ML50, Movement Against Disinformation, Concerned Lawyers for Civil Liberties, Tanggol Kasaysayan, One Voice, Babae Laban sa Katiwalian, Project Gunita, 1sambubungan, Movement for Good Governance and Genuine Democracy, Sandugo at ang Concerned Artists of the Philippines.

Iginiit ng CARMMA na dapat ikampanya ang pagbawi sa nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Tinatayang aabot sa $10 bilyon ang hawak pa ng mga Marcos. Ayon din sa grupo, dapat igiit at papanagutin si Marcos Jr at kanyang inang si Imelda sa hindi pagbayad ng estate tax ng kanilang pamilya na hindi bababa sa ₱203 bilyon.

Binatikos rin ng Bayan ang patuloy na maling pamamalakad ng kasalukuyang gobyerno na nagpapalubha sa krisis sa ekonomya. Tuluy-tuloy pa din ang mga paglabag sa karapatang-tao, kawalan ng pananagutan sa mga nagdaang mga paglabag sa karapatang-tao ni Duterte, pagwawaldas sa pera ng bayan, at pagyuko sa mga dayuhan.

Umalingawngaw sa protesta ang panawagang ‘EDSA 37: Tuloy ang laban para sa hustisya, kabuhayan, kalayaan at demokrasya!’

AB: Unang anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, sinalubong ng protesta