Balita

Unyon ng manggagawa, naitatag sa Golden Zone Garments sa Laguna

Sa pagsisikap ng mga manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories, Inc, naitatag nila ang kanilang unyon noong ikalawang linggo ng Agosto. Ayon sa Nagkakaisang Manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories Inc. (NMGZ), itinayo nila ang unyon para maipagtanggol ang kanilang karapatan para sa makatarungang sahod, kawalan ng sapat na benepisyo at karapatan sa paggawa, at iba pang mga isyu. Matatagpuan ang kanilang pagawaan sa loob ng Light Industry and Science Park II sa Laguna. Gumagawa dito ng mga kasuotang pang-taglamig na para sa eksport.

Nairehistro ng mga manggagawang rank-and-file ang kanilang mga unyon noong Agosto 12 matapos ang halos isang taon mula simulan nila ang pagsisikap para rito. “Halos sumuot tayo sa karayom para lamang imulat at iorganisa natin ang ating kapwa manggagawa na malaon ng pinahihirapan ng kapitalista sa pamamagitan ng iba’t-ibang patakarang sumusupil sa ating mga lehitimong karapatan,” pahayag ng unyon.

Pahayag nito, nagpunyagi ang mga manggagawa sa pagtatayo ng NMGZ dahil batid ng mga myembro nito na makatarungan at wasto ang pagtatayo ng unyon. “Dahil isa ito sa mga nagsisilbing daan para makamit ang dapat na tinatamasa ng mga manggagawa sa kabila ng napakahirap na trabaho,” anila.

Matapos mairehistro ang unyon, kabi-kabilang panggigipit ang naranasan ng mga kasapi nito mula sa maneydsment. Kinausap ng maneydsment ang ilan nitong mga myembro na umatras sa pagiging kasapi ng NMGZ.

“Ang ilan pa sa mga myembro ay nakaranas ng pananakot at pang iintimida para lamang pumirma sa kanilang ginawang waiver na nagsasaad ng pagbibitiw sa [unyon],” ayon sa NMGZ. Labag ito sa kanilang karapatan na magtayo ng unyon.

Kaugnay nito, nagsampa ng pormal na reklamo ang unyon sa National Conciliation and Mediation Board. Nagkaroon ng pagdinig ang pamunuan ng unyon at maneydsment ng Golden Zone Garments and Accessories, Inc noong Setyembre 11 para pormal itong pag-usapan.

“Hindi makatarungan ang mga ganitong klase ng pananakot at panggigipit sa mga manggagawa para lamang magbitiw o umalis sa aming itinayong unyon,” anang NGMZ. Pagdidiin nila, walang ibang layunin ang unyon kundi matamasa ang lehitimo at demokratikong karapatan bilang mga manggagawa, taliwas sa pinakakalat ng maneydsment na layunin nitong ipasara ang pagawaan.

“Para sa lahat ng mga manggagawa ng Golden Zone, sama-sama nating ipaglaban ang ating mga karapatan bilang mga manggagawa. Tayong mga manggagawa ang lumilikha ng yaman ng mga kapitalista at maging ng daigdig!” anang NGMZ.

Ang NGMZ ay bahagi ng pederasyong Organized Labor in Line Industry and Agriculture-Kilusang Mayo Uno (OLALIA-KMU).

AB: Unyon ng manggagawa, naitatag sa Golden Zone Garments sa Laguna