Balita

Yunit ng BHB sa Eastern Visayas, nakatapos ng BKP sa gitna ng operasyong militar

, ,

Nakapaglunsad at nakapagpatapos ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Eastern Visayas ng isang bats ng pag-aaral sa Batayang Kurso ng Partido (BKP) noong huling bahagi ng Marso. Isinagawa ito sa kasagsagan ng maigting at masinsing operasyong militar na itinaon ng pasistang 8th ID sa okasyon ng anibersaryo ng BHB.

Sa ulat ng Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Eastern Visayas, ang matagumpay na pagpapatapos sa pag-aaral ay nagpamalas ng nag-aalab na determinasyon ng Pulang hukbo na itaas ang kakayahan sa ideolohiya. Pagpapakita rin umano ito ng kakayahan ng BHB at ng baseng masa sa mataas na pagsisikreto at pagtataguyod sa seguridad ng pag-aaral sa gitna ng mga operasyong militar.

Ayon kay Ka Anding, punong instruktor ng bats ng BKP, limang taon ang abereyds na tagal ng serbisyo sa rebolusyon ng mga mag-aaral. Habang kinikilala niya bilang kahinaan ang labis na naantalang pormal na edukasyon ng kasama, tumampok pa rin ang malalim nilang “hugot” sa mga leksyon ng BKP. Mas napayaman ang diskusyon ng taglay nilang praktikal na karanasan sa pagsusulong ng digmang bayan, na mas natanglawan ng siyentipikong teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Simple ngunit malaman

Bilang yunit gerilya, ipinakita ng yunit ng BHB ang mataas na mobilidad. “Sa unang benyu, nag-ayos pa ng mga upuan. Sa susunod na benyu mga katawan nalang ng saging ang mga upuan namin, na isang araw nga lang nagamit dahil kailangan naming lumipat. Sa huling benyu, wala na kaming upuan. Kanya-kanyang dala na lang ng mga dahon, binunot at iba pang sapin, pero hindi ito nakahadlang sa pagpapatuloy,” kwento ni Ka Anding.

Ayon sa Larab, ang pagiging payak ng mga pag-aaral tulad ng huling bats ng BKP ay pag-angkop na ng rebolusyonarong pwersa sa kalagayang militar sa rehiyon. Anito, nakasasapat na para pataasin ang kaalaman sa teorya at paglulunsad ng digmang bayan ang simpleng chalk at tent lamang bilang pisara.

Sa kabila ng simpleng pagdaraos, naging malaman at makabuluhan pa rin ang pag-aaral. Tampok na bahagi ang topikong Ekonomyang Pampulitika. Para mapaunawa ang sobrang halaga at pananamantala sa mga manggagawa, nagsagawa sila ng role playing kung saan tumayong kapitalista ang instruktor habang ang mga estudyante ang umaktong mga manggagawa. Matapos nilang “magtrabaho” at “maswelduhan,” sabay-sabay nilang kwinenta ang laki ng tubo ng kapitalista na nanggaling sa sobrang halaga na nalikha ng manggagawa.

“Nakakainis ang mga kapitalista!” sambit ng mga mag-aaral. “Kung hindi pa ipinakita ang kwentada, hindi niyo mapagtatanto na sinasamantala kayo,” sabi ng instruktor.

Ayon sa Larab, napakapositibo ang epekto ng pag-aaral sa mga kasama. Ayon kay Ka Pablo, nais niyang makatapos din ng Intermedya at Abantang Kurso ng Partido. Kitang-kita rin ang sipag at sigasig sa pag-aaral ni Ka Liway, isang inang Pulang mandirigma, na pinangibabawan ang pangungulila sa mga anak dahil nais niyang mapagtibay ang paninindigan sa rebolusyon.

Ayon kay Ka Anding, plano ng kanilang yunit na isagawa ang IKP sa loob ng tatlong buwan. Mas mapapataas nito ang diwang mapanlaban ng mga Pulang mandirigma, upang harapin ang lumalaking hamon ng pagsusulong ng armadong pakikibaka sa rehiyon.

Sa pahayag ng Komite Sentral ng Partido noong Disyembre 2023, kabilang sa mga idiniin nito ang lubos na pagpapatupad sa Tatlong Antas na Kurso ng Partido bilang bahagi ng kilusang pagwawasto. Mula ito sa natukoy ng pamunuan na problema sa “hindi sustenidong pagsisikap sa gawaing edukasyon.” Sa harap nito, mahalaga umanong “tiyakin na mapatapos ang mga hindi pa.”

AB: Yunit ng BHB sa Eastern Visayas, nakatapos ng BKP sa gitna ng operasyong militar