Pahayag

47 taong paglaban sa krisis sa kalusugan at lipunan

Mataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng MSP-Bikol sa 47 taong pagsisilbi ng NDFP sa sambayanan. Ang mabilis na pagharap ng NDFP sa panawagan ng mamamayan para sa kagyat na serbisyong pangkalusugan sa panahon ng pandemya ay patunay sa lakas ng pagkakaisa at organisadong pagkilos.

Sinasalamin ng krisis dulot ng COVID-19 ang kapalpakan ng neoliberalismo. Sa kawalan ng akses sa serbisyong pangkalusugan, ilang milyong Pilipino ngayon ang bulnerable sa sakit dahil sa mahinang resistensya. Masahol pa, pinagkakakitaan ng rehimeng US-Duterte ang krisis. Patung-patong na ang inutang nito mula sa iba’t ibang internasyunal na organisasyon na, kalaunan, ay papasanin lang din ng masang anakpawis. Sa halip na pondohan ang mga ospital, pagsasaliksik para makapaghanap ng lunas at paunlarin ang sistema pampublikong kalusugan, nakasalig pa rin ang pasistang rehimen sa mga limos na donasyon ng pribadong korporasyon. Ang pondong mula mismo sa kaban ng bayan ay nakalaan hindi para sa kalusugan, kung hindi para sa pasismo, turismo at mga proyektong pang-imprastruktura. Masang anakpawis ang tiyak na papasan sa paghambalos ng pandaigdigang resesyon, humupa man ang pandemya.

Pinatitingkad ng ganitong kapalpakan ang pangangailangan na makapagtaguyod ng bagong sistema ng lipunan. Samantala, sa mga lugar kung saan mayroong nakatayong komiteng rebolusyonaryo, napoprograma ng mga kasapi at tao sa komunidad ang sanitasyon at pagtitiyak ng kalusugan at seguridad sa pagkain. Nabibigyan din ng sapat na batayang kaalamang medikal ang taumbaryo upang maagapan ang sakit sa unang pagpapakita pa lamang ng mga sintomas. Nagkakaroon ng kapasidad ang masang anakpawis na tugunan ang kanilang pangangailangan sa kalusugan habang ipinaglalaban ang higit na malaking pangangailangan para sa sistema ng pampublikong kalusugan.

Kaisa ang MSP-Bikol sa kahilingan ng mamamayang Pilipino hindi lamang sa pagpapangibabaw sa krisis dulot ng pandemya kung hindi pati na rin durugin ang mapagsamantala at mapang-aping sistema. Walang ibang programang tunay na makareresolba sa krisis sa lipunan kung hindi ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

Mabuhay ang ika-47 anibersaryo ng NDFP!
Mabuhay ang mga manggagawang pangkalusugan!
Isulong ang digmang bayan hangang sa tagumpay!

47 taong paglaban sa krisis sa kalusugan at lipunan