47 taong pagpupunyagi laban sa kapitalistang pagsasamantala at pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon -- RCTU-Bicol
Maalab na nakikiisa at binabati ng Revolutionary Council of Trade Unions-Bikol (RCTU-Bikol) ang mamamayang Pilipino sa pagdiriwang ng anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Hanggang sa mga susunod pang taon, panghahawakan ng RCTU-Bikol ang papel nitong ibayong palakasin ang kilusang manggagawa sa rehiyon para sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Katuwang ang kilusang manggagawa, isinusulong ng NDFP ang komprehensibong programang panlipunan. Kabilang dito ang pagpawi ng mga anyo ng pagsasamantala sa manggagawa at iba pang aping sector, ang pagpapakilos sa mga unyon at pagbibigay ng kapabilidad ng mga manggagawa na pamahalaan ang empresang pinagtatrabahuhan nila. Sa pagsusulong ng mekanisasyon ng agrikultura at pambansang industriyalisasyon, makatitindig ang bansa nang hindi umaasa sa dikta at nakokontrol ng mga imperyalista. Sa mga bansang nakaabot sa yugto ng sosyalistang konstruksyon nasaksihan ang mga pinakaproduktibong industriya at pinakamalalakas na ekonomyang nakayanig sa kahambugan ng mga monopolyo kapitalista.
Sa panahong tumitindi ang panlipunang krisis, higit na tumitingkad ang kabulukan ng kasalukuyang naghaharing sistema. Papasanin ng manggagawang Bikolano, na kalakhan ay nasa services sector, ang lalo pang malawak na kawalan ng trabaho dahil sa krisis dulot ng COVID-19 at nakaambang pagbagsak ng pandaigdigang ekonomya. Ito ang resulta ng ilang dekadang pagkakatali ng ekonomya ng bansa sa mga neoliberal na patakaran.
Nananawagan ang RCTU-Bikol sa lahat ng manggagawang Bikolano na magkaisa, bumuo at palakasin ang mga rebolusyonaryong unyon at samahan at sama-samang kumilos para sa pabagsakin ang rehimeng US-Duterte at ang malakolonyal at malapyudal na sistema. Higit kailanman, kailangan ang puspusang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng pinakamaraming bilang ng manggagawang kayang abutin. Sa ganitong pamamaraan, lalawak ang kilusang manggagawa at magsisilbing malalim na balon ng mga bagong kadre, kumander at mandirigmang magsusulong ng pambansang kilusan para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya.
Mabuhay ang ika-47 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Talingkas sa pagkaoripon!