Pahayag

59th IB PA, AFP at Marcos II: Basurero, Latak ng Kasaysayan

, ,

Walang tigil ang kakapalabas ng 59th IB PA at ng 201st ID PA-AFP ng mga post at pahayag sa midya hinggil sa diumano ay panibagong mga sumukong NPA.

Lagi’t laging ginagawang katawa-tawa ng mga berdugong ito ang kanilang sarili sa kasasabing iilan na lang ang natitirang NPA sa Batangas pero maya’t maya naman nilang sinasabi na may sumuko na namang NPA. Aba, ay wala talagang kaubos-ubos ang NPA sa Batangas!

Walang ipinag-iba sa basurero ang desperasyon ng 59th IBPA at ng AFP na i-recycle ultimo mga taong pinapalabas nilang sumuko. Bukod sa pananakot at panggigipit nila sa karaniwang sibilyan at mga dating NPA o minsang sumampa sa NPA na matagal na panahon nang namumuhay bilang sibilyan, napapagmukhang marami ng desperadong 59th IB PA at AFP ang mga diumano’y napapasuko nito sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpapatawag at pag-litrato sa mga dati na rin namang indibidwal na kada palit nalang yata ng presidente ay pinapalabas na sumukong NPA! Nagiging palasak na tuloy na biruan ng mga karaniwang masa sa mga komunidad ang kunwari ay magpanggap din na NPA na susuko kapag namumroblema na sila sa pambili ng bigas.

Dagdag pa, bukod sa nire-resiklong NPA surrenderees, pati mga ipinapalabas na gamit militar na nahukay ay nire-recycle din ng 59th IB PA. Kung makakapagsalita lang siguro ang mga bomba, granada, baril at bala, siguradong hihingi na sila ng mas mataas na talent fee sa kaiilang ulit nang exposure nila sa media.

Ginawa nang raket ng 59th IB PA, ni Teneza at ng AFP ang mga kunwaring suko at mga sibilyan na sapilitang pinasuko gayundin ang mga diumano’y gamit militar na paulit-ulit na lang ding hinuhukay para makubra nila ang bilyun-bilyong pisong maanumalyang pondo na inilalaan ng gubyerno para sa NTF-ELCAC at sa walang katuturang programa nitong E-CLIP. Dagdag pa sa kanilang palabas ang pag-iipon nila ng mga ex-NPA na naging mga kontra-rebolusyonaryong taksil sa kabiguang makapagpanibagong hubog at bunsod ng labis na pagkapit sa pansariling interes. Sa huli, wala nang ipinag-iba sa laos na sitcom ang mga pakulong ito ng 59th IB PA at ng AFP.

Tuwang-tuwa rin ang 59th IBPA at ang AFP sa animo’y koleksyon nila ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil sa loob ng kanilang mga kampo pero ang totoo’y kapwa lang nila niloloko ang isa’t isa—ang mga ex-NPA na kapag di na pakikinabangan ng AFP ay kaagad din nilang ididispatsa at ang AFP na siya pa kaya ang tapat na pagsilbihan ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil na ito kung nagawa nga nilang talikuran at ipagkanulo ang sariling uring pinagmulan at ang masang labis na nagmahal at nagtiwala sa kanila ng walang pasubali? Kung mayroon mang pagkakapareho ang AFP at ang mga kontra-rebolusyonaryong taksil na ito, kapwa sila sagad sa kaibuturan ang itim ng budhi at kawalang pakialam sa hinagpis at rebolusyonaryong adhikain ng masang anakpawis.

Pero ang totoo, nakakahiya ikumpara maski sa basurero ang 59th IB PA at ang AFP. Dahil ang basurero, matiyagang nagbabatak ng buto para kahit paano ay kumita sa gitna ng kapit sa patalim na kondisyon ng pamumuhay. Hindi katulad ng 59th IBPA at ng AFP na namumulot at nagreresiklo ng mga basurang kasinungalingan para lamang maging gatasan ng kanilang pansariling interes.

Sa muling paggunita ng buong sambayanang Pilipino sa maniningning na kasaysayan ng EDSA People Power, kung saan ang nagkakaisang mamamayan ay tumindig at sama-samang nag-alsa laban sa pasismo at diktadura, lalong tumitingkad ang puwestuhan ng mga berdugong instrumento ng estado tulad ng AFP-PNP at ng reaksyunaryong estado bilang mga latak ng kasaysayan. Ang walang kaparis na pagpapahirap at karahasang inihasik ng diktadurang Marcos mula 1972 hanggang 1986 ang kumalos sa huling hibla ng pagtitiis ng sambayanang Pilipino na bumulwak sa pag-aalsang EDSA at nagpahinog sa ibayong pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa muling pagkaluklok ng isa na namang Marcos—animo’y nag-rewind lamang ang kasaysayan at muling nanumbalik sa mata ng sambayanang Pilipino ang lagim at bangungot ng diktadura at maka-dayuhang patakaran ng naunang Marcos sa Malakanyang—ang nepotismo o pamamayagpag ng mga kamag-anak at personal na kaibigan ng mga Marcos sa iba’t ibang posisyon sa gubyerno, ang garapalang kurapsyon at maluluhong byahe at pamumuhay ng first family, ang paninikluhod sa imperyalistang US bilang masugid na tuta nito, at ang walang kaparis na pampulitikang panunupil at paglabag sa karapatang tao sa pamamagitan ngayon ng pagwasiwas sa Anti-Terror Law at paggamit sa mga bang-aw na aso ng NTF-ELCAC na sumasalasa sa buhay at karapatang sibil ng mamamayan.

Pero habang masugid na tinatahak ng ilehitimong rehimeng Marcos II at ng kanyang mga aso sa AFP-PNP ang kaparehong pagkakamali na ginawa ng naunang Marcos sa kasaysayan, lalo lamang nilang pinapabilis ang kanilang paghukay sa sariling libingan at pinahihinog ang galit at alimpuyo ng binubusabos at sinusupil na mamamayan na siyang ganap na maglulugmok sa kanila sa basurahan ng kasaysayan. Sa EDSA man o hindi sa EDSA, sa lahat ng larangan ng paglaban, mula kanayunan hanggang kalunsuran, ang kapangyarihan ng sambayanang lumalaban at naghihimagsik ang mapagpasya!###

59th IB PA, AFP at Marcos II: Basurero, Latak ng Kasaysayan