85th IBPA, inambus ng NPA sa Quezon
Ilang araw bago ang itinakdang deadline ng hepe ng Armed Forces of the Philippines na uubusin nila ang lahat ng larangang gerilya ng New People’s Army sa bansa, tinambangan kahapon ng pulang hukbo ang nag-ooperasyong sundalo sa barangay Doña Aurora, bayan ng Calauag.
Alas-sais ng hapon nang paputukan ng mga gerilya ng Apolonio Mendoza Command ang may tatlumpung tropa ng 85th IBPA na nagsasagawa ng operasyong kombat sa lugar.
Ayon sa pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tatlong sundalo ang kumpirmadong kaswalti matapos masabugan ng command detonated explosive sa sampung minutong labanan.
“Binabati ko ang mga kasamang nagsagawa ng matagumpay na taktikal na opensiba laban sa kriminal na 85th IBPA.”
“Patunay ang aksyong militar ng NPA na pangangarap ng gising ang hangarin ni Gen. Romeo Brawner ng AFP at ng commander in chief nilang si Bongbong Marcos ang paglipol sa rebolusyunaryong kilusan,” dagdag ng tagapagsalita ng AMC-NPA-Quezon.
Noong nakaraang taon, nagdeklara ang pamahalaan ng Quezon na insurgency free na at may kategoryang Stable Internal Peace and Security dahil wala na umanong NPA sa lalawigan.
Subalit nalagay sa alanganin ang deklarasyong ito ni Gov. Helen Tan matapos ambusin ng NPA ang mga sundalo at CAFGU sa bayan ng Tagkawayan noong September 1, 2023.
Lima ang namatay sa panig ng sundalo at limang high powered rifle ang nasamsam ng mga gerilya.
Iginiit noon ng AMC-NPA-Quezon na kailanman ay hindi sila umalis sa probinsya dahil patuloy na kinakailangan ng mga magsasasaka sa niyugan ang kanilang tulong para lutasin ang kahirapan.#