Pahayag

Alyas Hazel, traydor sa rebolusyon, pinarusahan ng kamatayan

PATAY na si Antonio Benzon, Jr. alias Hazel. Napatay siya sa operasyong isparo na inilunsad ng New People’s Army (NPA) ngayong araw, Pebrero 22, sa sabungan sa Barangay Colambis, Casiguran, Sorsogon. Ang operasyon ay pagpapatupad ng parusang kamatayan na inihatol sa kanya ng Prubinsyal na Hukumang Bayan sa mga kasong pagtataksil sa rebolusyon, pagnanakaw sa kilusan at pamamaslang. Nakuha sa kanya ang isang pistolang kalibre .45.

Si Hazel ang pasimuno ng sabayang pagsuko ng ilang Pulang mandirigma sa Sorsogon noong Abril 2018. Sa pag-alis niya sa kilusan, tinangay niya ang dalawang ripleng M16, isang M14, isang karbin, isang KG9 submachinegun at iba pang sandatang pag-aari ng Partido Komunista ng Pilipinas at NPA. Mula nang sumuko, naging aktibong operatiba si Hazel sa mga operasyong paniktik ng 96th Military Intelligence Company at malimit na sumasama sa mga operasyong militar sa iba’t ibang bayan sa prubinsya. Pinangunahan niya ang mga kasamahan niyang surenderi sa pagpapagamit sa pasistang militar para gipitin, dahasin at pwersahang “pasukuin” ang ilang sibilyan laluna sa mga bayan ng Bulusan, Barcelona, Gubat at Casiguran.

Ang grupo ng mga surenderi na pinamumunuan ni Hazel ang nagsisilbing death squad ngayon ng AFP sa Sorsogon at siyang responsable sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay sa mga aktibista at mga pinagbibintangang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan mula noong 2018. Siya mismo ang bumaril sa aktibistang magsasaka na si Bernabe Estiller sa Barangay San Antonio noong Nobyembre 8, 2019. Ang grupo rin niya ang nasa likod ng pagpaslang sa mga lider masa na sina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala sa Sorsogon City noong Hunyo 15, 2019.

Nasa proseso rin ang pag-iimbestiga ng NPA sa reklamong panggagahasa na isinampa laban kay Hazel ng isang ginang sa Gubat, Sorsogon.

Kapalit ng kanyang kontrarebolusyonaryong serbisyo sa estado, sumusweldo si Hazel bilang ghost employee ng gubyernong munisipal ng Casiguran at kumakabig ng libu-libong piso sa bawat isang “rebelde” na “mapasuko” niya. Hindi nakapagtataka kung bakit gayon na lamang siya kasigasig sa pwersahang “pagpapasuko” sa mga sibilyan sa ilalim ng programang E-CLIP ng rehimeng Duterte. Samantala, karamihan ng nahatak niya sa pagsuko ay umaangal sa di dumarating na grasyang ipinangako sa kanila. Ginawa silang gatasan ni Hazel at ng mga kasabwat niyang upisyal ng militar.

Dagdag pang papremyo, ibinigay kay Hazel ang kontrol sa mga pasabong sa Casiguran at limpak-limpak ang kinikita niya rito. Katawa-tawa na pati ang pulisya ng Casiguran ay dumaraing na nabawasan ang kanilang dilihensya mula nang makuha ni Hazel ang kontrol sa pasabong. Malamang ay matutuwa ang Casiguran PNP sa kanyang pagkamatay–sa sabungan man din.

Ang pagpaparusa kay Antonio Benzon, Jr. alias Hazel ay isang malaking tagumpay sa pagsisikap ng kilusan na kamtin ang rebolusyonaryong hustisya para sa mga biktima niya at ng kanyang grupo. Determinado kaming ituluy-tuloy ang pagsisikap hanggang tuluyang mawakasan ang pamemerwisyo nila sa masang Sorsoganon.

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
Celso Miguez Command – NPA Sorsogon
Pebrero 22, 2020

Alyas Hazel, traydor sa rebolusyon, pinarusahan ng kamatayan