Ang pagyukod ni Marcos Jr sa dikta at patakarang gera ng Estados Unidos ang nagpapalala sa hidwaan ng Pilipinas at China

Ang kahiya-hiyang kainutilan ng Philippine Navy at ng buong Armed Forces of the Philippines sa harap ng malinaw na armadong pakikipagkumpronta ng China ay patunay na mapanganib sa kalayaan ng Pilipinas ang pagyukod ni Marcos Jr sa dikta at panghihimasok ng United States o US.

Para sa kaligtasan ng mga Pilipino, maiiwasang humantong sa armadong kumprontasyon ang teritoryal na sigalot ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng mapayapa at diplomatikong usapan. Sa pormal na pakikipagdayalogo sa China, mahusay na maigigiit ng Pilipinas ang tagumpay sa International Arbitral Tribunal noong 2016 na kumikilala sa teritoryal na karapatan ng bansa sa Ayungin Shoal.

Subalit sa utos ng US, itinutulak ni Marcos Jr at ng Armed Forces of the Philippines ang mga mapanghamong aksyong militar tulad ng mga resupply missions, mga pagsasanay militar at pagsabay sa mga operasyon ng US sa palibot ng Taiwan upang galitin ang China at matulak ito na “maunang magpaputok ng baril”.

Idinudulot nito ang tumitinding paninindak, agresyon at panghahamok ng China sa Pilipinas. Patunay rito ang fishing ban na ipinataw ng China sa West Philippine Sea at ang pinakabagong pananalakay ng Chinese Coast Guard sa mga pwersa ng Phil. Navy kung saan nakumpiskahan ng mga armas ang huli.

Walang kapuri-puri sa kainutilan ng Phil. Navy at ng buong AFP sa nangyaring pang-aatake ng Chinese Coast Guard noong Hunyo 17.

Kahiya-hiya na ang tanging papel ng AFP ay gawing pain at pambala sa kanyon ang sarili nitong mga tropa sa layuning hamunin ang China na pasimulan ang armadong sigalot. Kahiya-hiyang ang AFP na may mandatong ipagtanggol ang soberanya ng bansa ay minamanduhan lang ng US na galitin ang China sa isang banda, at magtimpi sa tumitinding agresyon nito.

Sa madaling salita, tuta lamang ang AFP at walang kakayanang tumindig sa sariling paa para ipagtanggol ang bansa. Ika nga ng mga Masbatenyo, mabangis at mapanupil ang AFP sa mga sibilyan, laluna sa mahihirap, subalit inutil at walang kalaban-laban sa mananakop na dayuhan.

Buhay at kaligtasan ng sambayanang Pilipino ang kabayaran sa pagpapakatuta ni Marcos sa US. Hangga’t nagpapagamit si Marcos sa US at ikinakaladkad ang Pilipinas sa patakarang gera ng US, tiyak na titindi pa ang mga agresibong hakbang ng China hanggang sa tuluyang pumutok ang gera. Lalong nawawalan ng puwang para sa mapayapang resolusyon sa sigalot ng Pilipinas at China.

Nakikiisa ang NPA-Masbate at mga Masbatenyo sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas at buong sambayanang Pilipino na itaguyod ang mapayapang resolusyon sa sigalot sa China.

Dapat mabatid ng mga Pilipino ang aral ng kasaysayan na kailanma’y hindi kaibigan o kakampi ang imperyalistang Estados Unidos. Sa halip, ang imperyalismong US ang pangunahing dahilan kung bakit naghihirap at nananatiling hindi malaya ang bansa.

Ang demokratikong rebolusyong pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang tanging pag-asa ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan mula sa kamay ng imperyalistang paghahari. Sa pagsuporta lamang ng mamamayan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka maaaring mapigilan ang pagsiklab ng imperyalistang gerang US-China sa Pilipinas.

Ang pagyukod ni Marcos Jr sa dikta at patakarang gera ng Estados Unidos ang nagpapalala sa hidwaan ng Pilipinas at China