Ayaw madinig ni Marcos ang hinaing ng bayan sa SONA

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino, at sa kanilang demokratiko at makabayang pwersa, sa pagkundena sa rehimeng Marcos sa walang pakundangan nitong pagtatangkang pigilan ang mamamayan na magmartsa at magdemonstrasyon malapit sa Batasan Pambansa, kung saan nakatakda siyang magbigay ng kanyang state of the nation address bukas.

Labis na pagkatakot sa protestang bayan ang ipinakikita ni Marcos sa pagpapakilos niya sa hindi bababa sa 23,000 tauhan ng pulis sa National Capital Region, kabilang ang mga riot police na may suporta pa ng mga sniper. Nais niyang siguruhing hindi niya madidinig o makikita (ipinagbawal maging ang kasuotang pamprotesta) ang kolektibong hinaing at mga kahingian ng taumbayan. Tulad ng kanyang amang diktador, nais lamang ni Marcos Jr na makarinig ng mga aleluya sa kanyang Bagong Pilipinas, isang malaking panlolokong ginagastahan ng daan-daang milyong piso para ipambilog sa ulo ng mga tao.

Ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ay labis na nagdurusa sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sumisirit ang presyo, habang sadasad ang sahod. Malawakan ang disempleyo at kawalan ng kabuhayan. Binabalikat ng mga tao ang napakabibigat na buwis. Ang karapatang-tao ay walang habas na nilalabag sa walang kabuluhang pagtatangka ni Marcos na pigilan ang hindi pagsang-ayon ng mamamayan. Si Marcos ay sunud-sunurang tuta ng Kano, na nagbigay-daan sa todo-todong interbensyong militar ng US, para gamitin ang bansa bilang base para sa mga paghahanda at pang-uupat nito ng digmaan.

Mahaba na ang kasaysayan ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa mga pasista at diktador. Humahalaw sila ng mga aral sa karanasan, at inspirasyon mula sa kanilang mga bayani. Gaya sa nakaraan, buo ang kanilang determinasyon na ipaglaban ang kanilang pambansa-demokratikong adhikain.

Ayaw madinig ni Marcos ang hinaing ng bayan sa SONA