Pahayag

Bibiguin ng BHB ang hibang at dekadenteng gera ng rehimeng US-Marcos

Nangangarap nang gising ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang National Task Force (NTF)-Elcac at ang National Security Council sa inilabas nilang pahayag kahapon na bumabati sa kanilang sarili sa sinasabi nilang “estratehikong pagkatalo” ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Kahit walang patunay, naglabas ng katawa-tawang mga pahayag ang mga upisyal sa seguridad at depensa ni Marcos na nagsasabing “buwag” na ang lahat, liban sa 14 na “napahinang” larangang gerilyang BHB. Ito ay pawang pangarap lamang sa bahagi ng rehimeng US-Marcos. Desperadong tangka ito para linlangin ang bayan at pahinain ang kanilang diwa ng paglaban.

Ang kasalukuyang lakas ng BHB at ang malalim at malapad na suportang masang tinatamasa nito ay malayo sa nais isipin ng AFP. Mayorya sa mga larangang gerilya ng BHB sa lahat ng 14 na panrehiyong kumand nito ay malayo sa pagkakabuwag. Sa kabila ito ng dinanas na malalaking pagkatalo noong 2019-2022 dahil pangunahin sa internal na mga kahinaan at pagkakamali, at sa harap ng walang-tigil at malupit na pananalasa ng 70 hanggang 80 libong pasistang tropang militar at pulis, hindi pa kabilang ang mga pwersang militar simula 2017. Nilulustay ng reaksyunaryong armadong mga pwersa ang ilandaang bilyong piso sa pinakawalang hindi maarok na karahasan ng teroristang estado sa kanayunan.

Ang mga deklarasyon kahapon ng mga ahensya ng estado ni Marcos, sa katunayan, ay pinasisinungalingan ng sarili nilang kilos. Dinagdagan ni Marcos ang badyet ng kanyang militar nang halos 40% mula ₱203.4 bilyon noong nakaraang taon tungong ₱282.7 bilyon ngayong taon, kabilang ang huling-minutong sinigt na ₱6.17 bilyon.

Malaking bahagi ng pondo ng militar ay napupunta sa pagbili at pagpapanatili sa mga sinusuplay na jet fighter at drone na isinuplay US na ginagamit sa hibang at dekadenteng gera ng aerial bombing, panganganyon at todo-largang operasyong militar sa kanayunan.

Sa kabila ng paulit-ulit na mga deklarasyon ng “paradigm shift” (o pagbabago ng pokus) ng AFP, malaking mayorya ng mga batalyon nito ay nakapakat pa rin laban sa BHB. Patuloy na naglulunsad ang pasistang mga tropa ng kampanya ng terorismo ng estado laban sa masang magsasaka, nagsasagawa ng mga pagpaslang sa sibilyan at pinagtatakpan ang kanilang mga krimen sa pamamagitan ng pinalalabas na mga mandirigma ng BHB ang kanilang mga biktima.

Kung saan nakaranas ng mga kabiguan ang mga yunit ng BHB, ang masang magsasaka at minoryang mamamayan ay dumaranas ng lumulubhang mga porma ng pagsasamantala at pang-aapi. Sa tabing ng paglulunsad ng mga operasyong “community support,” batas militar ang tunay na ipinapataw ng AFP sa porma ng pagkontrol sa malayang paggalaw ng mga mamamayan, pagpapataw ng karpyu, at pagbabawal sa kanilang magtrabaho sa kanilang sakahan, pagbuwag sa kanilang mga organisasyon, at iba pang porma ng panunupil, para hawanin ang landas sa agresibong pagpasok ng mga operasyon sa pagmimina, pagpapalawak ng mga plantasyon, ekoturismo at mga proyektong imprastruktura.

Sa mga lugar na iniwan ng mga yunit ng BHB dahil sa tulak ng mga pangyayari, naghahangad ang mga mahihirap at mababang-panggitnang masang magsasaka at mga manggagawang bukid na bumalik ang kanilang minamahal na mga Pulang mandirigma.

Sa harap ng paghihirap ng masang magsasaka sa ilalim ng paghaharing militar, determinado ang mga yunit ng BHB na bawiin ang lakas para ipagtanggol ang mamamayan, muling itayo ang rebolusyonaryong baseng masa sa pamamagitan ng pagtulong sa malawak na masang magsasaka na ilunsad ang kanilang mga pakikibaka laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala, at pagsulong ang armadong paglaban.

Sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang mga yunit ng BHB ay tuluy-tuloy na nakababawi ng kanilang tikas simula nakaraang taon. Patunay ng husay ng BHB na nakapagmamaniobrang gerilya sila para magkalat at magpalipat-lipat ng kanilang mga pwersa para lumabas sa operasyong kubkob at focused military operations ng AFP, magpalawak sa bagong mga erya at magpalapad ng larangan para sa paglulunsad ng digmang bayan.

Ang kilusang pagwawastong inilunsad ng Komite Sentral noong nakaraang Disyembre 26, 2023 ay nagbigay-inspirasyon sa mga rebolusyonaryong mandirigma ng BHB para pangibabawan ang lahat ng kahirapan at gumawa ng malalaking pagsulong sa darating na mga taon. Tiyak na anumang nawalang espasyo ay mababawi rin ng BHB sa pagtatayo ng mas malaking baseng masa sa pamamagitan ng mas malayong abot ng walang kapagurang gawaing masa at paglilingkod sa pangangailangan ng mamamayan.

Umiiral para lumaban ang Bagong Hukbong Bayan upang isulong ang pakikibaka ng masang magsasaka laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala, ipagtanggol sila sa pang-aapi ng estado, at ipaglaban ang mithiin ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya. Determinado ang lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB, at mga kadre ng Partido na isulong ang digmang bayan gaanuman ito katagal hanggang makamtan ang ganap na tagumpay.

Bibiguin ng BHB ang hibang at dekadenteng gera ng rehimeng US-Marcos