Hinggil sa talumpati ni Bongbong Marcos sa kanyang ikalawang SONA Bigo ang Pilipinas, Hindi Bago ang Ikalawang SONA ni Marcos

Ang pinakamalaking problema ng sambayanang Pilipino ay hindi ang implasyon kundi ang inutil at bigong pagtugon ng ilehitimong pangulong si Bongbong Marcos Jr. Walang hinaharap ang bagong Pilipinas sa kamay ng isang Marcos.

Sa dami ng laway at pahinang inubos ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA), isa lang ang masasabi ng mamamayan – hindi nauunawaan ng pangulong ito ang pangangailangan ng bansang tigmak sa kahirapan at kagutuman.

Wala ni katiting sa plano at programang sinambit niya sa kanyang ikalawang SONA ang nagbigay linaw sa mamamayan nang naaangkop na solusyon sa mga batayang suliranin ng bansa. Mga salita at numerong binudburan-ng-asukal at kinulayan ng kolorete na naglilihis sa katotohanan at daing ng bayan.

Sa lalawigan ng Quezon, mayor na pinagkukunan ng ikabubuhay ng nasa 300,000 pamilyang Pilipino ang industriya ng niyog. Iniinsulto ng anak ng diktador ang masang magkokopra sa probinsya kung isandaang libong binhi ng niyog ang kanyang sagot sa mababang presyo ng kopra, mababang-pasahod at pagkabangkarote ng mga niyugan bunsod ng mga kalamidad.

Ito ba ang pangakong modernisasyon at pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa bansa?

Wala itong ipinag-iba sa tugon ng utak-pulburang si Digong Duterte nang ipananawagan niyang “kainin ang kopra” upang makaagdong sa kumakalam na sikmura ng taumbayan.

Dalawang taon na ang nakakalipas nang mapabalitang “ipapamahagi” na ang pondo ng coco levy sa pagsasabatas ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act o RA 11524 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa malinaw sa sambayanan nasaan at paano papakinabangan ang naturang pondo. Nananatiling pinakamahihirap ang mga magsasaka sa niyugan sa bansa.

Samantala, kabilang sa matatamis niyang pakana ang bagong batas na mamamahagi kuno ng lupa at magbabayad sa utang ng mga magsasaka o mas kilala sa tawag na New Agrarian Emancipation Act.

Ang totoo, nais bantuan ni Bongbong ng malamig na tubig ang kumukulong galit ng masang magbubukid sa ‘di mapigilang pag-aaklas ng kanilang hanay dahil sa kawalan ng lupang masasaka. Ang naturang batas ay hindi katulad ng iginigiit na tunay na reporma sa lupa na kukumpiska sa lahat ng lupain ng panginoong maylupa para ipamahagi ito nang libre at radikal batay sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng malalaking panginoong maylupa at korporasyong agrikultural ang patutunguhan ng batas na ito.
Ang pangakong bigas na P20 kada kilo noong nakaraang halalan ay hindi kayang tugunan ng ipinagyayabang na mga Kadiwa at tuloy-tuloy na importasyon sa tuwing kinakapos sa suplay.

Nananatiling tahimik at ayaw pag-usapan ni Bongbong ang kanyang pananagutan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at militarisasyon. Nitong nakaraang buwan, idineklara ng 85 IBPA, PNP-Quezon at ni Gov. Helen Tan na “insurgency-free” na ang probinsya ng Quezon. Nakatungtong ito sa mga karumal-dumal na kaso nang pagbabanta, pamamaril, pagdukot, gawa-gawang kaso at pamamaslang na ginamit ng mga militar at pulis laban sa nakikibakang mamamayan.

Kung gayong wala nang presenya ng rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan, bakit patuloy na dinudumog ng militar ang mga bayan ng Atimonan, General Luna, at Mulanay?

Sa halip na kilalanin ang lumalalang kaso ng pang-aabuso at sapilitang pagpapasuko, sinang-ayunan pa ni Bongbong ang naturang deklarasyon at pinuri ang pagpapatupad ng E-CLIP at madugong gera nito sa mga hinihinalang tagasuporta ng CPP-NPA.

Sabi ng iba masyado pang maaga para husgahan ang mahigit isang taong panunungkulan ni Marcos Jr pero dahil alam ng sambayanan ang likaw-ng-sikmura ng isang Marcos, ngayon pa lang naghahanda na ang mamamayang Pilipino sa higit pang paghihigpit ng sinturon.

Hindi naman mahirap kilalanin ang isang ilehitimong presidente na dati nang tinik sa lalamunan ng masang anakpawis.

Ang pagpapahirap sa sambayanan ang siyang magtuturo sa kanila na magsama-sama at maglalapit sa kanila na tahakin ang landas ng armadong paglaban para sa kalayaan at demokrasya. Napipinto na ang pagbagsak ng mga Marcos. Kasaysayan na ang nagsasabi na ang pagsidhi ng krisis ay paglakas ng kahingiang ibagsak ang naghaharing sistema. #

Bigo ang Pilipinas, Hindi Bago ang Ikalawang SONA ni Marcos