Pahayag

Biguin ang terorismo at kampanyang disimpormasyon ng pasistang AFP-PNP-MIMAROPA!

Desperadong umaawit ng lumang tugtugin ang mga opisyal ng pasistang AFP-PNP-MIMAROPA sa kanilang pagmamalaki ng pekeng balita ng pagsuko ng 46 miyembro ng Lucio De Guzman Command – NPA – Mindoro (LDGC) nitong Enero 22. Isa na naman itong gasgas na pakana upang maghasik ng mabangis na kampanyang saywar sa hanay ng mamamayang Mindoreño.

Sinungaling ang direktor ng National Intelligence Coordinating Agency 4B (NICA-4B) na si Ariel Perlado, kasama ang pangunahing opisyal ng PNP-MIMAROPA na si Brig. Gen. Sidney Hernia, sa kanilang pagmamayabang na ang mga sumuko ay resulta ng kanilang pagsusumikap na pigilan ang rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Mindoro.

Nanlilinlang lamang ang AFP-PNP-MIMAROPA. Ang mga sumukong NPA na ipinamamarali nito ay mga ordinaryong sibilyan. Waring mga sirang plaka, paulit-ulit silang naglulunsad ng mga aktibidad hindi lang upang magpakalat ng disimpormasyon, kundi para pagkakitaan ang pondong nakalaan para sa Enhanced Comprehensive and Local Integration Program (E-CLIP). Kinokopo ng pangunahing mga opisyales ng gahamang militar at pulis ang E-CLIP para sa kanilang kapakinabangan, sukdulang isakripisyo ang buhay at kabuhayan ng mga binibiktima nilang sibilyan.

Nagpapakahusay man ang mga pasista sa paglikha ng mga pekeng palabas na tumatalikod ang mamamayan sa rebolusyon, wala nang naniniwala sa kanilang mga pakana. Ang totoo, sinusuka at labis na kinamumuhian ng mamamayang Mindoreño ang berdugong AFP-PNP-MIMAROPA, na malaon nang nagpapahirap at yumuyurak sa kanilang karapatan. Walang kaparis na hirap ang naranasan ng mamamayan sa ilalim ng teroristang panghahalihaw ng mersenaryong AFP-PNP sa kanilang mga tahanan at komunidad at pag-antala sa kanilang buhay at paghahanapbuhay.

Umaalingawngaw sa buong isla ang pagkamuhi ng mamamayan sa teroristang pulis at militar. Sa kapatagan, nagbibigkis at kumikilos ang mga residente upang palayasin ang mga nagkakampong pulis at militar sa mga paaralan. Nagbabakwit ang mga katutubong Mangyan sa mga pamayanang katutubo sa kabundukan upang ipanawagan ang kanilang pagtutol sa pananatili ng mga militar sa kanilang mga sityo. Kinakalampag ng mga petisyon at nagsasampa ng reklamo ang mamamayang ginigipit ng palalong pulis at militar. Hindi matatakpan ng kahit ano mang pagsisinungaling ang kumukulong galit ng mamamayan sa reaksyunaryong gubyerno at sa utak-pulbura nitong armadong pwersa sa kanilang humahabang tala ng kasalanan laban sa mga Mindoreño.
Taliwas sa gasgas na litanya ng AFP-PNP-MIMAROPA, lalong humihigpit ang pagkakaisa ng masang Mindoreño at ng LDGC-NPA-Mindoro na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Ipinagbubunyi ng mamamayan ang bawat bigwas ng pinakamamahal nilang Pulang Hukbo sa mga berdugong pulis at militar. Tinatamasa pa rin ng BHB ang hindi nagmamaliw na suporta ng masang Mindoreño. Higit pa, dumarami ang bilang ng pinakamabubuting anak ng bayan na sumasampa sa BHB upang tanganan ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka.

Sa pagsidhi ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, lalong nakikita ng aping mamamayan ang kawastuhan ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba bilang solusyon sa daantaong kahirapang nararanasan nila. Tiyak na bibiguin ng rebolusyonaryong kilusan at ng buong masang Mindoreño ang desperadong kampanyang supresyon ng reaksyunaryong estado. Patuloy na magkakaisa ang mamamayan upang biguin ang imbing pakana ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte na supilin ang lumalagablab na rebolusyonaryong paglaban. Buong determinasyong isusulong ang makatarungang digma na magwawakas sa pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo hanggang tagumpay!

Biguin ang kampanyang supresyon ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte!
Singilin ang pasistang pulis at militar sa krimen nila laban sa mamamayang Mindoreño!
Mamamayang Mindoreño, magkaisa, isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!###

Biguin ang terorismo at kampanyang disimpormasyon ng pasistang AFP-PNP-MIMAROPA!