Bukas na liham para sa mga kagawad ng midya
Mapagpalayang pagbati sa mga kaibigan sa hanay ng midya!
Napakakritikal ng institusyon ng midya sa pagbabago ng lipunan bilang inaasahang instrumento ng katotohanan at pagpapahayag ng mamamayan, laluna sa kasalukuyang yugto ng lipunan kung saan laganap ang disimpormasyon, misimpormasyon at iba pang porma ng kasinungalingan.
Sa kasaysayan, ang karapatan sa malayang pamamahayag ay nagmula sa pakikibaka ng masa. Mula panahon ng lipunang alipin hanggang sa kasalukuyang yugto ng imperyalismo, palagiang kabahagi ng pakikipagtunggali ng uring api at pinagsasamantalahan sa naghaharing-uri ang paglaban sa panunupil at pagpapatahimik.
Nagsisilbi tayo sa masa at utang natin sa kanila ang anumang puwang ng demokrasyang ating tinatamasa. Ito ang dahilan kung bakit naninindigan tayo sa kritikal, mapanuri at malayang pamamahayag.
Kaya, bilang kapwa tagapagtaguyod ng malayang pamamahayag at tagapaglingkod sa masa, tapat na ipinapaabot ng rebolusyonaryong kilusan ang pagkabahalang nagagamit ang ilan sa inyo bilang kasangkapan ng reaksyunaryong estado sa pagpapalaganap ng kasinungalingan at masahol, pagkakait ng katotohanan. Halimbawa nito’y ang mga tendensyang makaisang-panig na paglalabas ng mga pahayag ng militar, laluna kapag pinagtatakpan ang mga pinapatay nilang sibilyan bilang NPA na napatay sa engkwentro (maihahalintulad sa nanlaban-patay sa gera kontra droga).
Sa Masbate, karamihan sa mga pinatay ng militar, iba pang nakaranas ng abuso, at kanilang mga kaanak ay napagkaitan ng katotohanan.
Sa kaso ng mag-asawang Jover at Aimee Villegas na pinatay ng militar sa bayan ng Placer noong Setyembre 21, 2023, nagdulot ng trauma sa pamilya ng mga biktima ang tumatak na naratibong pinalabas ng militar sa midya. Ito ay sa kabila ng pagsusumigaw ng mga kaanak at kababaryo na sibilyan ang mga biktima.
Sa kaso naman ng pinagbabaril na magkaibigan sa Barangay Balantay, Dimasalang na ikinasawi ng menor-de-edad na si Rey Belan, ang pamamayagpag ng naratibong NPA ang mga biktima ay sinamantala ng kaaway upang baligtarin ang mga nakaligtas bilang siyang mga kriminal.
Sa panibagong kaso ng pagpatay sa matandang mag-asawang sina Pedro at Florencia Regala noong Pebrero 5, sa Barangay Tuboran, bayan ng Cawayan, walang ipinalabas ang militar na larawan ng mga bangkay, taliwas sa karaniwang kalakaran ng kaaway na iparada sa publiko ang kanilang mga biktima. Sapat sana itong batayan para magduda at maging kritikal. Sa kabila nito, ipinalaganap ng iba’t ibang istasyon tulad ng Bombo Radyo Legazpi ang balita nang walang kumpirmasyon o imbestigasyon sa veracity ng mga impormasyong ipinresenta ng militar.
Mapanganib ang ganitong tunguhin, mga kaibigan. Hindi niyo man sinasadya, sa makaisang panig na paglalabas ng balita mula sa estado, maaari niyo nang nababalewala ang hirap at kalupitang dinaranas ng masa at masahol, ay napagkakaitan sila ng hustisya. Lalong mapanganib kung mawala na sa inyong hanay ang mga batayang prinsipyo ng dyornalismo tulad ng pagsusuri at pagsisiyasat kapalit ng sensationalismo at dikta ng corporate media.
Ang aming matapat na puna’y hindi naglalayong pigilan kayo sa inyong diskresyon at karapatan sa pamamahayag. Sa halip, nais namin kayong tulungan sa pagpapaalalang maipaglalaban lamang natin ang karapatan sa malayang pamamahayag kung panghahawakan natin ang mga tungkuling kaakibat sa pagsusulong nito. Ibig sabihi’y tapat, may paninindigan at maka-masang pamamahayag na nakabatay sa kongrektong pag-alam at pagsusuri sa kalagayan.
Naiintindihan naming karamihan sa inyo’y nasa mahirap na pusisyon. Hindi maitatangging ang kasalukuyang tradisyunal na midya ay pinaghaharian ng corporate media. Sa sistemang kapitalista kung saan nagiging instrumento ang impormasyon sa pang-aapi at pagsasamantala, maaaring pagkakitaan ang katotohanan o pagkakait nito.
Pinakamasahol ay ang panunupil at pandarahas mismo sa inyong hanay. Marami sa inyo ay biktima ng panghaharas, panggigipit, pambabanta at Red-tagging, laluna nang mabuo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. May mga pinatay. Nagdudulot ito ng takot at naaapektuhan ang ating responsibilidad na ihatid ang tama at kumpletong impormasyon para ipalaganap ang aral na opinyong publiko o self-censorship. Makabuluhan sa pakikibaka ng midya ang pagdating ni UN Special Rapporteur Irene Khan at ang rekomendasyong buwagin ang NTF – ELCAC.
Hindi kayo masisisi kung mas napauunlakan niyo ang kaaway dahil totoong mas mabilis para sa kanila na makapaglabas ng pahayag laluna’t nasa kanila lahat ng rekurso para kontrolin ang daloy ng impormasyon. Sa katunayan, kailangang harapin ng kilusan at masa ang araw-araw na mga hamon sa seguridad at iba’t ibang paraan ng kaaway upang limitahan ang masa sa paglalantad ng kanilang tunay na kalagayan tulad ng news blackout, censorship, troll campaign at pananakot.
Nais naming ipatanaw sa inyo na ang mga dinaranas ninyong kahirapan ay patunay na hindi kailanman malulubos ang kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Malayo pa ang ating dapat pagsikapan upang lubusang matamasa ang karapatan at kalayaan sa pamamahayag. Mangyayari lamang ito kung magtatagumpay ang ilunukunsad nating armadong rebolusyon.
Habang hindi pa ito naaabot, tungkulin natin bilang mga alagad ng katotohanan na hindi tumigil sa pakikibaka para sa kanilang karapatan at kalayaan at labanan ang palagiang pakana ng estado na ipagkait ito. Sa harap ng mga hamon, hinihikayat namin kayong laging manindigan para sa malaya at para sa masang pamamaahayag. Hinihiling namin na sana’y hindi mawala sa inyo ang mga prinsipyo at paninindigan bilang kagawad ng midya, mula kongretong pagsusuri at pagsisiyasat sa kalagayan, pagpapalalim ng pag-unawa at higit sa lahat, ang maka-masang tindig at pananaw.
Hinihikayat namin kayong sumama at mag-organisa ng iba’t ibang mga inisyatiba tulad ng fact finding missions, mga treyning sa community journalism, educational discussions at mga kilos protesta at iba pang mobilisasyon upang mapalalim ang pag-unawa sa masa.
Mahalaga rin ang pagkakaisa sa inyong hanay upang sama-samang maipagtanggol ang kanilang karapatan at kalayaan sa pamamahayag. Kapugay-pugay ang pagsisikap laluna ng mga kabataang journalists sa Bikol sa paglulunsad ng mga safety at paralegal trainings, psychological assistance at iba pang solidarity activities laban sa malawakang panggigipit sa kanilang hanay.
Sa darating na paggunita ng ika-38 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA, nawa’y alalahanin natin ang pagkamartir ng ating mga kasamahan sa ngalan ng katotohanan para sa masa. Gawin natin silang inspirasyon sa paninindigan at prinsipyo. Bilang mga kagawad ng midya at tagapaglingkod ng masa, hinihikayat namin kayong tahakin ang landas ng rebolusyon para sa malayang pamamahayag, katotohanan at kapakanan ng bayan.