Pahayag

Aabot sa sampung militar ang napatay sa bigong pagkubkob sa NPA sa Barangay Banco, bayan ng Palanas

Hindi bababa sa sampu na tropa ng 2nd Infantry Battalion Phil. Army ang napaslang matapos masawata ng isang yunit ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate ang tangkang pagkubkob ng mga tropa ng militar sa Sityo Calanay, Barangay Banco, bayan ng Palanas nito lamang ika-15 ng Setyembre 2024, 8:00 ng umaga. Nagawang mapasabog ng Hukbo ang command-detonated explosive na nagresulta ng kaswalti sa panig ng militar. Ligtas na nakamaniobra ang mga kasama nang walang pinsala sa kanilang hanay.

Ayon sa mga masang nakasaksi, agad kinuha ang mga bangkay ng nasawing mga militar sa tangkang ikubli ang kanilang kaswalti. Taliwas ito sa ipinapalabas na pahayag sa kasalukuyan ng 9th Infantry Division-Phil. Army na nagtamo ang BHB-Masbate ng mga kaswalti.

Nagbubunyi ngayon ang mga Masbatenyo sa sinapit ng mga mamamatay-taong militar. Marami ang sumisigaw ng “Marise!” (Mabuti nga sa inyo!) sa mga militar.

Samantala, matindi ngayon ang demoralisasyon sa hanay ng 2nd IBPA. Nanggaling ang mga nag-strike na pwersa ng militar sa yunit ng 2nd IBPA na naglulunsad ng Retooled Community Support Program sa Barangay Bigaa. at inatasan na gumanti matapos ang mga serye ng matatagumpay na aksyong gerilyang ilinunsad ng Hukbo kamakailan. Sa kabila ng pagod sa operasyon at paghahabol sa NPA, nabigo sila at napuruhan pa dahil sa kahandaan ng Hukbo. Nakatulong rin ang impormasyong ibinigay ng mga CAFGU, pulis at Army at kanilang kaanak na dismayado na sa bulok at tiwaling kultura ng kanilang organisasyon.

Dahil sa labis na kahihiyan, nag-uulol na hinahalihaw ng pinagsamang nga pwersa ng militar at Masbate Provincial Mobile Force ang mga baryo ng Banco, San Carlos at Bigaa sa bayan ng Palanas. Aabot sa humigit-kumulang 200 tauhan ng Phil. Army at PNP ang kasalukuyang gumagalugad sa naturang lugar para tugisin ang Hukbo at maghasik ng takot sa mga masa sa naturang mga lugar. Ilang mga kabahayan sa Barangay San Carlos ang tinangkang halughugin ng militar sa pag-aakalang matutunton nila ang umano’y mga sugatang kasapi ng NPA. Ninakaw din ng mga tumutugis na militar ang mga alagang manok ng isang nagngangalang Romeo Acurin sa naturang baryo.
Nakikiramay ang Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate sa mga kaanak ng mga militar na nasawi sa naturang labanan. Hindi nila sasapitin ito kung hindi sila nadala sa mga panlilinlang ng AFP.

Ang labanan sa Barangay Banco, Palanas ay patunay sa kabiguan ng AFP-PNP-CAFGU na durugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Taglay ng NPA ang suporta at pagmamahal ng mga Masbatenyo. Anumang pagtatangka ng kaaway na ilayo ang mga Masbatenyo sa NPA gamit ang mga pinakateror at pinakamararahas na paraan, lalo lamang nauunawaan ng mga Masbatenyo ang kawastuhan at pangangailangan para sa armadong pakikibaka.

Hamon para sa NPA-Masbate ang naturang depensibang labanan upang patuloy na magpursige sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang parusahan ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga krimen.

Kaugnay nito, hinihikayat ng NPA-Masbate ang mga karaniwang sundalo at pulis na lisanin na ang kanilang pinagsiserbisyuhang institusyon. Wala silang pinagkaiba sa mga tuta: pambala lang sila ng kanilang mga upisyal sa hibang na ilusyong durugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Hindi handa sa sakripisyo at kamatayan ang mga sundalong ito. Walang karangalan ang kanilang trabaho. Pinahihithit sila ng droga at sinusuhulan ng katiwalian para pumatay ng mahihirap at inosenteng sibilyan. Mamamatay silang kinasusuklaman at isinusumpa ng mamamayan.

Gayundin, ini-engganyo ng NPA-Masbate ang mga kabataan na itakwil ang pagsapi sa AFP-PNP-CAFGU. Ilalagay lang nila ang sarili sa kapahamakan. Hindi dapat pumayag ang mga magulang na maging mga asal-hayop, mamamatay-tao, adik, kriminal at traydor ang kanilang mga anak dahil lamang sa akit ng mataas na sweldo sa AFP.

Panawagan ng NPA-Masbate sa mga Masbatenyo, laluna sa mga kabataan: sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Aabot sa sampung militar ang napatay sa bigong pagkubkob sa NPA sa Barangay Banco, bayan ng Palanas