Dakilain at gamiting tanglaw sa pagpapanibagong-lakas ang dakilang alaala at turo ni Kasamang Jose Maria Sison “Ka Joma” sa unang taon ng pagunita sa kanyang pagkamartir!
Ang Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan (PKP-TK) at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ay lubos, marubdob at taas kamaong nagpupugay at nakikiisa sa araw ng pagdakila kay Kasamang Joma Maria Sison — teoretisyan, makata at dakilang lider ng masang anakpawis, mga makabayan, demokratikong pwersa at proletaryong rebolusyonaryo sa buong bansa at sa buong daigdig. Gamitin nating okasyon ang unang taon ng pagkamartir ni Ka Joma para balikan ang kanyang mga dakilang aral at alaala para tanglawan ang pagpapanibagong-lakas ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at buong bansa.
Ginugol ni Ka Joma ang buong buhay niya para isulong ang pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino at sa paglaban ng mamamayan ng mga inaaping bayan sa buong daigdig laban sa imperyalistang monopolyo kapitalismo at lahat ng reaksyon. Hindi matatawaran ang kanyang mayaman, maningning at mahabang karanasan sa pamumuno at paggabay sa pakikibaka ng uring anakpawis at ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan sa Pilipinas.
Mula nang matagpuan ni Ka Joma ang Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) bilang tanging teoretikong gabay sa paglaya mula sa makauri at pambansang pang-aapi at pagsasamantala, naging matibay at masikhay ang paninindigan niya na ilapat ito sa kongkretong kalagayan at sirkumstansya ng lipunang Pilipino. Inialay niya ang kanyang buong talino at kakayahan para isulong ang kanyang mithiing palayain ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Matatag siyang nanindigan na sa pamumuno ng uring proletaryado sa pamamagitan ng Partido komunista ng Pilipinas ang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo sa bansa ay makakamit. Sa tanglaw ng MLM, nilikha niya ang napakaraming mga akdang gumabay sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas at buong daigdig sa pagsusuri at paglaban sa imperyalismo at modernong rebisyunismo.
Iniwan at ipinamana ni Ka Joma ang kanyang mga monumental na akda at sulatin na siyang nagsilbing pundasyong teoretikal at pulitikal na mananatiling tanglaw ng rebolusyong Pilipino at sa mga pakikibaka ng mga inaaping mamamayan at bayan sa daigdig. Ang masusi niyang pag-aaral at paglalagom sa karanasan at sinapit ng lumang pinagsanib na Partido na pinamunuan ng mga rebisyunista at oportunistang Lava at Taruc sa kanyang sulating “Iwasto ang pagkakamali at muling itatag ang Partido” ang naghudyat para sa rebolusyong Pilipino na tahakin ang landas ng bagong-tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa teoretikong gabay ng MLM.
Matalas at malalim niyang sinuri ang kalagayan ng Pilipinas na nagluwal sa kanyang aklat na “Lipunan at Rebolusyong Pilipino” at “Makibaka para sa Pambansang Demokrasya” ay pumukaw sa milyon-milyong magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan at pambansang minorya sa kanayunan at kalunsuran para tahakin ang landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Inihatid ng mga akdang ito ang pag-asa sa malawak na masang Pilipino na matagal nang nagdurusa sa pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Lumikha ito ng daluyong ng malawak ng kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran ng rehiyon sa lahat ng panig ng bansa.
Sa gabay ng kanyang mga sulating “Ang Partikular na Katangian ng ating Digmang Bayan”, “Magpunyagi sa Digmang Bayan (1974) at “Ang Mahigpit Nating Tungkulin (1976)”, naipundar, napalawak at napatatag ang mga larangang gerilya, puting purok at mga yunit panteritoryo at sektoral sa kalunsuran; mula sa halos wala, lumaki at lumakas ang Bagong Hukbong Bayan sa buong kapuluan kabilang ang sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Napanatili ang katangian ng Bagong Hukbong Bayan, bilang tunay na hukbo ng mamamayan at hukbo para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at mahigpit na pagtalima sa “Saligang Alintuntunin ng BHB” na kanya ring binalangkas.
Sa panahong lumitaw ang mga pagdududa sa kawastuhan ng pagsusuring malapyudal ang katangian ng lipunang Pilipino at ilang naiinip na sa matagalang digmang bayan, hindi nagpabayang naglinaw si Ka Joma sa kanyang sulatin na “Malapyudalismo, alamat o katotohanan” kahit siya ay nakakulong. Binali nito ang pangangatwiran ng mga rebisyunista at sa huli ay naging mga kontra-rebolusyonaryong taksil na nagpasimuno ng paglihis at disoryentasyon na nagpahina ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan noong ikalawang hati dekada ‘80. Salamat sa kanyang mga sulating “Muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo at iwasto ang mga pagkakamali” at “Manindigan sa sosyalismo laban sa modernong rebisyunismo” dahil muling nakabalik ang Partido sa tamang landas para makapagpanibagong lakas at makapaglawak sa matagumpay na pagsusulong ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) noong 1992.
Higit pang pinatatag si Ka Joma ng mga dinanas na kahirapan at sakripisyo para sa bayan—mula sa pagtalikod sa marangyang pamumuhay ng uring kanyang pinagmulan; dinanas na tortyur at pagkakakulong sa ilalim ng pasista at diktador na Marcos Sr.; hanggang sa mawalay sa minamahal na bayan sa matagal na panahon. Ang mga ito’y inspirasyon niya upang higit pang paghusayin ang kanyang pamumunong teoretikal at pampulitika sa uring anakpawis at iba pang inaaping mamamayan at bansa ng imperyalismo. Ilang ulit niyang pinatunayan na kailanman ay hindi siya naigupo, nalinlang at nasindak ng pananakot at panggigipit ng reaksyunaryong estado at ng imperyalistang US at mga alyado nito.
Kinikilala at dinadakila si Ka Joma hindi lamang sa Pilipinas kundi sa maging sa buong mundo. Si Ka Joma ay isang proletaryong internasyunalista, hindi nagmaliw ang kanyang pagsisikap na pagkaisahin sa paninindigang MLM ang mga kilusang manggagawa, maging ang mga Partido Komunista sa iba’t ibang panig ng mundo at pamunuan ang pandaigdigang pakikibakang anti-imperyalista. Hindi mabilang ang mga pinamunuang niyang mga seminar at kumperensya para ibahagi ang paninindigang MLM upang bigkisin at palakasin ang malawak na alyansang anti-imperyalista at kilusang proletaryo. Patunay ang pagiging instrumental niya sa pagkakatayo ng International League of People’s struggle (ILPS).
Sa gitna ng kasalukuyang dinaranas ng bayan na ibayong paghihirap at pagdurusa sa ilalim ng papet, pasista at pahirap na rehimeng US-Marcos II, dapat patuloy na dakilain at muli’t muling alalahanin ang buhay, pakikibaka at mga turo ni Ka Joma. Ang kanyang mga dakilang ambag ay walang kupas na tanglaw natin sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Dapat nating isabuhay sa bawat oras, araw at sa lahat ng sandali at pagkakataon ang kanyang diwa at pamana sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pag-aaral at pagsasapraktika, higit sa lahat, ang paglapat nito sa kongkretong mga kalagayan at paglutas ng mga suliranin sa kasalukuyan. Tulad ng kung paano iginiya ni Ka Joma ang Partido sa mga panahon ng mga pag-atras dulot ng malulubha nitong pagkakamali, gamitin nating tanglaw ang kanyang mga gabay at alaala sa kasalukuyang kilusang pagwawasto tungo sa muling pagpapanibagong lakas ng Partido at buong kilusang rebolusyonaryo sa rehiyon at buong bansa. Panatilihin nating nag-aalab sa ating diwa ang walang-kamatayan niyang mga tula at awit ng paglaban at paglaya. Muli nating balikan ang kanyang mga turo sa mahusay na pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa sa malawak na masa upang muling likhain ang daluyong ng pakikibakang masa na yayanig at magpapabagsak sa kasalukuyang bulok na estado.
Nakatala at kailanma’y di mabubura sa kasaysayan ng bansa at ng buong daigdig ang dakilang ambag ni Kasamang Jose Maria Sison sa pakikibaka ng uring manggagawa, at lahat ng inaaping mamamayan at bayan para kamtin ang maaliwalas na mundo na malaya sa imperyalismo, demokratiko, masagana at may pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa hustisya sa tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sa bukang-liwayway ng sosyalismo hanggang komunismo.
Mabuhay ang alaala at mga turo ni Kasamang Joma!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay ng sosyalismo!###