Hungkag at ipokrito ang alok na amnestiya ni Marcos

,


Peke, hungkag at ipokrito ang alok ng rehimeng Marcos II na amnestiya para sa lahat ng miyembro ng New People’s Army habang walang-patlang ang inilulunsad nitong militarisasyon sa buong bansa na naghahatid ng pinakabrutal na pag-atake at paglabag sa karapatan ng mamamayan. Sa loob pa lamang ng isang taong pag-upo sa poder, naitala ang 97 bilang ng mga rebolusyonaryo at mamamayang walang-awang pinaslang at niyurak ang karapatang mabuhay.

Kung talagang sinsero siya at ang kanyang rehimen sa pagbibigay ng amnestiya at igalang ang karapatan ng lahat ng mamamayang nakikibaka, bakit hindi niya palayain ang halos 800 bilanggong pulitikal, kabilang yaong mga nakapiit sa kanilang mga sikretong detensyon sa mga kampo ng AFP? Bakit hindi niya itigil ang malupit na gera kontra-mamamayan at lansagin ang berdugong NTF-ELCAC? Bakit hindi niya bawasan ang pondo nito at ng AFP laluna’t malinaw na ginagamit lamang ito sa paghahasik ng terorismo sa bansa at mamamayan?

Makatwiran at walang katumbas na anumang halaga ang dakilang buhay at hangarin na nasa ubod ng komitment ng mga rebolusyonaryo at kasapi ng NPA. Tunay na mahirap at masalimuot ang inilulunsad naming digma, at palaging naririyan ang panganib pero lahat ng ito’y maluwag naming sinusuong para sa layuning palayain ang bayan at kamtin ang tunay na demokrasya mula sa gapos ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Kakatwang naisip ni Marcos II, ng imperyalismo at mga kasapakat niyang ihain sa amin ang amnestiya gayong batid nilang sila ang pangunahing dahilan kung bakit mayroong araw-araw na nag-aarmas sa kanayunan at sumasapi sa NPA. Itinaon pa ni Marcos II ang alok niya sa kanyang State of the Nation Address na puro lamang buladas at kabalintunaan.

Malayo sa nais nilang “kapayapaan”, ang pagsuko sa mahigit kalahating-siglong paglaban ng NPA ay mangangahulugan ng ibayong karahasan, pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino sa kapakinabangan ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uring kinakatawan ni Marcos II. Hinding-hindi nanaisin ng NPA, laluna ng mamamayang Pilipinong isuko ang dakilang pakikibakang ito para lamang sa amnestiya at kakarampot na baryang ipagkakaloob ng pasistang estado. Ang reaksyunaryong GRP at imperyalistang amo nito ang totoong ayaw ng kapayapaan. Lumang modus na ng lahat ng nagdaang rehimen bago si Marcos II ang pag-aalok ng amnestiya sa mga rebolusyonaryo at wala ni isa man sa kanila ang nagtagumpay. Malaon nang napatunayan ng masang Pilipino at ng kasaysayan na wasto at matalino ang pagtangan ng armas para wakasan ang kahirapan at pang-aapi.

Sa huli, walang ibang tatanggap ng “amnestiyang” alok ni Marcos II kundi ang kapwa niya mga bentador at taksil sa bayan na sasandakot lamang kung ikukumpara sa mamamayang naghahangad ng tunay na kapayapaan, panlipunang paglaya at demokrasya.###

Hungkag at ipokrito ang alok na amnestiya ni Marcos