Pagbayarin ang Philippine Coast Guard! Hustisya sa mga nasawi sa trahedya sa Binangonan, Rizal
Sa pagragasa ng Bagyong Egay ay isang trahedya ang sumapit sa Binangonan, Rizal noong Huly 27, 2023. Hindi bababa sa 27 ang nasawi sa paglubog ng motorbanca Aya Express. Mahigpit na kaisa ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Rizal sa panawagan ng mga Rizaleño at mga kaanak ng mga nasawi para sa hustisya at pagpapanagot sa naging kapabayaan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Patungo sana ang motorbanca sa Barangay Gulod, Talim Island nang lumubog ito sampung minuto pa lamang ang nakaraan mula nang umalis sa Pritil Port. Bagay na maiiwasan sana kung ginampanan lamang ng PCG ang kanyang trabaho. Inamin mismo ng PCG na hindi sila nag-inspeksyon. Malinaw na isang malaking kapabayaan ito at hindi katangga-tanggap lalu na sa panahon ng bagyo o masamang panahon.
Batay sa manipesto na ipinasa ng kapitan ng bangka sa PCG Substation-Binangonan ay 22 lamang ang lulan nito. Kalakhan sa mga pasahero ng bangka ay mga residente ng anim (6) na mga islang barangay sa Isla ng Talim: Barangay Janosa, Buhangin, Kaytome, Gulod, Sapang, at Ginoong Sanay. Malalaman na lamang ng PCG na overloaded ito nang lumubog na ang bangka. Nasa 70 pasahero ang sakay nito bukod pa sa mga gamit nila. Subalit ang maksimum na kapasidad ng motorbanca ay 42 lamang pag-amin mismo ng PCG.
Sinasabing dahil “below the authorized number” ang sakay ng bangka, hindi na ito kailangan pang inspeksyunin. Ito raw ang “normal routine” ng ahensiya. Ayon pa sa residente ng Barangay Kalinawan, sila ang mas kumilos sa pag-rescue sa kanilang mga kababayan habang iniuulat naman ng PCG ang “mabilis” nilang pagresponde.
Nauna nang tinanggalan ng Safety Certificate ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang kapitan ng motorbanca Aya Express. Samantalang, ang dalawa namang naka-destinong tauhan ng PCG sa Pritil Port ay “ni-relieve” pa lamang habang hindi pa tapos ang imbestigasyon. Nakaksuklam ang di-patas na pagtrato na ito sa pagitan ng PCG at sa ordinaryong mamamayan. Sapagkat ayon mismo kay PCG Commandant Artemio Abu hindi pa agad masasabing may pagkukulang sila sapagkat wala pa itong pormal na imbestigasyon. Hindi sapat na i-relieve lamang ang dalawang tauhan ng PCG dahil malaking kapabayaan ito lalu na nang maisiwalat na “normal routine” na ang ang hindi pag-inspeksyon sa mga bangka. Malinaw ang hindi patas na imbestigasyon at pagdidiin lamang sa ordinaryong mamamayan na naghahanapbuhay samantalang pinagtatakpan ang mas malawak na kapabayaan ng PCG na mas dapat na responsible sa kanilang tungkulin dahil sila ang nagpapatupad ng mga patakaran at protocols para siguraduhin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Hulyo 28, nag-iwan ang bagyong Egay ng 21 na patay, dagdag pa ang 27 dahilan sa paglubog ng bangka at may 8 walong nawawala dahil sa landslides at kabuuang 600,00 indibidwal na apektado ng bagyo. Tinatayang 834M ang pinsala sa agrikultura at 1.2 bilyon naman sa imprastraktura.
Kabaligtaran lahat ito sa pagmamayabang ng pangulong anak ng magnanakaw at diktador na si Marcos Jr. sa katatapos lamang na State of the Nation Addres (SONA) na sobrang handa na (“overprepared”) ang ating bansa sa mga kalamidad at sakuna.
Hindi tayo dapat magpalinlang sa gubyernong taksil sa tunay na karaingan ng mamamayan. Ang maayos na pagtugon sa kalamidad ay dapat magsimula sa sinserong pagprotekta sa ating kalikasan at hindi sa pandarambong ng mga dambuhalang dayuhang kapitalista kasapakat ang ating gubyerno. Ang hustisyang panglipunan kasama na ang pang-kalikasan ay ipinaglalaban at hindi kusang ibinibigay ng mga naghaharing-uri. Kung kaya’t ang panawagan pa rin ng rebolusyonaryong hanay ng mga magbubukid ay tanging sa Demokratikong Rebolusyong Bayan tunay na masosolusyonan ang samu’t saring problema ng ating lipunan kabilang na ang pagharap sa mga kalamidad.
Singilin at panagutin ang PCG sa kalamidad sa Binangonan!
Itigil ang pandarambong at pagwasak sa Kalikasan!
Tutulan at Ipatigil ang Kaliwa at Wawa-Violago Dam!
###