Pahayag

Igiit ang pambansang kasarinlan, karapatan sa lupa at kabuhayan! Hindi ang Cha-Cha!

,

Dapat puspusang labanan ng mamamayan ng Camarines Sur ang Cha-Cha na tiyak na aagaw sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan.

Para sa masa ng Camarines Sur, ano nga ba ang Cha-Cha o ang Charter Change? Ito ay ang pag-amyenda o pagrebisa sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987. May tatlong paraan sa pagbabago ng konstitusyon ng Pililinas; ang constitutional assembly (con-ass), constitutional convention (con-con) at ang peoples initiative. Sa kasalukuyan ay isinusulong ng administrasyong Marcos Jr ang Peoples Initiative para amyendahan ang ilang mahahalagang usapin sa ekonomiya at pulitika.

Bakit dapat tutulan ng taumbayan ang Cha-Cha? Layunin ng Cha-Cha na amyendahan ang batas kaugnay sa pagbaklas sa natitirang balakid para sa mga dayuhang pamumuhunan sa bansa. Gagawing istable ng Cha-Cha ang neoliberal na mga patakaran sa ekonomiya upang ganap na maghari at mailagay sa kamay ng mga dayuhan ang pagkontrol sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa at lahat ng mahahalagang aspeto ng lipunan katulad ng masmidya, tubig, kuryente, telekomunikasyon, edukasyon at ibapa. Pwede na rin silang mamili ng mga lupa dito sa ating bansa. Layunin din ng Cha-Cha na amyendahan ang tuwirang pagpapahintulot sa mga dayuhang base-militar sa Pilipinas bilang proteksyon sa pang ekonomiyang interes at teretoryo ng Imperyalismong US.

Maliban dito, dahil dayuhang pamumuhunan ang mayor na adyenda ng Cha-Cha, kasabay din sa nais amyendahan ang “term extention” para sa pangulo, pangalawang pangulo at iba pang matataas na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno. Hindi lingid para sa mamamayan ng Camarines Sur na ang mga nakaupo sa estado ay mga malalaking burgesya kumprador na sa karaniwan ay mga kasosyo ng mga dayuhang kapitalista sa paggahasa sa likas na yaman ng bansa.

Bobo ang tingin ni Marcos Jr at mga kroni nito katulad ng senador na si Robin Padilla at burukratang pamilyang Villafuerte sa Camarines Sur sa masang anakpawis. Ang pagbabago umano sa Saligang Batas ng Pilipinas ay makakatulong ng malaki sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas katulad ng ganap na pagpasok ng mga dayuhang pamumuhunan sa bansa.

Isa itong malaking kasinungalingan at panloloko sa mga taga-CamSur dahil laging kakambal ng dayuhang pamumuhunan ay ang malawakang pangangamkam ng lupa at kabuhayan sa malawak na magsasaka. Sinumang dayuhan ay walang interes na paunlarin ang Pilipinas. Pinatunayan na ito sa ilang dekadang pamamayagpag ng dayuhang mamumuhunan sa bansa. Sa halip, pagkasira ng kalikasan at pang-aagaw ng lupa at kabuhayan ang kanilang hatid dahil unang- una nandito sila para sa dalawang dahilan lamang, ang magnegosyo at kumita.

Patunay rin ng panloloko ng naghaharing estado ay ang pagpapapirma sa mga tao ng walang kalakip na petisyon o ang pagpapaliwanag ng pag-amyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas at maging kung ano ang nais amyendahan sa batas ng isang indibidwal na pipirma. Malinaw na paglabag ito sa Seksyon 2, artikulo 17 ng Saligang Batas ng Pilipinas.

Walang makikinabang sa Cha-Cha kundi ang mga naghaharing-uri na nakaupo sa bulok na estado. Sa prubinsya ng Camarines Sur tiyak na pamilyang Villafuerte at mga kroni nito ang makikinabang sa Cha-Cha. Sa matagal ng panahon ng panunungkulan ng pamilyang Villafuerte sa prubinsya ginagamit nito ang National Greening Projects gamit ang DENR upang legal na makapangamkam ng lupa sa mga magsasaka. Nagtutuloy-tuloy pa rin ang mga pagpapatanim ng kawayan, desider at gemelina sa mga lupang timberland sa mga bayan ng Del Gallego, Ragay at Lupi.

Habang abalang-abala ang mga burukratikong pulitiko ng prubinsya sa pagsuporta sa Cha-Cha mistulang bingi ang mga ito sa abang kalagayan ng mga taga-Camarines Sur. Nananatiling marami ang mga magsasaka na walang lupa. Atrasado at maliitan din ang pagsasaka na gumagamit ng manu-mano.

Wala ring ginawang interbensyon ang mga lokal na pamahalaan sa mga magsasakang apektado ng insektong “pumuho” sa mga tanim na abaka sa bayan ng Ragay at mga karatig nito. Ganun din sa mga hog raiser na apektado ng kumakalat na African Swine Fever (ASF) na sa hanggang ngayon ay hindi pa rin seryoso ang gubyerno na humanap ng vaccine.

Sa halip, nagpapakakontento na lamang ang reaksyunaryong gubyerno sa mga patseng ayuda katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4p’s), Listahanan, food stamp, Cash for Works katulad ng DOLE-TUPAD at iba pa.

Sinisisi rin ng magsasaka ang pamahalaang prubinsya sa patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas dahil maraming mga palayan ang tinabunan para bigyang puwang ang mga proyektong imprastraktura katulad ng mga subdivision, kalsada, real state at iba pa na resulta ng Land-Use-Conversion.

Sa ganitong sistema ng naghaharing estado na ang tanging mahalaga lamang ay kapangyarihan at kapital malinaw na walang aasahan ang mga taga- Camarines Sur.

Dapat yanigin ng mamamayan ng Camarines Sur ang rehimeng US-Marcos Jr sa pagiging inutil nito na resolbahin ang tunay na ugat ng dekadang krisis sa prubinsya at sa buong bansa.

Nananawagan ang NGC-West Camarines na dapat tuloy-tuloy na kumilos at lumahok ang buong mamamayan ng prubinsya sa makauring pagbabago ng lipunan.

Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!
Mamamayan ng Camarines Sur, maghulagpos sa pagka-uripon!
Isulong ang Digmang Bayan na may sosyalistang perspektiba!

Igiit ang pambansang kasarinlan, karapatan sa lupa at kabuhayan! Hindi ang Cha-Cha!