Pahayag

Ika-55 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang sa Timog Katagalugan

,

Sa nagdaang mga araw, matagumpay na idinaos ang pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM) sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at kalunsuran. Pumasok ang mga kabataan, manggagawa at iba pang sektor sa mga sonang gerilya para ipagdiwang ang anibersaryo sa piling ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng Melito Glor Command (MGC). Nailunsad ang selebrasyon sa gitna ng militarisasyon, walang puknat at pataksil na operasyon ng AFP-PNP.

Idinaos din ng mga Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) ang kani-kanilang selebrasyon ng anibersaryo ng PKP. Sa kalunsuran, lihim na nagtipon para sa pagdiriwang ang mga kabataan, manggagawa, mala-manggagawa, kababaihan, propesyunal at iba pang mga kasapi ng Partido.

Hudyat ng pagdiriwang ang flag raising ceremony sa umaga. Inawit ang Ang Internasyunale at binigyang-pugay ang mga rebolusyonaryong martir at bayani sa rehiyon at buong bansa.

Tinalakay sa pulong anibersaryo ang mga pahayag ng Komite Sentral at Komiteng Rehiyon ng Partido. Nagbigay ang mga kinatawan ng iba’t ibang rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga mensahe ng pakikiisa at pagtugon sa mga hamon ng 2024.

Ayon kay Armando Cienfuego, tagapagsalita ng MGC-NPA ST, “Tangan ang mga tagubilin ng Partido, nakahanda ang mga yunit ng NPA na iambag ang kanyang bahagi upang maipagtagumpay ang kilusang pagwawasto at pagpapalakas sa Partido, laluna sa larangan ng pagpapalakas ng BHB at pagsusulong ng armadong pakikibaka. Taas-diwa at buong kapasyahan nating harapin ang bagong taon na armado ng proletaryong prinsipyo at ihatid ang rebolusyon hanggang sa tagumpay!”

Bilang pagtatapos, muling nanumpa ang mga kadre at kasapi ng Partido sa harap ng watawat ng PKP (MLM).

Ayon kay Ka Bai, kalihim ng isang SPL, “Mayroong mga nagdududa at napanghihinaan ng loob, lalo sa ilang matatanda na tulad ko, dahil matagal na raw pero hindi pa nagtatagumpay ang rebolusyon. Ang sabi ko naman, natural ang mga pagsubok sa pakikidigma. Pero hanggang nariyan ang krisis at nagkakaisa ang masa at Hukbo at naririyan ang mga kabataan para magpatuloy ng rebolusyon, hindi dapat mawalan ng pag-asa. Magtatagumpay tayo!”

Naging matagumpay ang pagdiriwang at ligtas na nakauwi ang mga delegado. Samantala, karamihan sa mga kabataan at maralita mula sa lungsod na pumasok sa sona ay nananatili upang makipamuhay sa NPA at mag-ambag sa armadong pakikibaka.

Pagtatapos ni Cienfuego, “Bigwas sa AFP-PNP at rehimeng US-Marcos II ang matatagumpay na pagdiriwang sa rehiyon at buong bansa! Hangga’t nagkakaisa ang masa at tunay nitong Hukbo, patuloy na mabibigo ang anumang imbing pakana ng estado na wasakin ang rebolusyonaryong pwersa.”

Ika-55 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang sa Timog Katagalugan