Ikinukubli ng SONA ni Marcos Jr. ang tunay na kalagayan ng bayan


Nahihibang si Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang pangkatin sa inilahad na ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 24. Ipinagyabang nito bilang “tagumpay” ang nagdudumilat na kainutilan nitong tugunan ang masidhing kagutuman at kahirapan ng bayan. Sa pagsunod sa bulok na tradisyon ng mga papet na pangulo lalo ng kanyang amang diktador, ginamit lang ni Marcos Jr. ang ikalawa niyang SONA upang maghabi ng kathang-isip na kalagayan ng bansa at pagtakpan ang lumalalang krisis sa loob ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Bumungad sa talumpati ang mga estadistika sa ekonomya na diumanong patunay ng pagiging “sound” ng kalagayan ng bansa. Ipinagyabang niya ang bahagyang pagbaba ng implasyon at pataas na padron ng paglago ng ekonomya, na sadyang mangyayari dahil sadsad ang ekonomya noong may pandemya. Pinuri ang mas mataas na koleksyon ng buwis at pagsikad ng negosyo’t kalakalan sa internet (e-commerce) na nag-ambag ng P2 trilyon sa kaban ng bayan, ngunit hindi binanggit ang tuluy-tuloy na pangungutang para punan ang depisito ng gubyerno. Gaya ng inaasahan, inilako ang bagong pasang Maharlika Investment Fund bilang “daluyan ng pondo ng mga proyektong may high-impact umano sa ekonomya” ngunit ang totoo’y gagawin lamang imbudo ng pandarambong ni Marcos at kanyang mga kroni.

Ipinabatid din ang planong modernisasyon at kooperatibisasyon para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan na ipinaketeng nakatudla sa pagpapataas ng produktibidad at pagpapalaganap ng sustenableng produksyon. Kung paano ito ipatatanggap sa mga magsasaka’t mangingisdang mapapasama sa “konsolidasyon” ng mga lupa’t pangisdaan ay wala sa talumpati.

Ibinida rin ang mga proyektong diumano’y kailangan sa pagpapaunlad ng ekonomya, lalo ang P8.3 trilyong Build Better More. Pinalaki ang KADIWA kahit na limitado lang ang narating nito at ang programa sa ayuda na sa aktwal ay inalisan na halos ng pondo at binawasan ang saklaw. Binanggit ang sangkatutak na mga proyektong enerhiya nang walang pag-amin sa dumadalas na brownout. At para sa mga nakamit sa edukasyon at kalusugan, panay ang pagbulalas na hindi magiging hadlang ang kahirapan para makatanggap ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Gayunman, aminadong marami pa rin ang kakulangan sa silid-aralan at marami pa ring hindi naaabot ng mga doktor at pampublikong serbisyong pangkalusugan.

Sa usapin ng trabaho, kapuna-punang wala ang salitang sahod, sa Ingles man o Tagalog, sa buong SONA. Salita ng taong bangag sa bawal na gamot na mahilig sa piging ang 95.7% na tantos ng empleyo at napakaliit na 4.3% na walang trabaho. Para magkaroon ng oportunidad sa trabaho, nakasandig ang ilehitimong pangulo sa pag-eeksport ng lakas-paggawa at dayuhang pamumuhunan na magluluwal ng mga negosyo at pagawaan. Matatapos ang SONA sa hungkag na deklarasyong “Dumating na ang Bagong Pilipinas!” na kumupas na ang dating kahit sa burgis na midya dahil kinopya lang ito mula sa kinamumuhiang matandang Marcos.

Kung kaya’t sa kabuuan, nakakainsulto para sa taumbayan ang laman ng SONA ni Marcos Jr. Hindi kayang pagtakpan ng mga ibinanderang numero ng estado ang walang kaparis na krisis at kahirapan na dinaranas araw-araw ng masang Pilipino, lalo ng mga magsasaka’t manggagawa. Napakalaki ng agwat ng sahod sa family living wage na kinakailangan para tiyakin ang batayang pangangailangan ng isang limang-kataong pamilya. Napakamahal pa rin ng bigas, karne, asukal, gulay at iba pang pagkain habang bagsak-presyo ang mga produktong bukid. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nagtutulak sa pagtaas ng gastusin sa pagsasaka, pangingisda at iba pa.

Paparami ang walang trabaho habang tinatayang nasa higit 35 milyon sa mga ikinukunsiderang may trabaho ang nasa impormal at di-istableng empleyo. Sa kanayunan, malaking banta sa panirahan at sakahan ng mga magsasaka’t katutubo ang mga ipinapasok na pekeng proyektong pangkaunlaran at pagpapalawak ng lupain ng mga panginoong maylupa. Ang problema sa lupa at lumalalim na kahirapan at krisis ang nagbubunsod ng paglaban ng mamamayan na siyang marahas na sinusupil ng papet na rehimen gamit ang pasistang AFP-PNP.

Sa hinaba-haba ng SONA ni Marcos Jr., agaw-pansin na hindi niya tinalakay ang pinalawig at pinasaklaw na panghihimasok militar ng US sa bansa sa anyo ng mga bagong base militar at dagdag na presensya ng mga tropa nito; patuloy na agresyon ng China sa West Philippine Sea; ang umiinit na tensyon sa Asia-Pacific at ang posisyon ng Pilipinas dito; ang balasahan sa mga opisyal pulis at militar na tumatak ngayong taon; at syempre, ang madugo at marahas na mga paglabag sa karapatang tao sa bansa.

Hindi dapat kalimutan, ilang ulit mang itanggi o itago ng rehimen, na sa unang taon ni Marcos Jr. pinagtibay sa bagong antas ang pagiging tuta ng mala-kolonyal na estado sa imperyalismong US at isinubong madawit ang buong bayan sa banggaan ng mga imperyalistang kapangyarihan. Nais niyang ituloy ang pakikipaglaro sa China at US na padron ng matandang Duterte upang makopo ang ayuda ng mga ito sa kanyang paghahari. Ang mga usaping ito ay naglalantad sa mabuway na pundasyon ng kanyang kapangyarihan at pagiging sunud-sunuran niya sa mga dayuhan. Tiyak na mababahiran lang ang magandeng imahen na gusto niyang ipinta kaya pinili na lamang niyang manahimik tungkol sa mga ito.

Hindi pinahintulutan ng mamamayang Pilipino na manaig ang mga kasinungalingan ni Marcos Jr. noong SONA. Katapat ng bawat mapanlinlang niyang salita ang sigaw ng mamamayang nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa araw mismo ng SONA, libu-libong mamamayan ang kumilos sa lansangan upang magprotesta. Idineklara ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, pambansang minorya, kababaihan at iba pang aping uri’t sektor ang kabiguan ng papet, palpak, pahirap at pasistang ilehitimong rehimen na tugunan ang kanilang mga hinaing. Inilahad nila kung paano pinalala ng kasalukuyang rehimen ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng higit pang pangangayupapa sa imperyalismo, pagpapalala ng burukratikong kurapsyon at pinatinding militarisasyon kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Sumisigaw ang bayan ng hustisya para sa 97 mamamayang pinatay ng estado sa tabing ng pekeng gera “kontra-terorismo” sa nakaraang taon.

Ang militanteng pagkilos ng nakikibakang mamamayan laban sa ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte ang bumigo sa pakanang panlilinlang gamit ang SONA. Sa harap ng determinadong mamamayan, nawawalan ng talab ang mga pasistang hakbang ng estado para pipilan ang paglaban. Desperado mang nagpakat ng higit 20,000 pulis ang rehimen para itaboy ang mga nagpoprotesta, hindi natinag ang mga progresibo at nagpatuloy ang martsa sa lansangan. Bukod sa mga rali sa sentrong bayan, dapat ding kilalanin at tularan ang mga komunidad sa kanayunan na tumitindig para sa kanilang karapatan kahit sa harap ng armadong reaksyunaryong kaaway. Dapat ipagpatuloy, ibayo pang paramihin at gawing mapanlikha ang mga kilos protesta upang higit na ilantad ang kabuktutan ng rehimeng Marcos-Duterte at pukawin ang masa na lumaban.

Ang masisiglang pagkilos ay iluluwal ng masigasig na gawaing propaganda-ahitasyon at pag-oorganisa sa malawak na hanay ng aping mamamayan. Kailangang itulak ang buong bayan na lumahok sa iba’t ibang larangan ng laban—ligal, extraligal, lihim at armado—at itaas ang pampulitikang kamulatan ng mamamayan hanggang mapalahok sila sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa huli, ang tuluy-tuloy at walang kapagurang pakikibaka ng masang Pilipino ang gigimbal sa mga delusyon at imbing pangarap ng naghaharing pangkating US-Marcos-Duterte.###

Ikinukubli ng SONA ni Marcos Jr. ang tunay na kalagayan ng bayan