Digmang bayan, hindi pekeng reporma sa lupa ang solusyon sa kahirapan ng magsasakang Palaweño
Kinukundena ng National Democratic Front-Palawan ang ginawang panlilinlang ng reaksyunaryong gubyerno sa mga magsasaka sa Palawan na pekeng pamamahagi ng lupa noong Abril. Kasabay nito, nagpapatuloy ang iskema ng lokal at mga ahensya ng gubyerno para sa sistematikong pangangamkam ng lupa ng mga dayuhang korporasyon ng mina, plantasyon at lokal na MBK-PML sa lupain ng masang Palaweño. Nagngingitngit ang taumbayan sa isinagawang sirkus ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Abril 11 sa isang engrandeng okasyon ng pamamahagi ng mga pekeng titulo, indibidwal at kolektibong Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa 2,046 magsasaka dahil ang mga ipinamahaging CLOA ay hindi naman nakapangalan sa tunay na mga benepisyaryo at iba ang address na nakalagay.
Ang iskemang ito na bahagi ng programa ng rehimeng US-Marcos II na “sariling lupa para sa bagong bukas na masagana” ay isang gasgas na modus operandi na kinopya lamang niya sa mga nagdaang rehimen. Malaon nang nalantad sa masang magsasaka kung paano ginamit ng rehimeng US-Aquino I ang pamamahagi ng CLOA sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) para sa sistematiko at mas mabilis na pangangamkam at rekonsentrasyon ng lupa sa mga panginoong maylupa mula sa mga magsasaka. Sa Palawan, tusong nagamit ni Jose Chavez Alvarez ang iskemang ito ng CARP para i-monopolyo ang malalawak na lupain sa probinsya kabilang na ang buong bayan ng San Vicente.
Ang palabas na itinuturing ng mga Palaweño bilang isang sirkus ay panlilinlang at pagkukubli sa tunay na kalagayan ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa sa probinsya. Hanggang sa kasalukuyan, 37 taon na ang nakalilipas mula nang isinabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) ay hindi pa rin naipapamahagi ang mga lupaing isinailalim sa CARP sa probinsya. Kabilang sa mga ito ang Yulo King Ranch at Lupang Paseco sa Coron at Busuanga, lupang inaangkin ng Sto. Rosario Development Corporation sa Coron; at ng Pujalte Estate/Guevent sa Taytay. Sa halip, ipinapailalim ng lokal na gubyerno kasabwat ang iba’t ibang ahensya ng pambansang gubyerno ang malalawak na lupaing kabilang sa 447,776 idineklara bilang alienable and disposable land sa mga malalaking dayuhan at lokal na kumpanya ng mina, mga kontrata sa agrokorporasyon at ekoturismo. Kasabay nito ang kabi-kabila at laganap na pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at lupaing ninuno ng mga katutubo sa anyo ng iba’t ibang mga kasunduan at kontratang iniendorso ng gubyerno sa mga magsasaka. Halibawa nito ang leasehold agreement para bigyang daan ang mga plantasyon ng oil palm. Napakalaking kabalintunaang namamahagi kuno ang DAR ng titulo sa 2,047 magsasaka nitong Abril habang sa ilang bayan sa timog Palawan ay baon sa milyong pautang ang mga magsasaka at nanganganib na mawalan ng lupa matapos linlangin sa tagibang na mga kasunduan sa pagtatanim ng oil palm na hinikayat mismo ng lokal na pamahalaan.
Tulad ng mga nagdaang rehimen, wala ni katiting na sinseridad at malasakit ang rehimeng US-Marcos II sampu ng mga alipures nito sa lokal na gubyerno ng probinsya sa kapakanan ng masang magsasaka. Nito lamang dumaan na sakunang hatid ng El Niño, naitala sa probinsya ang halos ₱1 bilyong pinsala sa agrikultura o ₱955,929,918.5. May 9,537 ektaryang lupang agrikultural ang natuyo na kalakha’y taniman ng palay, mais, gulay, kamote at iba pang pananim. Idineklara ang state of calamity sa Balabac, Brooke’s Point, El Nido at San Vicente habang nagrehistro rin ng matinding pinsala ang Araceli, Bataraza, Busuanga, Coron, Quezon, Rizal, Sofronio Española at Roxas o katumbas ng halos buong isla ng Palawan. Ang kalunos-lunos na kalagayang ito ng masang magsasaka ang ibayong nagsasadlak sa kanila sa karalitaan. Ang malaking katanungan at hinaing nila, ano ang solusyon dito ng reaksyunaryong gubyerno?
Ang tunay na reporma sa lupa kaakibat ang pambansang industriyalisasyon ang kalutasan sa daantaon nang suliranin ng masang magsasaka. Sa maksimum na layunin ng rebolusyong agrayo kukumpiskahin ang malalawak na lupain ng mga panginoong maylupa at libreng ipapamahagi ito sa mga magsasakang walang sariling lupa o kulang nito. Sa kalagayan ng Pilipinas na pangunahi’y bansang agrikultural, nararapat na tutukang paunlarin ang sektor na ito at iangat ng kabuhayan ng masang magsasaka, kaalinsabay ng isang tunay na pambansang industriyalisasyong magsisilbi para sa pambansang kaunlaran at kasaganaan. Taliwas rito ang tinatahak ng rehimeng US-Marcos II na buu-buong nagpapahintulot at nagbibigay-daan sa dayuhang panghihimasok at pandarambong. Ganundin ang lubos na pagtataguyod sa patakarang neoliberal ng imperyalismo sa kapariwaraan ng lokal na produksyong pang-agrikultura.
Tanging sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas na nagsusulong ng tunay reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ang landas sa kalutasan sa mga saligang suliranin ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Dapat isulong ng masang magsasaka ang rebolusyong agraryo bilang mahalagang sangkap ng digmang bayang inilulunsad sa kanayunan. Hakbang-hakbang itong isinusulong ng mga saligang organisasyong masa ng masang magsasaka, katutubo, Hukbong Bayan at ng mga sangay ng Partido na siyang bumubuo ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Tinatawagan namin ang lahat ng maralitang magsasaka at manggagawang bukid at ibang pang api’t pinagsasamantahan sa kanayunan na itayo ang pinakamaraming samahan ng kanilang sektor at sumampa sa BHB upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na sa saliga’y isang digmang magsasaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.#