Itakwil ang pambabaluktot ni Marcos sa negosasyong pangkapayapaan bilang usapang pagpapasuko
Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga upisyal sa seguridad at militar ni Marcos sa inilabas nilang pahayag kahapon na pinalalabas na ang Oslo Joint Statement na nilagdaan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay kasunduan para sa pagsuko ng Bagong Hukbong Bayan.
Ang mga pahayag na ito ng NTF-Elcac, ng National Security Council at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay imbing tangka na sirain ang pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan, at pigiling maganap ang mga talakayan paano lulutasin ang mga sosyo-ekonomiko at pampulitikang isyu na siyang nasa ugat ng digmang bayan sa Pilipinas.
Sadyang pinabaluktot ng mga upisyal na ito ang pinagsamang pahayag sa pagsasabing pinirmahan ito na may layuning “wakasan ang armadong pakikibaka.” Bagama’t kasama sa Oslo Joint Statement ang naturang parirala, ito ay katuwang at kasunod ng mga katagang “paglutas sa mga ugat ng armadong labanan.”
Nangangailangan ito ng isang masusing negosasyon na dapat na isagawa nang may malinaw na adyenda. Sa ilalim ng The Hague Declaration ng 1992, ang adyenda na ito ay binubuo ng (a) karapatang-tao; (b) panlipunan at ekonomikong reporma; (c) reporma sa pulitika at konstitusyon; (d) disposisyon ng mga pwersa.
Dapat tugunan ng mga negosasyon ang malawakang problema ng kawalan ng lupa, kahirapan at paghihirap, pampulitikang panunupil at tiraniya, na kabilang sa mga isyung nagtutulak sa masang magsasaka na tumangan ng armas at maglunsad ng digma upang ipagtanggol ang kanilang interes at makipaglaban para sa mithiin ng sambayanang Pilipino.
Tunay ngang itinuturing ng PKP at NDFP ang usapang pangkapayapaan bilang karagdagang larangan ng digma, bagama’t hindi armado, kaakibat ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, upang isulong ang pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayan, igiit sa pamamagitan ng negosasyon ang mga kahingian ng mamamayan: para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, hustisyang panlipunan at tunay na demokrasya. Ito rin ang mga adhikain na nagtutulak sa masang Pilipino, lalo na sa masang magsasaka, na tumangan ng armas at makibaka laban sa mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila.