Pahayag

Itinatakwil ng Masbatenyo ang hidwaan ng mga pasistang kriminal na Marcos at Duterte!

, ,

Sa harap ng patung-patong na pagdurusa ng mamamayan laluna ang walang awat na pagtaas ng presyo ng bilihin at lumalalang kundisyon ng pamumuhay, pinatutunayan ng awayang Marcos at Duterte na wala silang intensyong tugunan ang interes ng mamamayan.

Ang desperadong paligsahan ng mga Marcos at Duterte para sa kapangyarihan at dambong ay patunay na itinatakwil na sila ng mamamayan bilang pinakamasasahol na kinatawan ng naghaharing uri. Ipinaranas nila sa mamamayan ang walang kasinglupit na pang-aapi at pagsasamantala.

Pamana ng kanilang paghahari ang mga patakarang neoliberal na nagdulot ng pagtaas ng presyo, pagbaba ng halaga ng sahod at kawalan ng lupa at trabaho. Numero uno rin silang mga tuta ng imperyalismong US sa pataksil na pagbenta sa soberanya ng bansa at pagpapahintulot ng ganap na imperyalistang kontrol sa Pilipinas. Sila rin ay mga berdugong hari na nagpataw ng walang kaparis na pasistang teror at panunupil sa mamamayan.

Partikular para sa mamamayang Masbatenyo, parehong dapat panagutin si Marcos Jr at Duterte bilang utak sa walang katulad na atakeng neoliberal at militar sa prubinsya, na kinatatangian ng mga sumusunod:

• 109 na biktima ng pampulitikang pagpaslang sa prubinsya at libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng umiiral na batas militar sa prubinsya

• Libu-libong ektarya ng lupaing naagaw sa magsasaka, kabilang ang mga rantsong 7R at Pecson sa Cawayan, mga barangay na saklaw ng ekoturismong Empark-Masbate International Tourism Enterprise, iba pang mga lupaing brutal na inagaw ni Gov. Antonio T. Kho para sa rantso at quarry at mahigit 9,000 ektaryang target para sa kontra-magsasakang programa na Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT)

Dapat itakwil ng mamamayang Masbatenyo ang iba’t ibang pakana ng parehong pangkatin para sa kapangyarihan. Itinutulak ngayon ng pangkating Marcos Jr ang pagbabago ng Konstitusyon (Charter Change o Cha-Cha) sa pamamagitan ng bogus na people’s initiative.

Peke at pakitang-tao rin ang posturang oposisyon ni Duterte na nauna nang nagtulak ng Cha-Cha at nagsabatas ng mga patakarang lalong nagtali sa bansa sa dayuhang panghihimasok. Tiyak na makukulong si Duterte sa kanyang mga krimen sa sangkatauhan sa libu-libong napatay sa kanyang pasistang gera kontra droga.

Bigo na malinlang ang taumbayan sa pampulitikang panawagan na “Pagkakaisa”, agad na pumihit si Marcos Jr sa pagtutulak ng “Bagong Pilipinas” bilang hudyat ng ambisyong maging diktador at pagtakpan ang luma, bulok at hindi na magagamot pang malakolonyal at malapyudal na sistema.

Kung hindi lalaban ang taumbayan, walang ibang patutunguhan ang kanilang hidwaan kundi ang pananatili ng pasistang lagim at paghaharing militar sa anyo ng pagpalawig sa poder ng mga Marcos o ng panunumbalik ng mga Duterte sa kapangyarihan.

Itinatakwil ng Masbatenyo ang hidwaan ng mga pasistang kriminal na Marcos at Duterte!