Kalagayan ng mga mangingisda sa baybay-dagat ng Botolan
Ipaglaban ang karapatan sa lupa, daungan, at pangisdaan!
Labanan ang pang-aagaw sa baybay-dagat ng sindikatong Paulino Ramos at mga kasabwat!
Labanan ang mapaminsalang proyektong ekoturismo ng rehimeng US-Duterte!
Labis na naghirap. Walang kasiguraduhan sa panirahan at kabuhayan. Laging nasa panganib ang buhay sa karagatan. Ito ang abang kalagayan ng mga mangingisda sa baybay-dagat ng Botolan, Zambales.
Patuloy na naghihirap
Madaling araw pa lang pumapalaot na ang mga mangingisda mula sa baybay-dagat ng Botolan. Depende sa lagay ng panahon at matapos ang buong araw na panghuhuli, karaniwan silang nag-uuwi ng humigit-kumulang 10 kilo ng isda bawat byahe at kumikita ng mababa sa 300-500 piso. Ang kita na ito mula sa huling isda ay gagamitin muli bilang puhunan sa susunod na byahe at sa panggastos ng pamilya sa araw-araw. Sa loob ng isang taon, halos ilang buwan lang ang panahog maayos ang lagay ng dagat kung kaya mas mahaba ang panahong taggutom at hirap. Marami rin sa maliliit na mga mangingisda ay walang sariling bangka, walang sariling lupa at nakikisaka lang sa lupa ng iba. Sa ganitong pang-araw-araw na kalagayan, paulit-ulit silang nababaon sa kahirapan.
Pang-aagaw sa lupa, panirahan at daungan sa baybay-dagat ng Botolan
Ang mahirap na kalagayan ng mga mangingisda ay pinapalala ng patuloy na pang-aagaw sa lupa’t panirahan sa baybay-dagat. Marami sa kanilang lugar — panirahan at daungan ng kanilang maliliit na bangka ang inaagaw at hinarangan ng nagsusulputang mga resorts at pribadong pag-aari.
Tila murang isdang nakaladlad sa palengke ang pagbebenta sa mga lupang panirahan at daungan ng maliit na mangingisda na nasa tabing-dagat ng Botolan. Nagsulputan ang maraming dayong ahente’t sindikato na bumili at nagbebenta sa mga lote’t lupang matagal ng pinupwestuhan ng mga mangingisda. Ang mga loteng ito ay nakabuyangyang maging sa internet o websites.
Sa baybay-dagat ng Botolan at sa ilang kalapit na bayan, katampok-tampok ang pang-aagaw at pag-aahente ng sindikatong si Paulino Ramos at mga kasabwat nito. Kasabwat ang ilang opisyal ng lokal na gubyerno, niloloko’t inagaw nila ang mahigit 5 ektaryang lupain na inookupa ng maraming pamilyang mangingisda. Ang ibang mga lote naman ay naibenta na at tinayuan na ng mga resort. Dulot nito, maraming mangingisda ang nawalan ng karapatan sa panirahan at daungan ang mangingisda. Ang baybay-dagat sa Botolan na dating malayang ginagamit na lugar daungan at pangisdaan ng mga mamamayan ay kinakamkam na ng iilan.
Mapaminsalang proyektong ekoturismo ng gubyerno
Ang pagdagsa ng mga ahente’t sindikatong tulad ni Paulino Ramos at mga kasabwat nito ay resulta ng agresibong pagtutulak ng programang ekoturismo’t negosyo ng gubyerno sa mga kabundukan, kapatagan at baybay-dagat ng pobinsya ng Zambales. Batay sa isinagawang pulong sa Subic ng liga ng mga mayor noong 2018, mahigit 1,500 mga lokal at dayuhang kumpanya ang magtatayo ng negosyo sa buong lalawigan, kabilang na ang mga proyektong ekoturismo’t malalaking daungan sa baybay-dagat sa pagpapalawak ng Subic Bay Special Economic and Freeport Zone. Nakakabit din ito sa Build, Build, Build tulad ng Capas-Botolan road, proyektong ekoturismo sa Mt. Tapulao at Pinatuobo, at iba pang mga proyekto ng rehimeng Duterte.
Mangingisda’t magsasaka magkaisa! Labanan ang pang-aagaw sa lupa’t daungan! Ipaglaban ang kabuhayan at panirahan!
Walang tiyak na kabuhayan sa programang ekoturismo ng rehimeng US-Duterte. Pawang bula lang na maglalaho ang pangako nitong kaunlaran. Ilang tao’t malalaking negosyanteng lokal at dayo ang makikinabang dito.
Lalo nitong isasadlak ang mga mahihirap na magsasaka, mangingisda, pambansang minorya at iba pang maralitang taga-Zambales sa kahirapan. Magreresulta ito ng mas malawak na pang-aagaw sa lupang sinasaka at pagkait sa karapatan ng mamamayan sa kabuhayan at panirahan.
Tanging ang tunay na repormang agraryo — ang libreng pamamahagi ng lupa, pagpapaunlad sa sakahan at pangisdaan; pambansang industriyalisasyon at ang pagtatayo ng bagong demokratikong gubyernong bayan at sosyalistang estado ang matagalang solusyon sa kahirapan sa kanayunan. Makakamit ang tunay na pagbabagong ito sa pagsusulong at pagpanalo ng demokratikong rebolusyong bayan na may malawak na partisipasyon at suporta ng mangingisda, magsasaka at iba pang mga inaaping sektor.
Download: PDF