Pahayag

Labanan ang Korap, Pahirap, Papet at Pasistang Rehimeng US-Marcos II

Sa unang taon at ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr., wala pa rin makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga maralita at mamamayan taliwas sa kanyang mga ipinangako. Bagkus ay lalung lumala ang kanilang kalagayan dulot ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, mababang sahod, kalunos-lunos na kalagayan sa mga pabahay, kawalan ng maayos na serbisyong panlipunan at malubhang paglabag sa karapatang pantao ng mga indibidwal at mga legal na demokratikong mga organisayon na bumabatikos sa rehimen. Habang naghihirap ang mamamayan, sunod-sunod naman ang pagpapasarap ng pekeng pangulo sa mga maluluhong byahe nya sa ibang bansa upang ibenta ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan.

Dagdag pahirap din ang talamak na koruspyon at panunumbalik ng mga kroni ng mga Marcos. Sa pamamagitan ng pagratsada sa Maharlika Investment Fund, magkakamal ito ng kalahating trilyong piso mula sa mga bangko ng gubyerno. Ibig sabihin, gagamitin ang pera ng taumbayan, ng mga magsasaka at iba pang sektor para ipuhunan at ipautang sa mga lokal at dayuhang kumpanya sa real estate, mining, housing, energy atbp. na ang higit na makikinabang ay ang mga kaalyado at kroni ng mga Marcos. Katulad na lamang ng pagbigay kay Enrique Razon Jr. ng Malampaya natural gas facility sa loob ng 15 taon, ang mga Aboitiz sa industriya ng kuryente at ang mga Romualdez sa industriya ng media.

Si Enrique Razon Jr. din ang nasa likod ng Wawa-Violago Dam na mahigpit na tinututulan ng mga magsasaka at maralita sa Rizal dahil bukod sa pagpapalayas sa kanilang mga lupain at sakahan ay mapanganib ito sa kalikasan na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide katulad na lamang ng insidente nito lamang Hulyo 17 na kumitil sa buhay ng isang ginang sa Antipolo City. Nagpapatuloy rin ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa kabila ng pagtutol ng marami nating kababayan at mga kapatid nating katutubong Dumagat. Bukod sa perwisyong maidudulot nito sa ating kalikasan, kamakailan lang ay nabalitang hindi binabayaran ng tamang pasahod ang mga manggagawa dito.

Sa loob ng isang taon na hinawakan ng pangulo ang Department of Agriculture, lalung tumaas ang presyo ng mga pagkain katulad ng bigas, sibuyas, itlog, mantika, asukal at iba pa. Higit na naghirap ang ating mga magsasaka sa pagpasok sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na lalung magtatali sa importasyon sa halip na suportahan ang sariling lokal na produksyon. Ang P20 per kilo na bigas ay panlilinlang lamang at ilusyon ng pangulo dahil wala naman itong ginagawa upang suportahan ang lokal na produksyon at ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Bagkus ay nakaasa sa pag-aangkat sa mga dayuhan.

Ang ating mga maralita sa kalunsuran ay patuloy na tinataboy at dinadahas. Katulad na lamang sa Kasiglahan Village sa Rodriguez Rizal. Mula nang ipinaglaban nila na magkaroon ng pabahay at matagumpay na inokupa ito ay kinampuhan na sila ng 80th IBPA. Gayunrin sa Tibagan sa Taytay, Rizal. Pagpagslang, iligal na pagkulong, harassment, red-tagging at sapilitang pagpapasuko ang sagot ng rehimen sa ating mga maralita na ang tanging hangad lamang ay magkaroon ng disenteng pabahay, kabuhayan at libreng serbisyong panlipunan. Nariyan din ang pagsunog ng hinihinalang bayaran ng SM Holdings sa mga komunidad sa Sito Malanim, Barangay Dela Paz sa Antipolo City noong Hulyo 7 upang sila ay mapalayas sa kabila ng may ligal na laban pa sila dito.

Ang mga maralita at mga manggagawa ay patuloy na nanlilimos ng dagdag sahod sa mga kapitalista subalit mumong kwarenta pesos lamang ang ibinigay. Inutil at walang magawa ang rehimen US-Marcos II sa karaingan ng mga mamamayan subalit ibayong pagpapakatuta naman sa imperyalistang US habang nakikipagmabutihan din sa China. Dinagdagan pa ng mga base militar ng mga Kano ang ating bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Mula nang maupo si Marcos II ay sunod-sunod na ang naganap na mga joint military exercises sa ating bansa. Bagay na lumalabag sa ating soberanya at naglalagay sa ating bansa sa peligro oras na magirian ang US at China. Inutil din at walang magawa ang rehimen upang ipagtanggol at protektahan ang West Philippine Sea mula sa China.

Patuloy ang paglubha ng kalagayan ng karapatang pantao sa Rizal. Wala pa rin katarungan sa anim nating mga kababayang pinaslang noong Bloody Sunday Massacre sa Southern Tagalog. Dumarami ang iligal na inaaresto at sinasampahan ng gawa-gawang kaso. Sa kasalukuyan ay mayroong walong bilanggong pultikal ang lalawigan, apat rito ay mga katutubong Dumagat at ang iba ay mga magsasaka at kababaihan. Dumarami ang biktima ng harassment, red-tagging, sapilitang pagpapasuko at mass disaffiliation. Mayroon din higit sa sampung komunidad sa Rizal ang militarisado at bantay sarado ng 80th IBPA na tila ba Batas Militar. Ito ay sa mga lugar kung saan binanbatayan nila ang mga development projects ng kanilang mga among kapitalista katulad na lamang ng Wawa-Violago Dam at Kaliwa Dam.

Kaya sa isang taon ng rehimeng US-Marcos II at ikalawang SONA, paigtingin natin ang ating mga pakikibaka. Tanging sa sama-samang pagkilos at rebolusyonaryong lakas maisusulong ang demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Abutin ang pinakalamalawak na masa, mga propesyunal, kabataan, taong simabahan, mga empleyado, maliliit na negosyante atbp. upang itakwil at labanan ang korap, pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos II.

Labanan ang Korap, Pahirap, Papet at Pasistang Rehimeng US-Marcos II