Pahayag

Labanan ang pagtatayo ng naval base sa Bagamanoc, Catanduanes!

Anong ikatatakot ng Tsina sa mga baseng nabal na ipinatatayo sa Pilipinas kung mismong si Duterte ang yumuyukyok at naninikluhod sa kanila? Mulat ang mamamayang Pilipinong hungkag at pawang pakitang-tao ang binabalak ng rehimeng US-Duterte na magpatayo ng baseng nabal sa Panay Island, Bagamanoc, Catanduanes.

Sa kabila ng pagkakaroon ng baseng nabal sa Casiguran, Aurora, madali lang na nakalusot ang dalawang Chinese vessel at nakapasok sa karagatan ng Paracale, Camarines Norte upang diumano’y kumuha ng iron ore nitong Mayo. Walang anumang tugon ang reaksyunaryong gubyerno sa ulat ng mamamayan. At nang makapasok ang daan-daang Chinese vessels sa West Philippine Sea sa parehong panahon, kinailangan pa ng matinding tulak ng kampanyang masa bago tuluyang mapwersa ang rehimeng US-Duterte na maghain ng diplomatic protest. Gayunpaman, sa papel nagtapos ang reaksyon ni Duterte. At pagkatapos, nagpatuloy ang ubos-ligayang pandarambong ng Tsina sa yamang dagat ng bansa. Ang kainutilan, kaduwagan at pagpapakatutang ito ay nagresulta sa P1.92 trilyong pagkasira ng yamang-likas na dapat napakinabangan ng masang anakpawis.

Hindi kailanman ipinaglaban ni Duterte ang kompensasyon at karapatan ng mangingisdang tinakot at pinagkaitan ng kabuhayan ng maangas na Tsino. Tigas-mukha pang tinawag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sinungaling ang mga mangingisdang nagpahayag na hindi na sila nakakapangisda sa West Philippine Sea dahil sa panghihimasok ng Tsina. Aabot sa 70% ng kita ng mga mangingisda ang kabayaran ng sinadyang kainutilan at kriminal na kapabayaang ito ng rehimen.

Tunay na maipagtatanggol at maitataguyod lamang ng mamamayang Pilipino ang soberanya sa pagpapalakas at pananagumpay ng anti-imperyalistang pakikibaka. Hinding-hindi ito maasahan mula sa mga papet at reaksyunaryong tulad ni Duterte. Ngayon, higit kailanman, kinakailangang palakasin ng masang Bikolano ang kanilang suporta at lumahok sa mapagpalayang digma ng mamamayan. Tanging sa malakas na armadong paglaban mawawakasan ng mamamayan ang panghihimasok ng mga imperyalista at tunay na makakamit ang paglaya mula sa dayuhang pang-aapi at pagsasamantala.

Labanan ang pagtatayo ng naval base sa Bagamanoc, Catanduanes!