Labanan ang panibagong bugso ng okupasyong militar sa mga komunidad sa Masbate

Sang-ayon sa hibang na layunin ni Marcos Jr. na “tapusin kaagad kung kaya” ang rebolusyonaryong kilusan, walang pakundangan ang AFP at PNP sa paghahasik ng terorismo sa mamamayan, laluna sa masang magsasaka sa Masbate. Nangangahulugan ito ng patuloy na pag-iral ng mala-martial law na kaayusan. Patunay ang panibagong okupasyong militar sa ilalim ng RCSP, muling pinuntirya ang mga isla ng Ticao at Burias habang tinatarget naman ang bayan ng Placer sa mainland Masbate.

Sa patuloy na atakeng militar sa mga sibilyan, lalong pinatutunayan ng AFP at PNP at CAFGU at ng buong reaksyunaryong estado na kinakatawan ng rehimeng Marcos Jr na sila ang terorista.

Walang napala ang mamamayang Masbatenyo sa ilang taong pananalasa ng RCSP sa probinsya. Sa halip na kaunlaran, laganap ang pagbabawal sa paghahanapbuhay, pagharang sa suplay ng pagkain, paninira sa ari-arian at kabuhayan at pang-aagaw ng lupa. Sa halip na mga pangakong proyekto, kaliwa’t kanang kampo at detatsment ang ipinapatayo. Sa halip na kapayapaan, umiiral ang takot sa mga komunidad dulot ng presensyang militar, redtagging, palabas na mga labanan, maramihang pang-aaresto, sapilitang pagpapasurender, pang-aabuso sa mga kababaihan, pambobomba sa himpapawid at pagpatay sa mga sibilyan.

Ang bugso ng mga RCSP sa probinsya ay tiyak ding pagpapatuloy ng kurakot sa ilalim ng korap na kontra insurhensiyang programang NTF-Elcac. Daan-libo hanggang milyon ang nakukurakot ng mga opisyal ng militar sa kada baryong pinalalabas nilang surrenderee habang binubulsa rin nila ang pondo para sa huwad na programanng Barangay Development Program (BDP) na nidedeklarang NPA-cleared matapos i-RCSP. Hindi kataka-taka ang paulit-ulit na paglullunsad ng RCSP sa mga baryo para makakubra ng pondo – mas maraming operasyong militar, mas maraming kurakot.

Higit sa lahat, sinupil ng militarisasyon ang pagkakaisa at kapangyarihan ng masa na isulong ang kanilang kagalingan at ipaglaban ang kanilang interes. Ang kakakayahan ng masang Masbatenyo na magsagawa ng mga pakikibaka mula pagpapataas ng presyo ng kopra, sama-samang produksyon para sa mas maraming ani at pagprotesta sa mga mapangwasak na proyektong neo-liberal tulad ng mina at eko-turismo ay sinasagkaan ng walang tigil na mga operasyong militar.

Dapat mamulat ang mga Masbatenyo, laluna ang mga mamamayan ng mga isla ng Ticao at Burias at sa bayan ng Placer sa pangangailangang magkaisa at labanan ang ma tumitindi pang militarisasyonsa probinsya. Lalo lalamng nilulugmok na mala-martial law na kaayusan ang Masbate sa kumunoy ng gutom, kawalan ng lupa at kahirapan. Dapat nilang mabatid na ang RCSP at anumang bihis ng okupasyong militar at armadong panunupil na tuwirang tumatarget sa sibilyang komunidad ay malinaw na paglabag sa international na makataong batas. Lalong nadagdagan ang kanilang legal na tuntungan laban sa militarisasyon sa pagbasura ng mababang korte sa petisyon ng reaksyunaryong estado na ideklarang terorista ang rebolusyonaryong kilusan subalit higit anuman binibigyang katwiran na maruming gera ng bulok na estado sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. ang kawastuhan ng armadong rebolusyon.#

Labanan ang panibagong bugso ng okupasyong militar sa mga komunidad sa Masbate