Hindi myembro ng NPA si Niño Henera

Kinukundena namin ang paulit-ulit na paggamit ng Casiguran Municipal Police Station sa rebolusyonaryong kilusan bilang kumbinyenteng sangkalan sa mga krimen na nais nilang pagtakpan at takasan.

Taliwas sa inimbentong ulat ng Casiguran MPS at 31st Infantry Battalion, hindi myembro ng NPA o ng rebolusyonaryong organisasyon si Niño Henera, isang construction worker na pinaslang noong Hunyo 26, 2024, bandang alas 10 ng gabi, sa Barangay Trese Martires, Casiguran, Sorsogon. Wala ring myembro ng NPA sa naturang barangay sa panahon ng pamamaslang.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng rebolusyonaryong kilusan ang naturang krimen.

Ayon sa ulat ng mga residente, nakaupo sa gilid ng kalsada si Henera habang umiinom ng gin bago ito paslangin. Nakarinig sila ng 8 hanggang 10 magkakasunod na putok ng baril nang naganap ang krimen at wala silang narinig na palitan ng putok pagkatapos.

Natatakot naman ang mga residente na magsalita o magkwento hinggil sa pangyayari. Bago ang pamamaslang ay naglunsad “Serbisyo Caravan” bilang bahagi ng Re-tooled community support program o RSCP ang mga elemento ng 31st IBPA noong Hunyo 21, 2023 sa naturang barangay.

Hindi ito ang unang beses na ginamit ng PNP at AFP ang rebolusyonaryong kilusan upang pagtakpan at takasan ang kanilang mga krimen.

Matatandaang nagpalabas ng pekeng engkwentro at nagtanim ng mga pekeng ebidensya noong Nobyembre 6, 2023, sa Brgy. Tigbao, Casiguran ang mga elemento ng Casiguran MPS, 1st PMFC at Regional Special Operations Unit ng Regional Intelligence Division 5 upang pagtakpan ang kanilang pagpatay kay Caesar Garces Groyon, isang sibilyan na pinaloob sa maanomalyang programang E-CLIP. Sa kanilang inimbentong ulat, magsisilbi kuno sila ng warrant of arrest sa tatlong myembro ng NPA sa nasabing lugar nang magkaroon ng engkwentro.

Duwag ang AFP at PNP na umaatake sa walang kalaban-labang mga sibilan sa gawa-gawa nilang mga engkwentro, kaysa harapin ang tunay na kalaban, ang NPA. Ang pagtarget sa mga sibilyan sa gitna jg umiiral na gera sibil sa bansa ay labag sa International Humanitarian Law at isang krimen laban sa sangkatauhan. Bahagi rin ito ng desperadong tangka na gupuin ang armadong paglaban ng mamamayan.

Nananawagan kami sa mga kagawad ng midya, na maging mapagmatyag at mapanuri sa mga ulat na pinalalabas ng AFP at PNP, at dinggin ang boses ng mga inaapi at pinagsasamantalahan. Sa paglala ng pasismo at walang- pakundangang paglabag sa karapatang tao ng mga pwersa ng estado sa probinsya, higit na kailangan ng mga inaapi ang mapagdudulugan ng kanilang mga reklamo at magiging kakampi sa pagkakamit ng hustisya.

Hindi myembro ng NPA si Niño Henera