Opisyal na Pahayag ng Komiteng Rehiyon ng Cagayan Valley sa ika-54 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas Magpunyaging umigpaw at sumulong sa harap ng mga balakid! I-abante ang digmang bayan sa mas mataas na antas! Lumaban kasama ang masa ng Lambak Cagayan!

Buong galak na ipinapaabot ng Pangrehiyong Komite ng Partido sa Cagayan Valley (KR-CV) ang taas-kamao at pinakamainit na pagbati sa lahat ng kasapi at kadre ng Partido sa rehiyon, sa lahat, ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Fortunato Camus Command (BHB-FCC), sa lahat ng kaibigan at alyado ng National Democratic Front, sa uring magsasaka at manggagawa, sa lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa at sa lahat ng nagsusulong ng pambansang kalayaan at demokrasya sa pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ginugunita at ipinagdiriwang ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Lambak Cagayan ang araw na ito sa iba’t ibang kaparaanan at selebrasyon na puno ng militansya at rebolusyonaryong diwa sa kabila ng teroristang pagtugis at atake ng estado.

Sa okasyong ito, pinakamataas na pagpupugay at natatanging parangal ang iginagawad ng KR-CV sa buhay at pakikibaka ni kasamang Jose Maria Sison, Pangulong Tagapagtatag ng bagong Partido at dakilang komunistang guro na naglapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino, sa kanyang buong-katapatan at buong-buhay na paglilingkod sa sambayanang Pilipino at sa dalawang-yugtong rebolusyon. Pumanaw dahil sa karamdaman ang Tagapangulong JMS noong Biyernes ng gabi, Disyembre 16 (oras sa Pilipinas) sa edad na 83. Hindi masusukat ang mga naging ambag niya sa pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyon sa Pilipinas at sa iba pang mga bansang nakikibaka para sa kilusang pagpapalaya. Pinaparangalan din ang mga kadre ng rehiyon na sina Ka Yuni (Rosalino Canubas), Ka Peping (Saturnino Agunoy), Ka Tina (Mary Grace Bautista), Ka Shuli (Arcenio Ferrer), Ka Eloy (Mario Agustin), Ka Marzan (Ralph Valencia) at lahat ng iba pang naglingkod sa Partido at BHB nang walang pag-iimbot at buong pagpapakasakit. Inspirasyon at gabay ng proletaryong rebolusyon ang kanilang mga iniwang aral at alaala.

Sa pagwawakas ng tiranikong rehimeng US-Duterte, higit nitong isinadlak ang mamamayan sa rurok ng kahirapan bunsod ng paglagapak ng ekonomya bago pa man ang pandemya. Sa pag-upo sa kapangyarihan ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II, lalong lumubha ang kahirapan at paghihikahos ng mga Pilipino sa higit na pangangayupapa ng rehimen sa mga neoliberal na polisiya at kontra-mamamayang programa. Tulad ng kanyang ama at ni Duterte, himod-puwet ito sa doktrina ng imperyalismong US at sagadsaring nagpapakatuta. Sa sumisidhing krisis sosyo- ekonomiko at pampulitika ng naghaharing sistemang malapyudal at malakolonyal, bumabaling ang rehimen at ang naghaharing-uri sa pinakamalulupit na paraan upang isalba at panatilihin ang kapit sa kapangyarihan habang nagdurusa ang laksa-laksang mamamayan sa tumitinding teroristang atake at paninibasib ng estado.

Sa sumasahol na paghihirap ng sambayanang Pilipino, wala na silang ibang mapagpipilian kundi ang lumaban para sa kanilang interes at isulong ang pakikibaka sa iba’t ibang larangan at porma. Sa patnubay ng unibersal na teorya ng MLM, laging handa at higit na determinado ang Partido na pamunuan ang pambansa-demokratikong rebolusyon at gawin ang mga kinakailangang sakripisyo upang isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas.

NAGLULUWAL NG PAGLABAN ANG TUMITINDING PASISMO AT KAHIRAPAN

Tumatampok ang tumitinding pangangamkam ng lupa at lumalalang problema sa kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka sa Cagayan Valley bilang pangunahing problema sa rehiyon. Sa tabing ng iba’t ibang programa at proyektong pang-imprastraktura, pangkalikasan, pangkaunlaran at pambabraso ng gobyerno, itinaboy ang mga magsasaka sa kaloob-looban ng gubat, naging mga kasamak at manggagawang-bukid sa kapatagan kung hindi man nagpalaboy sa mga sentrong bayan at kalunsuran bilang mga aliping sahuran, pulubi, utusan ng mga sindikato at iba pa.

Halos isang daang libong ektarya ang pinasok ng Enhanced National Greening Program (E-NGP) sa rehiyon o halos katumbas ng sangkapat ng probinsya ng Nueva Vizcaya. Kalakhan dito ay kabundukan o napaunlad na upland farms na tahanan ng mga pambansang minoryang Agay at mga setler gayundin ang sakahan ng mga magsasakang walang titulo o ano mang katibayan ng pagmamay-ari sa lupa na kinikilala ng gobyerno. Sa mahigit isang dekada, napatunayan itong iskema ng pangangamkam ng lupa at huwad na programang reporestasyon ng DENR. Bago pa man nangyari ang mga malawakan at biglaang pagbaha sa rehiyon dala ng bagyong Ulysess noong 2020, malaon nang nailantad na wala ni isang napanumbalik na kagubatan bagkus ay nagbigay-daan lang sa mga eco-tourism project na nagpalayas sa mga magsasaka o kung hindi man ay ginawa silang mga “care-takers” o tagapagbantay na lamang sa mga itinanim na puno sa kanilang bukirin; nagpapasok at nagpalawak ng mga plantasyon ng rubber tree at tubo para sa bio-ethanol ng GFI-Ecofuel na pag-aari ng burgesya komprador na si Martin Lorenzo; naging gatasan at bukal ng korapsyon ang pondo nito sa mga lokal na burukrata at opisyal ng DENR; at naging instrumento ng AFP upang bigyang-katwiran ang kanilang paggalugad sa gubat at mga operasyong kombat at paniktik

Malawakang dislokasyon din sa mga magsasaka at pambansang minorya ang idinulot ng Coastal Development Plan sa baybaying bahagi ng Isabela. Sa pambabraso ng mga lokal na naghaharing- uri, buu-buong isla ang kanilang kinamkam at inangkin na sa mahabang panahon ay maituturing na ancestral lands ng mga katutubong Agay. Pinagkaitan din ang mga katutubo ng kabuhayan na pangunahing nakaasa sa pangangaso matapos ideklarang “protected area” ang kagubatan na siya rin nilang tahanan. Sa probinsya naman ng Cagayan, makalipas ang tatlong taon, wala pa ring desenteng tirahan at kabuhayan ang mga mangingisdang marahas na pinalayas ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) sa Racat sa bayan ng Sta. Ana. Matatandaang marahas na giniba ang bahay ng mga residente ng Racat upang bigyang-daan ang itatayong resort o tourist hub ng CEZA. Asahang sasahol pa ang ganitong mga kaso sa ilalim ng kasalukuyang connectivity project sa Pasipiko na naglalayong pagdugtungin ang probinsya ng Aurora hanggang sa Sta. Ana, Cagayan. Tiyak na sasagasaan nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at sisira sa kagubatan ng Sierra Madre.

Winawaldas ng gobyerno ang kalikasan at kabuhayan ng mamamayan para sa mga proyektong pang-imprastraktura sa kapakinabangan ng dayuhang negosyo, malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Hinayaan silang dambungin ang likas na yaman ng rehiyon samantalang pinagkakaitan ang mga naglinang nito. Sa kabila ng deka-dekada nang pagtutol at kasaysayan ng paglaban ng mga katutubong Kalinga, itinuloy pa rin ang ambisyosong Chico River Pump- Irrigation Project na pinondohan ng China sa ilalim ng BBB Program. Mabibilang lang sa daliri ang mga magbebenipisyo rito sa probinsya ng Cagayan habang ilulubog ang kalakhan sa bingit ng panganib. Nakakasa na rin ang proyekto ng IMF-World Bank na mega dam sa Calapangan River sa bayan ng Sto. Niño at ang Genned Dam na lulunod sa anim na bayan ng Cagayan.

Tadtad rin ang kagubatan at karagatan ng CV sa operasyon at aplikasyon ng mina kung saan laan para rito ang 3.5 ektarya sa bawat 100 ektarya ng lupa sa rehiyon. Mayaman ang CV sa mga yamang-mineral at may halagang-komersyal tulad ng ginto, copper, magnetite, limestone, perlite, graba at buhangin bagay na pinaglalawayan ng mga lokal at dayuhang korporasyon ng mina. Sa kasalukuyan, hawak ng dalawang kumpanya ng mina ang 18,000 ektarya na may FTAA na nasa probinsya ng Nueva Vizcaya. Dalawang operasyon din ng mina ang nasa Isabela na nagmimina ng nickel ore at ginto. Sa lalawigan ng Cagayan, nariyan ang coal mining na wawasak sa tatlong baryo ng Iguig. Muli namang nagbalik ang operasyon ng magnetite mining matapos itong imaniobra ni Gov. Manuel Mamba kasabwat ang MGB-DENR. Ginawang tabing ang “dreding” bilang mitigasyon sa halos taun-taong pagbaha sa lalawigan na pinakete bilang Cagayan River Restoration Project (CRRP) upang pagtakpan ang pandarambong sa likas-yaman sa probinsya.

Samantala, mas malabo pa sa tubig-baha ang pagpapawalang-sala ng gobyero sa Aboitiz, may-ari ng Magat Dam, matapos itong magpakawala ng tubig, gayong malinaw na ito ang isa sa mga pangunahing salarin sa malawakang pagbaha na kumitil sa buhay ng 24 mamamayan ng CV at sumira sa milyun-milyong halaga ng iba’t ibang ari-arian. Ginahasa na rin ng imperyalistang pagdambong ang baybayin ng Cagayan mula Sta. Ana hanggang Sta. Praxedes o sumasaklaw sa 60,637 ektarya sa basbas ng offshore mining. Sa MPSA pa lamang ng isang kumpanya, umaabot na sa 632 milyon-tonelada ang reserbang blacksand na katumbas ng $71 bilyon o ₱3.53 trilyon (batay sa $112/toneladang presyo sa merkado). Mababayaran na sana nito ang 35% kabuuang utang ng bansa. Kapalit nito, nanganganib ang buhay at kabuhayan ng mga mamalakaya at ang kabuuang seguridad sa pagkain ng rehiyon. Nagmumula sa probinsya ng Cagayan ang 72.3% ng suplay ng isda sa buong CV kung saan 60.2% nito ay galing sa municipal waters na saklaw ng pagmimina

Sa harap ng pagpapakasasa ng mga lokal na naghaharing-uri sa tiba-tibang kickback at insentiba mula sa mga dambuhalang korporasyon, sumasahol naman ang dati nang kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka at iba pang mga demokratikong sektor sa rehiyon. Kumakalam ang sikmura ng mga lumilikha ng pagkain sa tinaguring “Rice Granary of Luzon” bunsod ng sukdulang importasyon at kawalang-ayuda ng gobyerno sa magkakasunod na kalamidad. Maging ang mga nasa sektor ng livestock, poultry, at pangisdaan ay umaalma at nalulugi. Bumagsak ang presyo at produksyon ng palay at maraming lokal na rice millers ang nagsara sa pagbaha ng imported na bigas tulak ng Rice Liberalization Law. Noong 2021, malayong mas mahal ang presyo ng bawat kilo ng darak na kaning-baboy kaysa sa palay na pagkain ng tao. Hindi pa rin abot-kaya ang presyo ng bigas sa mga karaniwang mamamayan na sa katunayan ay mas nagmahal tungong ₱130 kada salop sa ilang mga lugar sa rehiyon.

Doble-dagok sa mga magsasaka ng palay at mais sa rehiyon ang pagdapa ng kanilang kabuhayan at kriminal na kapabayaan ng rehimen sa pagtugon sa mga nasalanta ng magkakasunod na bagyo. Ito ay sa gitna ng biglang pagtaas ng gastos sa produksyon kasunod ng pagtaas sa presyo ng abono at langis. Pumapalo ngayon sa ₱2,000-₱3,500 ang presyo ng bawat kaban (50 kilos) ng abonong ginagamit sa mga pananim mula sa dating ₱800-₱960 bawat kaban. Tumaas din ang upa sa mga aarkelahang makinarya tulad combined harvester, tresher at traktora kasabay ng pagsirit ng presyo ng langis na kailangan para sa mga ito. Sa kabila nito, barat na barat pa rin ang presyo ng mga produkto ng mga magsasaka. Nitong huling cropping season kasabay ng hagupit ng bagyong Florita hanggang kay bagyong Paeng, sumadsad sa ₱11-₱12 ang bawat kilo ng mais o halos katumbas lamang ang kita sa sangkatlo ng kabuuang gastos para sa isang ektaryang maisan. Na sa parehong panahon, umakyat ang tantos ng implasyon sa rehiyon tungong 6%.

Sumasahol ang dustang kalagayan ng mga magsasaka dulot ng produksyong pangunahing nakasandig sa cash crop at genetically-modified organisms (GMO) na gawa ng mga dayuhang agrokemikal na korporasyon na masama kapwa sa kalusugan at kalikasan. Sa napakamahal na farm inputs, walang-kakayahan ang magsasakang bilhin lahat ng pangangailangan sa produksyon kaya naitutulak silang indain ang napakataas na interes ng pautang ng mga trader o usurero-komersyante at micro-financing. Sa rehiyon, naglalaro sa 28%-43% ang usura sa bawat cropping. Lupa ang karaniwang kolateral sa mga hindi nakakapagbayad kaya mabilis na nakakapagpalawak ng lupain ang mga bagong tipo ng panginong maylupa. Naging kasamak na lamang ang mga dating may-ari o di kaya ay isinangla ang lupa na nailit pagkaraan ng ilang panahon. Mayroon ding sinasampahan ng kaso, pinadalhan ng subpoena at malala pa, ikinulong ang iba.

Biktima rin ng karahasan at intimidasyon ang mga magsasakang nakaposisyon sa mga lupang kinamkam ng mga hacienda at mga lokal na burukratang ginamit ang kapangyarihan sa pang-aagaw ng lupa. Sa rehiyon, pag-aari ng 32 pamilya ng mga panginoong maylupa-burukrata kapitalista ang humigit kumulang 100,000 ektarya ng lupa!

Bunga ng malaganap na pangangamkam ng lupa at pagsasamantalang pyudal at malapyudal, higit na lumala ang konsentrasyon ng lupa kapwa ng mga tradisyunal at bagong tipo ng mga Panginoong maylupa at nag-anak ito sa dumaraming bilang ng mga maralitang magsasaka at pana-panahong manggagawang-bukid. Tuwing planting at cropping season, namumulubi sila sa ₱120-₱350 arawang sahod sa gitna ng di maampat na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at lalong namumulubi sa tiempo muerto. Binuhay nila ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagpasok sa iba’t ibang klase ng trabaho sa mga sentrong bayan, nagpapakat ng bitag sa mga kagubatan, nagraratan, nag-uuling, naninisid ng isda, at iba pang diskarte na kadalasan ay hindi sapat o hindi makatawid sa pang-araw-araw.

Monopilisado ng mga burakrata kapitalista ang ekonomya at pulitika ng rehiyon. Ginagamit nila ang posisyon sa burukrasya upang mabilis na makapagpalawak ng lupa sa tabing ng mga proyekto pangkonstruksyon, huwad na mga programang “pangkaunlaran’ at pangkalikasan, at sa pakikipagsabwatan sa 5th IDPA at PNP. Naging mas garapal ang pananatili ng mga political dynasty at talamak na korapsyon. Tuluyang hinubaran ng nakaraang pambansa at lokal na halalan ang bogus na reaksyunaryong eleksyon sa pagadami ng mga naitalang election-related na karahasan sa rehiyon kabilang ang pamamaslang. Ang mahigpit na pag-aagawan sa kapangyarihan ng mga trapo at burukrata ay paglalantad lamang sa kawalan ng tunay na demokrasya taliwas sa gustong ipangalandakan ng bulok na sistema ng eleksyon sa Pilipinas.

Gamit ang nakaw-na-yaman, gumastos ng milyun-milyon si Marcos Jr upang “bumaha” ang boto niya sa rehiyon. Sa lahat ng mga tumakbo, si Marcos Jr ang pinakamahal bumili ng boto. Ito ay sa kabila ng pagmamayabang ng pamilya sa tinatawag nilang “Solid North.” Masangsang na rin sa masa ang mga Enrile kaya nabigo silang makapanumbalik sa Cagayan kahit na binitbit sila ng mga Marcos. Gayunpaman, may iilan pa rin itong tauhan at taga-suporta sa mga lokal na pamahalaan.

Malaon nang walang tiwala ang mga magsasaka at iba pang inaaping uri sa gobyerno na “nakikita” lang nila minsan sa kada tatlo o anim na taon. Ika nga nila, “Kilala lang nila kami kapag eleksyon.” Malinaw sa mamamayan na hindi malulutas ng simpleng eleksyon ang kanilang mga batayang suliranin

Naging mas garapal at higit na tumindi ang teroristang atake at paninibasib ng estado sa huling mga araw ni Duterte sa kapangyarihan. Sa pagpasok ng taong 2022, walang patumanggang pambobomba mula sa himpapawid ang naging opening salvo sa “last push” ng 5th Infantry Division Philippine Army (5th IDPA) sa rehiyon. Pitong sibilyang Agay na hindi na makilala sa tinamong matinding sunog at nagkapira-pirasong katawan ang nasawi matapos maghulog ng hindi bababa sa 30 maliliit at malalaking bomba ang Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force (TOG2-PAF) sa kabundukan ng Gonzaga sa Cagayan mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-12 ng tanghali noong Enero 29. Kung tutuusin, halos buwan-buwan ang aerial bombing at shelling ng AFP sa Cagayan. Sa loob ng unang hati ng taon, nakapagtala ng anim na insidente ng terorismo mula sa himpapawid ang probinsya na tumarget sa mga sibilyan at sa kanilang mga komunidad. Binalot sa takot ang kanayunan. Daan-daan ang sapilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan at bukirin. Gabi-gabing namimirwesyo ang ugong ng drones, ipinarada ang mga howitzer sa gitna ng baryo, buong-pagmamayabang na binantaan ang mga magsasakang nasa liblib na gubat na bobombahin at pupulbusin ang kabundukan tulad ng ginawa nila sa syudad ng Marawi.

Linigalig ng RCSP ang mapapayapang pamayanan. Ginawang baraks ang mga eskwelahan, barrio hall, kapilya at iba pang pampublikong pasilidad. Sa kanilang okupasyon, sumulpot ang mga tao at proyektong mapangamkam ng lupa, mga bandido at tulisan, talamak ang pagnanakaw, pangingikil, paglalasing, pagsusugal, sexual harassment, paggamit ng droga at iba pang mga anti-sosyal na gawain. Hindi na makatulog nang matiwasay ang mga residente sa halos gabi-gabing inuman at ingay ng mga lasing na sundalo. Sa rehiyon, ipinailalim sa RCSP ang hindi bababa sa 60 baryo ng 18 na bayan mula 2020-2022.

Batas militar ang umiiral sa mga komunidad na ito. Pinagbawalan ang mga magsasakang abutan ng dilim sa kanilang mga bukirin, sapilitang pinagdadala ng mga sedula kapag aakyat sa bukid, linimitahan ang iaahon na bigas at pagkain, binusalan ang bibig upang pahupain ang kanilang disgusto at paglaban, at pinatay ang mga sibilyang malisyosong pinaratangang kasapi ng NPA.

Kontrolado din ng militar ang daloy ng balita at impormasyon lalo na sa mga liblib na lugar. Laganap ang saywar at disimpormasyon upang sindakin ang masa at maghasik ng takot sa hanay nila. Serye ng mga pekeng engkwentro sa pagitan ng BHB at AFP ang ipinakakalat sa mga baryo at midya, dinudungisan ang prestihiyo ng BHB sa pagpapalipad ng false-flag operations tulad ng ginawang panununog ng 98th IBPA sa isang kubo ng masa at siniraan ang mga kaibigan at suporter ng rebolusyon sa desperasyong buwagin ang pagkakaisa sa hanay ng mamamayan at BHB.

Nilinlang ang mga magsasaka sa tabing ng mga relief operation, financial assistance, barangay assembly at iba pang pakulo upang makahakot ng makabuluhang bilang ng mga idideklarang “surrenderees”. Samantalang nakaranas ng intimidasyon at pagbabanta sa buhay ang mga hindi nila napayuko at tinugis ang ilang umilag sa atake. Tiba-tiba ang matataas na opisyal ng 5th IDPA sa pondo ng Enhanced Comprehensive Localized Integration Program (ECLIP) at Barangay Development Program (BDP) habang insulto sa mga idineklara nilang nagsurender di umano ang isang kilo ng bigas at sardinas bilang kapalit ng “pagbabalik-loob” habang ang iba nga, ni pamasahe pauwi mula sa kampo ay wala pang natanggap.

Sumahol din ang pasistang panunupil at atake sa mga ligal at demokratikong organisasyong ‘masa. Hinarang ng mga tropa ng 5th IDPA ang iba’t ibang grupo at organisasyong naglunsad ng fact-finding mission (FFM) upang imbestigahan ang mga ala-Sauron na operasyon sa mga baryo at kaso ng pambobomba na pumatay sa mga sibilyan.

Sa kabila ng gasgas at desperadong deklarasyon na tuluyang napahina at nalansag na ang BHB sa rehiyon, katawa-tawa na banta pa rin sa 5th IDPA ang sinasabi nitong tira-tirang pwersa dahil sa kabila nito ay hindi tumigil ang kanilang focused military operations na laking batalyon hanggang brigada laban sa mga yunit gerilya ng BHB-FCC mula 2020-2022 lalo na sa bahagi ng West Cagayan na hindi iniwan ng 17th IBPA. Sa kasalukuyan, limang batalyon ng 5th IDPA ang nakadeploy sa rehiyon labas pa sa 103rd IBPA na bagong-buong batalyon. Bagamat idineklara nang insurgency-free ang lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya, hindi pa rin umalis doon ang mga tropa ng 86th IBPA upang tiyaking ligtas ang pandarambong ng Oceana Gold Philippines Inc. (OGPI) sa mga likas na yaman ng nasabing probinsya. Nakaposisyon din ang MBLT10 sa kahabaan ng baybaying bahagi ng Cagayan upang pangalagaan ang operasyon ng offshore magnetite mining at mga POGO sa Sta. Ana.

Dahil sa lumalalang krisis panlipunan, namumulat ang mamamayan ng Cagayan Valley na lumaban sa kahit anong posibleng paraan upang tuldukan ang kanilang dustang kalagayan. Sa sistematikong panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, lalong titindi ang korapsyon, ang kultura ng kawalang-pananagutan at pagsiil sa mga sibil at demokratikong karapatan ng mamamayan. Sa matingkad na katangian ng estadong nagsisilbi sa makauring interes ng mga mapagsamantala at mapang-api, natutulak ang mga mamamayan na dumaluyong at tahakin ang landas ng rebolusyon, maglunsad ng armadong paglaban, suportahan ang BHB at lumahok sa pagsusulong ng digmang bayan.

WALANG-KAPAGURANG PAGLABAN AT PAGPUPUNYAGI SA GITNA NG MGA BALAKID

Bagamat sugatan ang BHB-FCC, bigo pa rin si Duterte, ang 5th IDPA at ang Task Force Tala at RTF Elcac na durugin ang BHB sa rehiyon alinsunod sa kanilang desperadong deadline. Lalong hangal ang rehimeng US-Marcos II sa baluktot nitong pag-aakala na magwawakas ang insurhensiya sa pagpanaw ng Tagapangulong JMS. Hindi nila nauunawaan na hanggat walang kalutasan ang mga batayang suliraning panlipunan, walang makapipigil sa masa na kumilos at lumaban para baguhin ang kanilang kinasadlakan. Isinusuka na ng mamamayan ang sistemang malaon nang nagpapahirap sa kanila. Lahat ng inaaping uri at sektor ay nag-aasam ng pagbabago at naghahanap ng paraan upang humulagpos sa kasalukuyang mapaniil na lipunan.

Hindi nahadlangan ng teroristang todo-atake ng kaaway ang paglaban ng masa at BHB. Kasama ng masa at para sa kanila, nanatiling matatag ang BHB sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido. Malaking gabay sa pagkilos at pagsulong ng Partido, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan ang pag-aarmas sa mga kasapi nito sa unibersal na teorya ng MLM at kongkretong paglalapat nito sa nagbabagu-bagong kalagayan. Gumulong ang tatlong-antas ng kursong Pampartido sa hanay ng mga kasapi at kadre ng Partido sa lokalidad at sa hukbong bayan. Sa pamamagitan ng pamamahagi ng Ang Bayan, Baringkuas at mga sulatin ni Tagapangulong JMS, naipapalaganap ang tindig at pagsusuri ng Partido sa mga usaping pambansa at internasyunal. Liban dito, nakapagpanday din sa ideolohiya ang mga kasapi at namumunong kadre sa nailunsad na gawaing konsolidasyon sa gitna ng operasyon ng kaaway. Nilagom ang mga karanasan sa pagharap sa atake ng kaaway (kapwa sa hukbo at masa); humalaw ng mga positibo at negatibong aral upang maging gabay sa ibayong pagsulong; at matapang at matapat na nagpuna sa sarili. Tinukoy ang mga kahinaan sa hindi epektibong pagharap sa social pressure at digmang sikolohikal ng kaaway na tumama sa pwersa at sa masa, hindi maagap na pag-angkop sa nagbabagu-bagong kalagayang panseguridad at sa isang panahon, pagluwag sa planado at koordinadong paglabang pampulitika at pangmilitar ng mga yunit. Ang mga nabanggit ang siyang panloob na ugat ng pansamantalang pagliit ng BHB sa rehiyon.

Sa umiigting at walang puknat na mga kampanya at operasyong kombat at saywar ng 5th IDPA, nagpunyagi ang BHB na magpalakas sa aspetong pulitiko-militar. Ikinasa ang tatlong bats ng Batayang Kurso Pulitiko-Militar (BKPM), kraskors sa individual combat technique para sa mga milisyang bayan at batayang pagsasanay medikal (BMTr) sa mga opisyal medikal ng BHB at mga organisasyong masa.

Matagumpay na nakasamsam ng mabababa at matataas na kalibre ng armas sa ikinasang batayang taktikal na opensiba at serye ng mga operasyong isnayp, harass, dis-arma at parusa. Tampok dito ang ambush laban sa isang yunit ng 86th IBPA na nasamsam K3 light machine gun. Samantala, aabot sa isang pinaliit na platun ng kaaway ang namatay at nasugatan sa mga operasyong ito.

Sa tuluy-tuloy na agresyon ng pasistang estado at mga galamay nito, may ilang panahong nailayo ang mga yunit ng BHB sa hanay ng masa dahil sa kahinaan sa pagsusuri sa angkop na paglaban ng isang maliit na pwersa ng hukbong bayan na may malakas na suportang masa laban sa malaking armadong kaaway na may mahinang suportang masa. Sa ilalim ng gabay ng Partido at kolektibong pamumuno, natukoy ng mga yunit ng BHB na kahangalan ang pagpasok sa lantay-militar na sitwasyon.

Sa mahigpit na pagtangan sa aral ng nakaraang mga karanasan, napawalang-saysay ng mga yunit gerilya sa rehiyon ang pangmilitar na superyoridad ng kaaway. Binigo rin ng BHB ang mga kampanyang militar ng 5th IDPA sa taong ito at nanaig laban sa pinatinding gera kontra-rebolusyonaryo ng estado.

Sa kabila ng halos oras-oras na paninira ng mga kontra-rebolusyonaryo sa BHB at ng malaganap na disimpormasyon at pambabaluktot ng 5th IDPA, maluwag at mainit na tinanggap ng mga masa ang BHB sa mga pinapagpapalawakan at mga binabalikang lugar. Bukas ang kanilang mga tahanan at munting kubo para sa kanilang hukbo. Sabik na sabik silang makadaupang-palad ang BHB upang pagdulugan ng kanilang mga hinaing sa baryo, problema sa lupa at maging sa mga suliraning personal. Hindi maitatanggi sa masa na tatak na ng BHB ang paglutas sa mga usaping agraryo at batid nilang nasa kaibuturan ng layunin ng ipinaglalaban ng BHB ang malalim na mithiin ng magsasaka para sa sariling lupa at kalutasan ng mga problemang agraryo, bagay na hindi makokopya ng AFP. Lipos din sa tuwa ang masa sa presensya ng hukbo dahil “may katatakutan na ang mga tulisan at ang may masasamang gawi”. Iniimbitahan nila ang hukbo sa iba pang mga lugar at iniuugnay sa ibang mga kamag-anak o kakilala na matagal na ring naghihintay upang bigyang-kalutasan ang kanilang mga problema.

Madulas na nakapagpalawak ang BHB bitbit ang rebolusyonaryong programa sa lupa. Susi ang pagtangan sa agraryong rebolusyon sa mabilis na pagbubuo ng mga antas bayan at tipak-bayan na mga organisasyon ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) at iba pang sektoral na organisasyong masa. Ito rin ang nagbigay-daan sa pagbubuo at pagkokonsolida sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang mga istrukturang ito ang naging bag-as ng kilusang masa sa rehiyon laban sa pangangamkam ng lupa at pagpapababa sa usura.

Sa kabilang banda, nag-uumapaw ang pagkamuhi ng masa sa AFP kasunod ng walang pakundangang pambobomba mula sa ere na tumatarget sa mga sibilyan, sakahan at eryang malapit sa komunidad. Hindi rin nahadlangan ng militaristang lockdown ang mga protestang bukid upang kundenahin ang pasismo at kriminal na kapabayaan ng estado sa gitna ng pandemya. Sa lihim na mga pagtitipon at pagkilos, nagsalita ang mga biktima ng intimidasyon at panggigipit at inilahad kung paano binusalan ang kanilang bibig ng mga berdugo. Matalino rin nilang inikutan ang kampanyang surender ng kaaway. May mga binoykot ang paulit-ulit na imbitasyon, mayroon din ‘nagsurender” upang itulak ang kaaway na magkapante at nang tantanan na sila ngunit sa kabuuan, nananatili silang tapat sa rebolusyon. Nilangaw din ang CAFGU rekrutment ng 5th IDPA. Ayaw nilang maging alipin o gawing utusan lamang at higit lalo, ayaw nilang kalabanin ang uri nila.

Nanggagalaiti ang masa sa mga lugar na pinutakti ng RCSP. Maliban sa paglaganap ng mga anti-sosyal na gawi, pinigilan silang magsulong ng mga karapatan at kahilingan. Pangunahing target ng panunupil at pandarahas ang mga lider-magsasaka na nagsusulong ng pagpapababa sa interes ng pautang at ganap na pagbubura nito matapos ang magkakasunod na kalamidad. Lalong luminaw sa masa na interes ng mga mapagsamantala ang itinataguyod ng AFP at kontra-magsasaka ang sinasabing “community support program.” Hindi rin nagpalinlang ang masa sa barangay development program na sa katunayan ay naging gatasan lamang ang pondo ng mga kurakot na opisyal ng 5th IDPA. Para sa kanila, walang silbi ang mga pangakong farm-to-market roads kung inaagawan naman sila ng lupa at binabarat ang kanilang mga produkto.

Hindi rin napigilan ng panunupil ng estado ang paglaban ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa tubuhan at iba pang sektor kabilang ang mga panggitnang-pwersa laban sa red-tagging maging ang mga negosyante laban sa walang-habas na importasyon ng bigas at iba pang mga produktong agrikultural

Sa gitna ng pasistang atake ng estado at ng 5th IDPA, nananatiling solido ang komite ng Partido sa rehiyon na higit na determinadong pamunuan ang rebolusyon at masa. Bagamat may ilang kadre ng rehiyon na nawala, mas marami naman ang mga bagong dugo at kabataang kadre na hindi nag-atubiling bumalikat ng mabibigat na kinakailangang tungkulin at gawain.

Binibigyang-katiyakan ng mga nabanggit na konsolidasyon sa ideolohiya at organisasyon, ng pagkakaisa ng Partido sa linya nito, diwa ng pagpapakasakit para sa bayan na pinagbuwisan ng buhay ng mga bayani at martir ng rebolusyon, at ang matinding kahirapan at panunupil sa masa bilang materyal na batayan sa ibayong pagsulong ng dalawang-yugtong rebolusyon sa rehiyon.

DETERMINADONG PAMUNUAN ANG REHIYON PARA SA IBAYONG PAG-IGPAW AT PAGSULONG.

Sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa susunod na yugto ng buhay at kamatayang pakikibaka, higit na determinado ang Partido sa rehiyon na pamunuan ang rebolusyon at laging nagpapatatag bilang abanteng destakamento ng paglaban. Dapat na mabilis na sunggaban ang nag-aalimpuyong damdamin ng paglaban ng mamamayan sa rehiyon upang tapusin ang sukdulan nilang paghihirap at pagdurusa. Dapat na palakasin at patatagin ang pamumuno ng Partido sa masa sa bawat yugto ng kanilang pakikibaka.

Dapat na ibayong magpalakas ang Partido at BHB. Konsolidahin ang ideolohiya at pataasin ang proletaryong rebolusyonaryong kamulatan sa pamamagitan ng pag-aaral sa MLM at magpakahusay sa pagtangan sa materyalistang pananaw, proletaryong panininindigan at diyelektikong pamamaraan upang suriin ang kalagayan at lutasin ang mga balakid sa pagsusulong ng mga gawain.

Dapat na sustinido at aktibong ipalaganap ang tatlong-antas ng kursong pampartido sa hukbo at sa lokalidad at magpanday ng mga instruktor sa hanay nila. Ipopularisa ang mga kurso sa digmang bayan ng Pilipinas maging ang sa Byetnam at Tsina upang himukin ang paglahok ng masa sa digma. Maging maparaan at mapanlikha sa pagpapalaganap ng Ang Bayan, Baringkuas at iba pang pambansa-demokratiko at MLM na babasahin upang maabot ang pinakamalawak na bilang ng mamamayan. Pasiglahin ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili sa mga namumunong komite hanggang sa mga grupo ng Partido at mga organisasyong masa upang mapahigpit ang pagkakaisa at maagap na maituwid ang mga kahinaan at pagkakamali. Panghawakan at gamiting gabay sa pagkilos ang mga naging aral sa mga lagom na karanasan.

Palaganapin ang rebolusyonaryong propaganda at pasiglahin ang kilusang propaganda. Mapagpasyang pangibabawan ang mga naging limitasyon sa nakaraan upang maabot ang pinakamalawak na saklaw mula lokal hanggang internasyunal. Maksimisahin ang lahat ng pamamaraan at gawing kilusang masa ang gawaing propaganda. Magpalitaw ng mga propagandista-ahitador sa hanay ng masa upang ipalaganap ang linya ng dalawang yugto ng rebolusyon, pataasin ang kapasyahang lumaban, at labanan at ilantad ang disimpormasyon at pambabaluktot ng kaaway. Palaganapin ang masiglang pag-aaral sa kasaysayan sa harap ng sistematikong pagsisinungaling at pambabaluktot ng kasalukuyang rehimen upang pagtakpan at ibaon sa limot ang karumal-dumal na paglabag sa mga karapatang-tao, matinding korapsyon at pagguho ng ekonomya ng Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar ng diktadurang Marcos Sr.

Gawing inspirasyon at hamon ang alala ng mga bayani ng rebolusyon sa higit pang pagsusulong at pagpapalakas ng armadong pakikibaka sa rehiyon. Himukin ang buong rebolusyonaryong kasapian at alyado na maglunsad ng mga pulong-parangal at maraming mapanlikhang obra ng sining para sa Tagapangulong JMS bilang paggunita sa kanyang buhay at pakikibaka upang kilalanin at pagpugayan ang kanyang makabuluhang ambag sa proletaryong rebolusyon sa loob at labas ng bansa.

Iluwal ang armadong lakas sa ubos-kayang pagmumulat sa masa at pagpapatupad sa minimum at maksimum na programa ng reporma sa lupa batay sa aktwal na pampulitikang lakas at kakayahan. Ito ang mag-aanak sa paglahok at paglulunsad ng digmang magsasaka sa kanayunan at magpapalakas sa kanilang sandatahan, ang Bagong Hukbong Bayan.

Abutin ang nagtatalikurang lakas-kumpanyang larangang gerilya at palakasin ang mga bertikal na pormasyon sa batayan ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Pasiglahin ang paglahok ng masa sa pakikidigmang gerilya at paglaganap ng mga aksyong militar. Mapangahas na itayo at paramihin ang mga milisyang bayan, yunit ng seksyon gerilya, yunit depensa-sa-baryo at mga kwerpo ng pananggol-sa-sarili. Matalinong abutin ang matataong lugar at mga sentrong bayan sa iba’t ibang pamamaraan. Bigyang-diin ang pag-oorganisa sa mga kabataan at estudyante bilang bukal ng pasampa. Mabilis na magsanay ng mga bagong mandirigma at agad na isabak sa mga mabubungang pulitiko-militar na paglaban.

Dapat na mabuo ang pinakamalapad na pagkakaisa at tumindig ang lahat ng mga patriyotiko at mga nagmamahal sa soberanya at kalayaan laban sa pagtatayo ng mga instalasyong militar ng US sa rehiyon. Itinutulak ng rehimen ang mamamayan sa bingit ng kapahamakan at kamatayan oras na masangkot ang Pilipinas sa gerang proxy laban sa China. Bulnerable din ang rehiyon at buong bansa sa mga atakeng nukleyar sa ginagawang pagpoposisyon ng US sa mga estratehikong lokasyon sa bansa. Dapat na igiit ang tagumpay ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) alinsunod sa International Arbitral Ruling Tribunal ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (IART-UNCLOS). Panghawakan ang desisyon ng UNCLOS at itakwil mga nag-aastang “tagapagligtas” upang pakinabangan ang tagumpay ng bansa at dambungin likas-yaman sa WPS.

Kabigin ang suporta ng mga panggitnang uri. Abutin ang pinakamalapad na nagkakaisang prente upang itakwil at ibagsak ang ilehitimong rehimeng US-Marcos II na sagadsaring nagpapakatuta sa imperyalismong US. Siya ang numero unong tagapamandila ng mga neoliberal na polisiya sa bansa na pumapatay sa mga magsasaka, sa sektor ng agrikultura at sa iba pang sektor at inaaping uri.

Sa harap ng sumasahol na krisis at tumitinding panunupil ng estado, walang ibang tatakbuhan ang masang api at pinagsasamantalahan kundi sa silong ng rebolusyonaryong kilusan. Binabalikat ng lahat ng mga kadre at kasapi ng Parido Komunista ng Pilipinas ang pinakamabibigat ng tungkulin upang pamunuan ang masa at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa pagpapalakas at pagsulong ng digmang bayan. Inaasahan ang lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido na isabuhay ang komunistang diwa ng di-pagkamakasarili upang magampanan ang tungkuling ito. Dapat taglayin ang rebolusyonaryong sigla, optimismo at tapang sa harap ng mga sakripisyo, hirap, at maging sa kamatayan. Tungkulin ng Partido na pag-alabin ang nagsisimulang apoy ng paglaban ng mamamayan at pagliyabin ito sa mga kabundukan at kaparangan ng Lambak Cagayan. Mitsa ang hinog na hinog na kalagayan sa rehiyon sa paglagablab ng digmang bayan sa buong kapuluan

Marapat na gunitain ang ika-54 anibersaryo ng Partido sa taimtim na pagtahak sa mga aral at turo na ipinamana ni Tagapangulong JMS na papalis sa mga balakid ng pagsulong sa susunod na yugto ng rebolusyon at ipagdiwang din ang okasyong ito sa pagkilala at pagkatuto sa mga kamalian at kahinaan ng nakaraan habang optimistikong tinatanaw ang pagpapanibagong-lakas at ibayong pagsulong ng rehiyon.###

Magpunyaging umigpaw at sumulong sa harap ng mga balakid! I-abante ang digmang bayan sa mas mataas na antas! Lumaban kasama ang masa ng Lambak Cagayan!