Pahayag ng pagbati at pakikiisa ng Kaguma sa ika-55 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas Magwasto, ituro at isabuhay ang mga dakilang aral ng 55 taong rebolusyon ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Ang lahat ng kasapi ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) sa buong bansa ay nagbibigay ng pinakamataas na pagpupugay at pagpupuri sa ika-55 na taon ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Sa pagpapatuloy ng rebolusyong sinimulan ni Bonifacio, at wastong paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas, naging mayaman ang karanasan ng Partido sa pakikibaka at pakikidigma. Ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay matagumpay na kumikilos sa higit na 110 sonang gerilya na nakakalat sa 73 na mga probinsya sa 17 na rehiyon labas ng NCR. Nakalatag din sa buong bayan ang mga grupo ng partido na nagpapayaman ng karanasan sa partikular na lugar na kanilang kinikilusan. Kaya tumpak lamang na lagumin ang mga karanasan ng Partido kasama ang rebolusyunaryong kilusang guro para humalaw ng mga mahahalagang aral para sa paghakbang pasulong tungo sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.
Sa ika-55 na anibersaryo ng Partido, pinagpupugayan ng lahat ng kasapian ng Kaguma ang lahat ng mga dakilang guro ng rebolusyon. Una na rito ang dakilang guro ng bayan na si Propesor, isa sa mga nagtatag ng PKP noong 1968, Jose Maria Sison na pumanaw noong ika-16 ng Disyembre 2022. Isa siyang hindi magmamaliw na tanglaw ng rebolusyon mula sa kamusmusan nito hanggang sa mga susunod na taon. Kinikilala rin ng Kaguma ang kabayanihan nina Benito “Ka Laan” Tiamzon, tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral (KTKS), at Wilma “Ka Bagong-Tao” Austria Tiamzon, pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), mga dakilang guro at lider ng rebolusyon na nagbuo ng mga aral sa paglalapat ng MLM sa rebolusyon sa Pilipinas.
Nariyan din ang mga magigiting na guro sa larangan ng kultura na sina Ericson Acosta at Kerima Tariman na kapwa nagpakahusay sa larangan ng kultura at pakikidigma. Lalong sumiklab ang pagnanasa ng mga Pulang mandirigma sampu ng mga rebolusyonaryong guro na ipagwagi ang pambansa demokratikong digmang bayan dahil sa mga sakripisyo ng mga martir ng bayan.
Sa papatinding krisis sa ekonomiya, sa gitna ng pagpapatuloy ng pamamasista ng kontra-insurhensyang programa ng papet na rehimen ng US-Marcos-Duterte gamit ang whole-of-nation approach, ay nanatiling matatag ang Partido sa pagtangan sa bayatang prinsipyo ng Marxismo- Leninismo-Maoismo (MLM) at sa paglapat nito sa mala-pyudal at mala-kolonyal na kondisyon ng Pilipinas. Kaya naman makakaasa ang Partido na mas lalong magiging masigasig ang Kaguma sa pagrekrut ng mga guro, edukador at kabataan para maging mga Pulang mandirigma at kadre ng Partido. Napatunayan na ng PKP sa 55 na taon nitong pagrerebolusyon na habang nagiging mabangis ang estado sa pamamasista sa mamamayan ay lalo naman nagiging masidhi ang mga kasapi ng Partido at iba pang rebolusyonaryong grupo para magpalawak at sugpuin ang pangil ng pasismo at kamandag ng imperyalismo.
Ipagpapatuloy ng Kaguma ang gawain nitong magmulat ng mga kapwa guro, panggitnang pwersa at kabataan para sa landas ng rebolusyon. Ipagpapatuloy ng Kaguma ang tungkulin nito sa kilusang propaganda upang malantad ang bulok ng sistema ng MKMP na lipunan at tanganan ng mamamayan ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan tungo sa sosyalismo.
Tuloy-tuloy na susuporta ang Kaguma sa iba’t ibang mga usapin ng batayang masa tulad ng welga ng mga tsuper laban sa huwad na modernisasyong isinusulong ng rehimeng US-Marcos. Gagamitin ng Kaguma ang isyu ng jeepney phase out para mahikayat ang mga guro at mga kabataan na hindi jeep ang bulok na dapat walisin sa kalsada bagkus ituturo ng Kaguma na ang buong sistema ng malakolonyal na ekonomiya na nakatali sa imperyalismo ang dapat kagyat na buwagin.
Susuporta ang mga kasapi ng Kaguma sa mga gawain sa pagpapalakas ng kilusang masa na sumusuporta sa usapang kapayapaan. Imumulat nito ang mga kapwa guro, mga estudyante at mamamayan na hindi makakamit ang kapayapaang nakabatay sa katarungan hangga’t hindi tinutugunan ang mga batayang ugat ng armadong tunggalian.
Dapat palakasin din ng Kaguma ang kanyang yunit propaganda at magparami pa ng mga mahuhusay na kasapi ng propaganda team para sunggaban ang lahat ng mga isyung lumiligalig sa mamamayan at iugnay ito sa kabulukan ng rehimeng US-Marcos-Duterte na mukha ng bulok na naghaharing sistema. Ang mga propaganda team na ito ay makakapagmulat at makakakabig sa malawak na kaguruan upang lumahok sa mga anti-pyudal at anti-imperyalistang pagkilos sa mga paaralan at lansangan. Kasabay nito, pauunlarin ng Kaguma ang pangunahing tungkulin nito na maglunsad ng mga regular na mga pag-aaral hinggil sa kalagayan ng batayang masa, kalagayan ng sektor ng edukasyon, lipunan at rebolusyong Pilipino, at mga programa at patakaran ng Partido sa mga kasapian nito at sa mga nais irekrut na kasapi upang lalong lumalim ang kanilang kaalaman sa makauring pagsusuri ng ating lipunan gamit ang ideolohiyang MLM. Palalawakin din ng Kaguma ang kanyang hanay at magtatayo ng mga balangay at selula sa mga paaralan upang itransporma ang mga burges na paaralan tungo sa pambansang demokratikong paaralan. Isasama ng mga rebolusyunaryong guro ang kanilang mga mag-aaral sa mga pabrika, enklabo, at kanayunan upang mapukaw ang mga kabataan at iba pang edukador sa tunay na kalagayan ng magsasaka at obrero.
Patatampukin din ng Kaguma ang pakikiisa nito sa mga Palestino laban sa henisidyo ng Israel sa basbas ng imperyalistang US. Tulad ng mga Palestino, ang Kaguma ang isa sa pangunahing nagtataguyod ng karapatan ng mga Pilipino para sa kalayaan sa sariling pagpapasya at paglaban sa kolonyal na paghahari.
Walang pasubali ang paniniwala ng Kaguma na tanging sa armadong pangmatagalang digmaang bayan lamang matatamo ang tunay at lubos na Pagpapalaya ng ating bayan at sangkatauhan. Kaya naman makakaasa ang Partido sampu ng National Democratic Front na mas magiging masidhi ang mga kasapi ng Kaguma para pagwawasto, pagtuturo at pagsasabuhay ng mga mga dakilang aral ng 55 na taon ng Partido!